Mga Hukom 20
Magandang Balita Biblia
Naghanda ang Israel Upang Digmain ang Benjamin
20 Ang mga Israelita, mula sa Dan sa gawing hilaga hanggang sa Beer-seba sa timog, at mula sa Gilead sa silangan, ay nagtipun-tipon sa Mizpa, sa harapan ni Yahweh, 2 kasama ang mga pinuno ng bawat lipi. Lahat-lahat ay umabot ng apatnaraang libong kawal. 3 Ang pangyayaring ito'y nakarating sa kaalaman ng mga Benjaminita.
Ang tanong ng mga Israelita, “Paano ba naganap ang kasamaang ito?” 4 Ang pangyayari ay isinalaysay ng Levita na asawa ng babaing pinaslang, “Kami ng aking asawang-lingkod ay nagdaan sa Gibea na sakop ng mga Benjaminita upang doon magpalipas ng gabi. 5 Kinagabihan, ang bahay na tinutuluyan namin ay pinaligiran at pinasok ng mga taga-Gibea at gusto akong patayin. Ngunit sa halip, ginahasa nila ang aking asawa hanggang sa siya'y mamatay. 6 Iniuwi ko ang kanyang bangkay, pinagputul-putol at ipinadala sa bawat lipi ng Israel. Napakasama at karumal-dumal ang ginawa nilang ito sa atin. 7 Kayong lahat ng naririto ay mga Israelita. Ano ngayon ang dapat nating gawin?”
8 Sabay-sabay silang tumayo at kanilang sinabi, “Isa man sa amin ay hindi muna uuwi sa sariling bahay o tolda. 9 Ito ang gagawin natin: magpapalabunutan tayo kung sino ang unang sasalakay sa Gibea. 10 Ang ikasampung bahagi ng bilang ng ating kalalakihan ang mamamahala sa pagkain ng hukbo. Ang natitira naman ang magpaparusa sa Gibea dahil sa kawalanghiyaang ginawa nila sa Israel.” 11 Kaya, ang mga kalalakihan ng Israel ay nagkaisang salakayin ang Gibea.
12 Ang mga Israelita'y nagpadala ng mga sugo sa lahat ng lugar na sakop ng Benjamin at kanilang ipinasabi, “Napakasama nitong ginawa ninyo sa amin. 13 Ibigay ninyo sa amin ang mga taga-Gibeang gumawa nito at papatayin namin para mawala ang salot sa buong Israel.” Ngunit hindi pinansin ng mga Benjaminita ang mga Israelita. 14 Sa halip, nagtipun-tipon sila sa Gibea upang lumaban sa ibang lipi ng Israel. 15 Nang araw ring iyon, nakatipon sila ng 26,000 kawal bukod pa ang 700 piling kawal ng Gibea. 16 Sa kabuuan ay kabilang ang 700 piling kawal na pawang kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador ang hibla ng buhok. 17 Ang mga Israelita naman ay nakatipon ng 400,000 kawal na pawang bihasa sa digmaan.
Ang Digmaan ng mga Israelita at mga Benjaminita
18 Ang mga Israelita ay nagpunta sa tabernakulo sa Bethel at doo'y itinanong nila sa Diyos, “Aling lipi ang unang sasalakay sa mga Benjaminita?”
Sumagot si Yahweh, “Ang lipi ng Juda.”
19 Kinabukasan ng umaga, ang mga Israelita ay nagkampo sa tapat ng Lunsod ng Gibea. 20 Pinaharap nila sa lunsod ang kanilang hukbo upang ito'y salakayin. 21 Ngunit hinarang sila ng mga Benjaminita at bago gumabi ay nalagasan sila ng 22,000 kawal. 22 Gayunman hindi nasiraan ng loob ang mga Israelita. Kinabukasan, muli silang humanay sa dating lugar. 23 Ngunit bago magsimula ang labanan, dumulog muna sila kay Yahweh sa tabernakulo sa Bethel at maghapong lumuha. Itinanong nila kay Yahweh, “Muli po ba naming lulusubin ang mga kapatid naming Benjaminita?”
