Add parallel Print Page Options

Ang mga Salita ni Agur

30 Ang mga salita ni Agur na anak ni Jakeh; ng Massa.

Sinabi ng lalaki kay Ithiel, kay Ithiel at kay Ucal:
Tunay na ako'y hangal kaysa kaninuman,
    pag-unawa ng isang tao ay hindi ko taglay.
Hindi ako natuto ng karunungan,
    ni nagkaroon man ako ng kaalaman ng Banal.
Sino ang umakyat sa langit at bumaba?
    Sino ang nagtipon ng hangin sa kanyang mga kamao?
Sinong nagbalot ng tubig sa kanyang damit?
    Sinong nagtatag ng lahat ng mga dulo ng daigdig?
Ano ang kanyang pangalan?
    At ano ang pangalan ng kanyang anak?
    Tiyak na iyong nalalaman!
Bawat salita ng Diyos ay subok na totoo,
    siya'y kalasag sa kanila na kumakanlong sa kanya.
Huwag kang magdagdag sa kanyang mga salita,
    baka sawayin ka niya at masumpungang sinungaling ka.

Karagdagang Kawikaan

Dalawang bagay ang sa iyo'y aking hinihiling;
    bago ako mamatay ay huwag mong ipagkait sa akin.
Ilayo mo sa akin ang daya at ang kasinungalingan;
    huwag mo akong bigyan ng kasalatan o kayamanan man;
    pakainin mo ako ng pagkain na aking kinakailangan,
baka ako'y mabusog, at itakuwil kita
    at sabihin ko, “Sino ang Panginoon?”
O baka ako'y maging dukha, at ako'y magnakaw,
    at ang pangalan ng aking Diyos ay malapastangan.
10 Huwag mong siraan ang alipin sa panginoon niya,
    baka ka sumpain niya, at mapatunayan kang may sala.

11 May mga nagmumura sa kanilang ama,
    at hindi pinagpapala ang kanilang ina.
12 May mga malinis sa kanilang sariling mga mata,
    gayunman ay hindi malinis sa karumihan nila.
13 May lahi, O mapagmataas ang kanilang mga mata,
    at napakataas ang mga talukap-mata nila!
14 May mga tao na ang mga ngipin ay parang mga tabak,
    at ang kanilang mga ngipin ay parang mga kutsilyo,
upang lamunin ang dukha mula sa lupa,
    at ang nangangailangan sa gitna ng mga tao.

15 Ang linta ay may dalawang anak,
    na sumisigaw, “Bigyan mo ako, bigyan mo ako.”
May tatlong bagay na kailanman ay hindi nasisiyahan,
    oo, apat na hindi nagsasabing, “Tama na”:
16 Ang Sheol, at ang baog na bahay-bata;
    ang lupa na laging uhaw sa tubig;
    at ang apoy na hindi nagsasabing, “Sapat na.”
17 Ang mata na tumutuya sa kanyang ama,
    at humahamak ng pagsunod sa kanyang ina,
ay tutukain ng mga uwak sa libis,
    at kakainin ng mga buwitre.

18 May tatlong bagay na totoong kagila-gilalas sa akin;
    oo, apat na hindi ko nauunawaan:
19 ang daan ng agila sa himpapawid,
    ang daan ng ahas sa ibabaw ng mga bato,
ang daan ng sasakyan sa gitna ng dagat,
    at ang daan ng lalaki na kasama ng isang dalaga.

20 Ganito ang lakad ng babaing mapangalunya:
    Siya'y kumakain, at bibig niya'y pinupunasan,
    at nagsasabi, “Wala akong nagawang kasamaan.”

21 Nanginginig ang lupa sa ilalim ng tatlong bagay;
    mayroong apat na hindi niya mapasan:
22 kapag naging hari ang isang alipin,
    at ang isang hangal, kapag nabubusog ng pagkain;
23 ang isang babaing di-kanaisnais kapag nakapag-asawa;
    at ang isang aliping babae, kapag ang kanyang panginoong babae ay hinalinhan niya.

24 May apat na bagay na maliliit sa lupa,
    ngunit sila'y matatalinong lubha:
25 Ang mga langgam ay hindi malakas na sambayanan,
    gayunma'y nag-iimbak ng kanilang pagkain sa tag-araw;
26 hindi makapangyarihang bayan ang mga kuneho,
    gayunma'y gumagawa sila ng bahay sa malalaking bato;
27 walang hari ang mga balang,
    gayunma'y lumalabas silang lahat na nakahanay;
28 mahahawakan ng iyong mga kamay ang butiki,
    gayunman ito'y nasa mga palasyo ng mga hari.
29 May tatlong bagay na sa kanilang lakad ay marangal;
    may apat na marangal sa kanilang paghakbang:
30 ang leon na pinakamalakas sa mga hayop,
    at sa kanino man ay hindi tumatalikod;
31 ang tandang na magilas; ang kambing na lalaki,
    at ang haring palakad-lakad sa harap ng kanyang bayan.
32 Kung ikaw ay naging hangal, na ang sarili'y itinaas,
    o kung ikaw ay nagbabalak ng kasamaan,
    ilagay sa iyong bibig ang iyong kamay.
33 Sapagkat sa pagpisil sa gatas, mantekilya'y lumalabas;
    at sa pagpisil sa ilong, dugo'y dumadaloy,
    gayon ang pagpisil sa poot, lumilikha ng sigalot.