Add parallel Print Page Options

13 Mamalagi nawa ang pagibig sa mga kapatid.

Huwag ninyong limutin ang pagpapakita ng pagibig sa mga taga ibang lupa: sapagka't sa pamamagitan nito ang iba'y walang malay na nakapagpapatuloy ng mga anghel.

Alalahanin ninyo ang mga may tanikala, gaya ng kayo'y nangagagapos na kasama nila; ang mga tinatampalasan na gaya ng kayo naman ay tinatampalasan sa katawan.

Maging marangal nawa sa lahat ang pagaasawa, at huwag nawang magkadungis ang higaan: sapagka't ang mga mapakiapid at ang mga mapangalunya ay pawang hahatulan ng Dios.

Mangilag kayo sa pagibig sa salapi; mangagkasiya kayo sa inyong tinatangkilik: sapagka't siya rin ang nagsabi, Sa anomang paraan ay hindi kita papagkukulangin, sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan.

Ano pa't ating masasabi ng buong tapang, Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot: Anong magagawa sa akin ng tao?

Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya.

Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, oo at magpakailan man.

Huwag nga kayong padala sa mga turong sarisari at di kilala: sapagka't mabuti na ang puso ay patibayin sa pamamagitan ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakikinabangan ng mga nagabala sa kanila.

10 Tayo ay may isang dambana, na hindi matuwid kainan ng mga nagsisipaglingkod sa tabernakulo.

11 Sapagka't ang mga katawan ng mga hayop na ang mga dugo'y dinadala ng dakilang saserdote sa dakong banal na handog na patungkol sa kasalanan, ay sinusunog sa labas ng kampamento.

12 Kaya naman si Jesus, upang mapaging banal sa pamamagitan ng kanilang sariling dugo ang bayan, ay nagbata sa labas ng pintuan.

13 Atin nga siyang labasin sa labas ng kampamento na dalhin natin ang kaniyang pagkadusta.

14 Sapagka't dito'y wala tayong bayan na namamalagi, nguni't hinahanap natin ang bayan na darating.

15 Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan.

16 Datapuwa't ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka't sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod.

17 Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo, at kayo'y pasakop sa kanila: sapagka't pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa, na parang sila ang mangagsusulit; upang ito'y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka't sa ganito'y di ninyo mapapakinabangan.

18 Idalangin ninyo kami: sapagka't kami'y naniniwalang lubos na kami ay may mabuting budhi, na nagnanasang mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.

19 At iniaaral ko sa inyong malabis na inyong gawin ito, upang ako'y masauli na lalong madali sa inyo.

20 Ngayon ang Dios ng kapayapaan na muling nagdala mula sa mga patay sa dakilang pastor ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, sa makatuwid baga'y ang Panginoon nating si Jesus,

21 Ay pakasakdalin nawa niya kayo sa bawa't mabuting gawa upang gawin ang kanyang kalooban, na gawin sa atin ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.

22 Datapuwa't ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na inyong pagtiisan ang salitang iniaral: sapagka't kayo'y sinulatan ko ng ilang salita.

23 Inyong talastasin na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinawalan na; na kung siya'y dumating na madali, kayo'y makikita kong kasama niya.

24 Batiin ninyo ang lahat ng mga namiminuno sa inyo, at ang lahat ng mga banal. Kayo'y binabati ng nangasa Italia.

25 Ang biyaya'y sumainyo nawang lahat. Siya nawa.

Paglilingkod na Kaaya-aya sa Diyos

13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid. Buksan (A) ninyong lagi ang inyong tahanan para sa mga dayuhan. Ang ilang gumawa nito ay nagpapatuloy ng mga anghel nang hindi namamalayan. Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Ganoon din ang gawin ninyo sa mga inaapi, na parang kayo ay inaapi ding kasama nila. Kilalanin ang dangal ng pag-aasawa, at huwag dungisan ang pagsasama, sapagkat parurusahan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya. Iwasan (B) ninyo ang pag-ibig sa salapi. Masiyahan na kayo kung ano'ng mayroon kayo, sapagkat sinabi ng Diyos, “Hinding-hindi kita iiwan, ni pababayaan man.” Kaya't (C) panatag nating masasabi,

“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.
Ano'ng magagawa sa akin ng tao?”

Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, silang nangaral sa inyo ng salita ng Diyos. Tandaan ninyo ang bunga ng kanilang pamumuhay at sundan ninyo ang halimbawa ng kanilang pananampalataya. Si Jesu-Cristo ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman. Huwag kayong padala sa sari-sari at kakaibang mga turo. Mabuti na ang ating mga kalooban ay patatagin ng kagandahang-loob ng Diyos, at hindi ng mga tuntunin tungkol sa mga pagkain. Wala namang pakinabang dito ang mga sumusunod sa mga tuntuning ito. 10 Tayo ay may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain doon. 11 Sapagkat (D) dinadala ng Kataas-taasang Pari sa Dakong Kabanal-banalan ang dugo ng mga hayop bilang alay dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Ganoon din ang nangyari kay Jesus. Nagdusa siya sa labas ng lungsod upang sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo ay gawin niyang banal ang mga taong-bayan. 13 Kaya't puntahan natin siya sa labas ng kampo upang danasin din natin ang pag-alipusta sa kanya. 14 Sapagkat sa lupang ito'y wala tayong lungsod na magtatagal, ngunit ang hinahangad natin ay ang lungsod na darating. 15 Kaya't sa pamamagitan ni Jesus ay patuloy tayong maghandog ng pagpupuri sa Diyos—ang bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan. 16 Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi sa iba, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa ganoong mga alay.

17 Sumunod kayo sa inyong mga pinuno at magpasakop sa kanila. Sila ang nagbabantay ng inyong mga kaluluwa, at mananagot sa Diyos tungkol sa tungkuling ito. Sundin ninyo sila upang maging kagalakan at hindi mabigat sa loob ang pagtupad nila ng kanilang tungkulin. Kung hindi, ito ay hindi makabubuti sa inyo.

18 Idalangin ninyo kami. Natitiyak naming kami ay may malinis na budhi at nagsisikap na mabuhay nang marangal sa lahat ng mga bagay. 19 Nakikiusap ako sa inyo na lalo ninyong gawin ito, upang ako'y madaling maibalik sa inyo.

Basbas at Pagbati

20 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan, na sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan ay bumuhay mula sa kamatayan sa ating Panginoong Jesus, ang dakilang pastol ng mga tupa, 21 siya nawa ang magkaloob sa inyo ng lahat ng mabuting bagay upang magawa ninyo ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin sa atin ang nakalulugod sa kanyang paningin, sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

22 Mga kapatid, nakikiusap ako na pagtiisan ninyo ang aking pagpapayo, sapagkat maikli naman ang sulat ko sa inyo. 23 Nais ko ring malaman ninyo na pinalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung siya'y dumating agad, isasama ko siya pagpunta ko sa inyo.

24 Ipaabot ninyo ang aming pagbati sa lahat ng mga namumuno sa inyo at sa lahat ng mga banal. Binabati kayo ng mga nasa Italia. 25 Nawa'y sumainyong lahat ang biyaya ng Diyos. Amen.