Add parallel Print Page Options

Mangatakot nga tayo, yamang may iniwang pangako ng pagpasok sa kaniyang kapahingahan, baka sakaling sinoman sa inyo ay maging tulad sa di nakaabot niyaon.

Sapagka't tunay na tayo'y pinangaralan ng mabubuting balita, gaya rin naman nila: nguni't hindi nila pinakinabangan ang salitang napakinggan, dahil sa walang kalakip na pananampalataya ang nangakarinig.

Sapagka't tayong nagsisipanampalataya ay nagsisipasok sa kapahingahang yaon; gaya ng sinabi niya, Gaya ng aking isinumpa sa aking kagalitan, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan: bagama't ang mga gawa ay nangatapos mula nang itatag ang sanglibutan.

Sapagka't sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, At nagpahinga nang ikapitong araw ang Dios sa lahat ng kaniyang mga gawa;

At sa dakong ito ay muling sinabi, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.

Kaya't yamang may natitira pang ibang dapat magsipasok doon, at ang mga pinangaralan nang una ng mabubuting balita ay hindi nangapasok dahil sa pagsuway,

Ay muling nagtangi siya ng isang araw, Ngayon pagkatapos ng ilang panahon na sinabi sa mga awit ni David (ayon sa sinabi na ng una), Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.

Sapagka't kung ibinigay sa kanila ni Josue ang kapahingahan, ay hindi na sana niya sasalitain pagkatapos ang ibang araw.

May natitira pa ngang isang pamamahingang sabbath, ukol sa bayan ng Dios.

10 Sapagka't ang pumasok sa kaniyang kapahingahan ay nagpahinga naman sa kaniyang mga gawa, gaya ng Dios sa kaniyang mga gawa.

11 Magsipagsikap nga tayo ng pagpasok sa kapahingahang yaon, upang huwag marapa ang sinoman ayon sa gayong halimbawa ng pagsuway.

12 Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.

13 At walang anomang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin: nguni't ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.

14 Yaman ngang tayo'y mayroong isang lubhang dakilang saserdote, na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Dios, ay ingatan nating matibay ang ating pagkakilala.

15 Sapagka't tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan.

16 Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo'y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.

Dahil nananatili pang may bisa ang pangakong makapasok sa kanyang kapahingahan, mag-ingat tayo at baka mayroon sa inyo na hindi makapasok doon. Sapagkat tulad ng naranasan natin ay dumating din sa kanila ang Magandang Balita; ngunit ang salitang narinig nila'y hindi nila pinakinabangan, sapagkat hindi nila sinamahan ng pananampalataya ang kanilang pakikinig. Tayong sumampalataya ay pumapasok sa kapahingahang iyon, gaya ng sinabi ng Diyos,

“Sa aking galit ay isinumpa ko,
hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.”

Sinabi ito ng Diyos kahit na natapos na ang mga gawa niya mula nang itatag ang sanlibutan. Sapagkat (A) ganito ang sinabi tungkol sa ikapitong araw sa isang bahagi ng Kasulatan, “At sa ikapitong araw ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng kanyang mga gawa.” At (B) sa dakong ito naman ay muling sinabi, “Hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.” Kaya't dahil nananatili pang bukás para sa ilan ang makapasok doon, at dahil sa pagsuway ay hindi nakapasok ang mga naunang pinangaralan ng Magandang Balita, muling (C) nagtakda ang Diyos ng isang araw, “Sa araw na ito;” ayon nga sa mga salitang nabanggit, sinabi sa pamamagitan ni David paglipas ng ilang panahon,

“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”

Sapagkat (D) kung ang mga Israelita ay nabigyan ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana nagsalita pa ang Diyos paglipas ng ilang panahon tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. Kaya't may nakalaan pang isang Sabbath na kapahingahan para sa bayan ng Diyos; 10 sapagkat (E) ang pumasok sa kapahingahang ibinigay ng Diyos ay nagpahinga rin sa kanyang mga gawa, gaya ng Diyos na nagpahinga rin sa kanyang paglikha. 11 Kaya't magsikap tayong pumasok sa kapahingahang iyon, upang walang sinumang mabuwal dahil sa pagsunod sa halimbawa ng pagsuway ng mga Israelita noon.

12 Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim. Tumatagos ito hanggang sa pagitan ng kaluluwa at ng espiritu, hanggang sa mga kasukasuan at utak sa buto; at may kakayahang kumilala ng mga pag-iisip at mga hangarin ng puso. 13 Walang nilalang na makapagtatago sa harapan ng Diyos na ating pagsusulitan. Sa mga mata niya ang lahat ng bagay ay hubad at hayag.

Si Jesus ang Dakilang Kataas-taasang Pari

14 Kaya nga, dahil mayroon tayong isang Dakilang Kataas-taasang Pari na pumasok na sa kalangitan, at iyon ay si Jesus na Anak ng Diyos, matatag nating panghawakan ang ating ipinahahayag. 15 Sapagkat mayroon tayong Kataas-taasang Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan. Tulad natin ay tinukso rin siya sa lahat ng mga paraan, gayunma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't lumapit tayo na may lakas ng loob sa trono ng biyaya, upang tumanggap tayo ng awa, at makatagpo ng biyaya na makatutulong sa panahon ng ating pangangailangan.