Mikas 1
Magandang Balita Biblia
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Mikas na isang taga-Moreset. Noong panahon ng paghahari sa Juda ni Haring Jotam, Haring Ahaz, at Haring Hezekias, sinabi sa kanya ni Yahweh ang mga pahayag tungkol sa Samaria at sa Jerusalem.
Pagdadalamhati para sa Samaria at sa Jerusalem
2 Pakinggan ninyo ito, mga bansa,
kayong lahat na naninirahan sa buong daigdig.
Ang pahayag ng Panginoong Yahweh laban sa inyo ay pakinggan.
Siya'y nagsasalita buhat sa kanyang banal na templo.
3 Lalabas si Yahweh mula sa kanyang dakong banal.
Bababâ at maglalakad sa mga sagradong bundok.
4 Sa sandaling yapakan niya ang mga bundok,
ang mga ito'y matutunaw.
At ang mga libis ay mabibiyak na gaya ng kandilang nadarang sa init ng apoy,
gaya ng tubig na aagos mula sa burol.
5 Ang lahat ng ito'y magaganap dahil sa pagsuway ng lahi ni Jacob,
dahil sa mga kasalanan ng sambahayan ni Israel.
Sino ang dapat sisihin sa paghihimagsik ng Israel?
Walang iba kundi ang Samaria!
Sino ang sumamba sa mga diyus-diyosan?
Walang iba kundi ang mga taga-Jerusalem!
6 Kaya't sinabi ni Yahweh,
“Gigibain ko ang Samaria at lubusang iguguho, hanggang siya'y maging isang bunton ng lupa,
na angkop lamang pagtaniman ng ubas.
Paguguhuin ko papunta sa libis ang kanyang mga bato,
at wawasakin ko ang kanyang mga pundasyon.
7 Madudurog ang lahat ng imahen doon;
masusunog ang lahat ng ibinabayad ng mga sumasamba roon.
At ang mga diyus-diyosan doon ay mawawasak;
sapagkat ang mga ito'y bayad sa mga upahang babae ng mga sumasamba sa mga diyus-diyosan,
kaya't iyon ay tatangayin ng kanilang mga kaaway.”
8 Dahil dito'y mamimighati ako at tatangis.
Lalakad akong hubad at nakayapak.
Mananaghoy akong gaya ng mga asong-gubat,
at mananangis na tulad ng mga kuwago.
9 Sapagkat ang sugat ng Samaria ay hindi na gagaling.
Ito rin ay kakalat sa buong Juda;
papasok sa pinto ng Jerusalem
na tirahan ng aking bayang pinili.
Ang Pagpasok ng mga Kaaway sa Jerusalem
10 Huwag ninyong ibalita sa Gat ang ating pagkatalo.
Huwag ninyong ipapakita sa kanya ang inyong pagtangis.
Sa bayan ng Afra kayo maglupasay.
11 Mga taga-Safir, magpabihag kayo,
at hayaan ninyong kayo'y itapong nakahubad
at kahiya-hiya ang kalagayan.
Mga taga-Zaanan, huwag kayong umalis sa inyong lunsod.
Sa pamimighati ng Bethezel,
malalaman ninyong hindi na ito maaaring pagkanlungan.
12 Ang mga taga-Marot ay nababalisang hinihintay ang saklolo,
sapagkat malapit na sa Jerusalem ang kapahamakang ipinadala ni Yahweh.
13 Kayong mga taga-Laquis,
isingkaw ninyo sa mga karwahe ang mabibilis na kabayo.
Sapagkat tinularan ninyo ang mga kasalanan ng Israel,
at kayo ang nag-akay upang magkasala ang Jerusalem.
14 At ngayon, mga taga-Juda, magpaalam na kayo
sa bayan ng Moreset-Gat.
Walang maaasahang tulong ang mga hari ng Israel
mula sa bayan ng Aczib.
15 Mga taga-Maresa, ipapasakop kayo ni Yahweh sa inyong kaaway.
Ang mga pinuno ng Israel ay tatakas
at magtatayo sa yungib ng Adullam.
16 Mga taga-Juda, gupitin ninyo ang inyong buhok
bilang pagluluksa sa mga anak ninyong minamahal.
Ahitan ninyo ang inyong mga ulo gaya ng mga agila,
sapagkat ang mga anak ninyo'y inagaw at dinalang-bihag.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.