“Oo, lusubin ninyo silang muli,” sagot ni Yahweh.
24 Kaya, muli nilang nilusob ang mga Benjaminita. 25 Ngunit muli silang sinalubong ng mga ito sa labas ng Gibea at sa pagkakataong ito, ang mga Israelita'y nalagasan naman ng 18,000. 26 Kaya, nagpunta sila sa Bethel at doo'y nanangis. Nanatili silang nakaupo sa presensya ni Yahweh at maghapong hindi kumain. Naghain sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan. 27 Muli silang sumangguni kay Yahweh. Noon, ang Kaban ng Tipan ng Diyos ay nasa Bethel 28 sa pag-iingat ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron. Ang tanong nila, “Lulusubin po ba namin muli ang mga kapatid naming Benjaminita o titigil na kami?”
Sumagot si Yahweh, “Lumusob kayo muli at bukas ng umaga'y pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”
29 Ang mga Israelita'y naglagay ng mga kawal na nakakubli sa palibot ng Gibea. 30 Nang ikatlong araw, muli nilang sinalakay ang mga Benjaminita. 31 At tulad ng dati, sila'y sinalubong ng mga ito hanggang sa mapalayo sa bayan. May ilang Israelitang napatay sa sangandaan papuntang Bethel at Gibea at sa labas ng lunsod, humigit-kumulang sa tatlumpu. 32 Dahil dito, inisip ng mga Benjaminitang nadaig na naman nila ang mga Israelita. Hindi nila naisip na nagpahabol lamang ang mga ito upang ilayo sila sa lunsod.
33 Ang mga Israelitang nagpahabol ay nagtipun-tipon sa Baal-tamar. Samantala, lumabas naman sa kanilang pinagtataguan sa palibot ng Gibea 34 ang may 10,000 na pawang piling mandirigma ng Israel. Sinalakay nila ang lunsod. Naging mahigpitan ang labanan. Hindi alam ng mga Benjaminita na malapit na silang malipol. 35 Ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh at nang araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 Benjaminita. 36 Noon lamang nila nakita na natalo sila ng mga Israelita.
Ang Pagtatagumpay ng mga Israelita
Umatras ang malaking bahagi ng hukbo ng Israel sapagkat nagtiwala na sila sa mga lalaking pinatambang nila sa palibot ng Gibea. 37 Nang malayo na ang mga Benjaminita, sinalakay nga nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng mga tagaroon. 38 May usapan ang mga Israelitang umatras at ang mga nakatambang sa palibot ng Gibea na kapag may nakita silang makapal na usok sa Gibea, 39 haharapin na nila ang mga Benjaminita. Noon, ang mga Benjaminita ay nakapatay na ng tatlumpung Israelita kaya iniisip nilang malulupig na naman nila ang mga Israelita. 40 At lumitaw nga ang makapal na usok mula sa Gibea. Nang lumingon ang mga Benjaminita, nagtaka sila nang makitang nasusunog ang buong lunsod ng Gibea. 41 Sinamantala naman ito ng mga Israelita. Hinarap na nila ang mga kaaway. Nalito ang mga Benjaminita 42 at nagtangkang tumakas patungong kaparangan. Ngunit pinalibutan sila ng mga Israelita, 43 at hindi nilubayan ng pagtugis hanggang sa silangan ng Gibea. 44 Ang napatay sa mga pinakamagagaling na kawal Benjaminita ay umabot sa 18,000. 45 Ang iba'y nakatakas papuntang ilang, sa Batong Malaki ng Rimon. Ang napatay sa daan ay 5,000. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita at nakapatay pa ng 2,000. 46 Lahat-lahat ng napatay na Benjaminita nang araw na iyon ay 25,000, na pawang mga matatapang na mandirigma.
47 Ang nakatakas sa Batong Malaki ng Rimon ay 600, at ang mga ito'y nanatili roon nang apat na buwan. 48 Binalikan ng mga Israelita ang iba pang Benjaminita at pinatay lahat, pati mga hayop. Pagkatapos, sinunog nila ang lahat ng bayang sakop ng Benjamin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.