Add parallel Print Page Options

Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago

17 Pagdating sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, kami nina Pablo'y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga matatandang pinuno ng iglesya. 19 Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod.

20 Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. 21 May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. 22 Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Ito(A) ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata, 24 isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. 25 Tungkol(B) naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng liham sa kanila kung saan sinabi namin ang aming pasya. Sinabi naming huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.”

26 Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila.

Ang Pagdakip kay Pablo

27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, si Pablo'y nakita sa Templo ng ilang Judiong taga-Asia. Sinunggaban nila si Pablo at inudyukan ang mga tao. 28 “Mga kababayan, tulungan ninyo kami!” sigaw nila. “Ang taong ito ang nagtuturo sa lahat saan man siya makarating ng mga bagay laban sa bansang Israel, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templong ito. Bukod pa diyan, nagsama pa siya ng mga Hentil sa loob ng Templo, at nilapastangan niya ang banal na lugar na ito!”

Read full chapter