Mga Kawikaan 23
Magandang Balita Biblia
-6-
23 Kung ikaw ay kasalo ng may mataas na katungkulan, huwag mong kalilimutan kung sino ang iyong kaharap. 2 Kung ikaw man ay matakaw, pigilan mo ang iyong sarili. 3 Huwag mong nasain ang pagkain ng hari, baka iyon ay pain lang sa iyo.
-7-
4 Huwag mong pagurin ang sarili sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon. 5 Sapagkat madaling mawala ang kayamanan, ito'y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan.
-8-
6 Huwag kang makikikain sa taong kuripot, ni nanasain man ang masasarap niyang pagkain. 7 Sapagkat iyon ay maninikit sa iyong lalamunan. Aanyayahan ka nga niyang kumain at uminom, ngunit hindi bukal sa kalooban. 8 Isusuka mo rin ang lahat ng iyong kinain at masasayang lang ang maganda mong sasabihin.
-9-
9 Ingatan mo ang iyong dila sa harap ng mga mangmang, hindi nila mauunawaan kahit gaano kaganda ang sabihin mo.
-10-
10 Huwag mong babaguhin ang hangganang matagal nang nakalagay, ni sasakupin ang lupa ng mga ulila. 11 Sapagkat ang Tagapagtanggol nila ay makapangyarihan, at siya ang iyong makakalaban.
-11-
12 Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan.
-12-
13 Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamatay. 14 Inililigtas mo pa siya mula sa daigdig ng mga patay.
-13-
15 Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka. 16 Makadarama ako ng pagmamalaki kung ang mga salita mo ay may karunungan.
-14-
17 Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip, si Yahweh ay laging igalang at sundin. 18 Kung magkagayon ay gaganda ang iyong kinabukasan.
-15-
19 Anak, maging matalino ka at pag-isipan mong mabuti ang iyong buhay. 20 Huwag kang makikisama sa mga lasenggo at sa masiba sa pagkain. 21 Pagkat sila'y masasadlak sa kahirapan, at darating ang panahong magdadamit ng basahan.
-16-
22 Pakinggan mo ang iyong ama na pinagkakautangan mo ng buhay, at huwag hahamakin ang iyong ina kapag siya'y matanda na.
23 Hanapin mo ang katotohanan, karunungan at unawa. Pahalagahan mo ang mga ito at huwag pababayaang mawala.
24 Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino.
25 Sikapin mong ikaw ay maging karapat-dapat ipagmalaki ng iyong mga magulang at madudulutan mo ng kaligayahan ang iyong ina.
-17-
26 Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay. 27 Ang masasamang babae at di-tapat na asawa ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon. 28 Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong magtaksil.
-18-
29 Sino ang may kalungkutan at may malaking panghihinayang? Sino ang may kaaway at kabalisahan? Sino ang nasusugatan nang di nalalaman? At sino ang may matang pinamumulahan? 30 Sino pa kundi ang sugapa sa alak, at ang nagpapakalango sa masarap na inumin. 31 Huwag mong tutunggain ang matapang na alak kahit ito'y katakam-takam, 32 sapagkat kinaumagahan ay daig mo pa ang tinuklaw ng ahas na makamandag. 33 Kung anu-ano ang iyong sasabihin, at hindi ka makapag-isip nang mabuti. 34 Ang makakatulad mo'y nasa gitna ng dagat at hinahampas ng malalaking alon. Pasuray-suray kang maglalakad 35 at sasabihin mo, “Ano sa akin kung ako'y mahandusay? Mabulagta man ako, ayos lang iyan! Pagbangon ko, iinom muli ako.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.