Add parallel Print Page Options

Si Micas at ang Angkan ni Dan

18 Nang panahong iyon ay wala pang hari ang Israel. Ang lipi ni Dan ay naghahanap noon ng lugar na matitirhan. Wala silang tirahan noon sapagkat wala pa silang natatanggap na lupaing mana. Kaya't pumili sila ng limang pangunahing kalalakihan sa kanilang lipi, mula sa Zora at Estaol at pinahanap ng matitirhan nilang lahat. Ang limang inutusan ay nagpunta sa lugar ni Micas at sa bahay nito tumuloy. Samantalang naroon sila, nakilala nilang Levita ang kasama ni Micas dahil sa punto ng salita nito. Kaya, tinanong nila ito, “Anong ginagawa mo rito? Sino ang nagdala sa iyo rito?”

“May usapan kami ni Micas at binabayaran niya ako bilang pari,” sagot niya.

Sinabi nila sa kanya, “Kung gayon, isangguni mo sa Diyos kung magtatagumpay kami sa lakad naming ito.”

Sinabi ng Levita, “Huwag kayong mag-alala. Pinapatnubayan kayo ni Yahweh sa lakad ninyo.”

Ang lima ay nagpatuloy sa kanilang lakad at nakarating sa Lais. Nakita nilang tahimik doon. Panatag ang loob ng mga tagaroon, payapa at sapat sa lahat ng pangangailangan. Ang lugar na iyon ay malayo sa mga taga-Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. Nang magbalik sila sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila. Ang sabi nila, “Mainam na lugar iyon. Kaya, hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lumusob na tayo at nang masakop natin agad. 10 Malawak ang lupaing iyon at sagana sa lahat ng bagay. Ibinigay na ito ng Diyos sa atin, at hindi nila iisiping sasalakayin natin sila.”

11 Kaya, mula sa Zora at Estaol ay lumakad ang may animnaraang mandirigma ng lipi ni Dan. 12 Nagkampo sila sa may Lunsod ng Jearim sa Juda, at hanggang ngayon, ang lugar na iyo'y tinatawag na Kampo ni Dan. 13 Mula roon, dumaan sila sa kaburulan ng Efraim at nagtuloy sa bahay ni Micas.

14 Sinabi sa kanila ng limang nagsiyasat sa Lais, “Sa bahay na ito ay may isang imaheng balot ng pilak, bukod pa sa ibang diyus-diyosan at efod. Ano sa palagay ninyo ang mainam nating gawin para makuha ang mga iyon?” 15 Kaya't pumunta sila sa bahay ni Micas at kinumusta ang kabataang Levita na nakatira roon. 16 Samantalang naghihintay sa tarangkahan ang kasama nilang animnaraang kawal, 17 ang limang espiya ay tuluy-tuloy na pumasok sa bahay ni Micas at kinuha ang mga diyus-diyosan doon, pati ang nababalot ng pilak. Ang pari naman ay nasa tarangkahan, kasama ng animnaraang kawal.

18 Nang makita ng pari na sinamsam ng limang lalaki ang mga imahen, itinanong niya, “Anong ginagawa ninyo?”

19 Sinabi nila, “Huwag kang maingay. Tumahimik ka lang diyan! Sumama ka sa amin at gagawin ka naming pari at tagapayo. Alin ba ang mas gusto mo, ang maging pari ng isa sa lipi ng Israel o ng isang pamilya lamang?” 20 Nagustuhan ng pari ang alok sa kanya, kaya kinuha niya ang mga imahen at masayang sumama sa kanila.

21 At nagpatuloy sila ng paglalakbay. Nasa unahan nila ang mga bata, mga alagang hayop at mga kagamitan. 22 Hindi pa sila gaanong nakakalayo sa bahay ni Micas ay tinipon nito ang kanyang mga kapitbahay at hinabol nila ang mga Daneo, 23 na kanilang sinisigawan. Nang mag-abot sila, tinanong ng mga Daneo si Micas, “Ano ba ang nangyayari at napakarami ninyo?”

24 Sumagot si Micas, “Itinatanong pa ninyo gayong tinangay ninyo ang aking pari at kinuhang lahat ang aking mga diyus-diyosan! Wala na kayong itinira sa akin.”

25 Sinabi nila, “Mabuti pa'y manahimik ka na lang! Baka marinig ka ng mga kasama namin, magalit sila at patayin ka pati ang iyong pamilya.” 26 At nagpatuloy ang lipi ni Dan sa paglakad. Nakita ni Micas na hindi niya kaya ang mga Daneo kaya umuwi na lamang siya.

27 Nagtuloy ang mga Daneo sa Lais, dala ang diyus-diyosan ni Micas pati ang pari. Sinalakay nila ang Lais, isang bayang tahimik at payapa. Pinatay nila ang mga tagaroon, at sinunog ang buong lunsod. 28 Walang nagtanggol sa mga tagaroon sapagkat malayo ito sa Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. Ang lugar na ito ay nasa kapatagan ng Beth-rehob. Matapos sunugin, muli itong itinayo ng mga Daneo at kanilang tinirhan. 29 Ang dating pangalang Lais ay pinalitan nila ng Dan, batay sa pangalan ng kanilang ninuno na isa sa mga anak ni Jacob. 30 Ipinagtayo nila ng altar ang diyus-diyosan ni Micas at kanilang sinamba. Si Jonatan na anak ni Gersom, apo ni Moises,[a] ang ginawa nilang pari. Mula noon, ang lahi nito ang nagsilbing pari nila hanggang sa sila'y dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway. 31 Ang diyus-diyosan naman ni Micas ay nanatili roon habang nasa Shilo pa ang tabernakulo ng Diyos.

Footnotes

  1. Mga Hukom 18:30 Moises: Sa ibang manuskrito'y Manases .