Add parallel Print Page Options

Ang Anghel at ang Maliit na Balumbon

10 Pagkatapos ay nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na bumababa mula sa langit. Siya'y nababalutan ng ulap at may bahaghari sa kanyang ulo; ang mukha niya ay tulad ng araw, at ang kanyang mga binti ay parang mga haliging apoy. May hawak siyang maliit na balumbong nakabukas. Itinapak niya sa dagat ang kanyang kanang paa, at sa lupa ang kaliwa. Sumigaw siya nang napakalakas, tulad ng isang leong umaatungal. Pagsigaw niya, dumagundong ang pitong kulog. Pagkatapos ng dagundong, susulat na sana ako, ngunit narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Takpan mo ng tatak ang mga sinabi ng pitong kulog, at huwag mong isulat ang mga ito.” At (A) itinaas ng anghel na nakita kong nakatayo sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay sa langit. Sumumpa siya sa kanya na nabubuhay magpakailanman, sa kanya na lumikha ng langit at ng lahat ng naroroon, ng lupa at lahat ng naroroon, at ng dagat at lahat ng naroroon: “Hindi na patatagalin pa, ngunit sa mga araw na hihipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, magaganap ang hiwaga ng Diyos ayon sa inihayag niya sa kanyang mga lingkod na propeta.”

At (B) nagsalitang muli ang tinig na narinig ko mula sa langit, “Humayo ka, kunin mo ang bukas na balumbon sa kamay ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa.” Kaya pumunta ako sa anghel at hiningi ko sa kanya ang munting balumbon. Sinabi niya sa akin, “Kunin mo, at kainin mo; mapait ito sa tiyan, subalit sintamis naman ng pulot sa iyong bibig.” 10 Inabot ko ang maliit na balumbon mula sa kamay ng anghel at kinain ito. Kasintamis ito ng pulot, subalit nang makain ko'y pumait ang tiyan ko.

11 At sinabi nila sa akin, “Kailangang magpahayag kang muli ng propesiya tungkol sa maraming bansa, mga lahi, mga wika, at mga hari.”