Mga Hebreo 10
Magandang Balita Biblia
10 Ang Kautusan ay anino lamang at hindi lubos na naglalarawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay taun-taon. 2 Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganoong mga handog, wala na silang aalalahanin pa tungkol sa kanilang mga kasalanan, at hindi na sila kailangang mag-alay pang muli. 3 Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon, 4 sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan.
5-6 Dahil(A) diyan, nang si Cristo'y naparito sa daigdig, sinabi niya sa Diyos:
“Ang mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
hindi mo kinalugdan ang mga handog na sinusunog,
at ang mga handog upang pawiin ang kasalanan.
Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging handog.
7 Kaya't sinabi ko, ‘Ako'y narito, O Diyos,
upang sundin ang iyong kalooban,’
ayon sa sinasabi ng kasulatan tungkol sa akin.”
8 Sinabi muna niya, “Hindi mo ninais o kinalugdan ang mga alay at handog na hayop, mga handog na susunugin, at mga handog dahil sa kasalanan” kahit ito'y inihahandog ayon sa Kautusan. 9 Saka niya idinugtong, “Ako'y narito upang sundin ang iyong kalooban.” Sa ganitong paraan, inalis nga ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo. 10 At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanang paghahandog ng kanyang sarili, at iyon ay sapat na.
11 Bawat(B) pari ay naglilingkod araw-araw at paulit-ulit na naghahandog ng pare-pareho ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan. 12 Ngunit(C) si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at iyo'y sapat na. Pagkatapos ay umupo siya sa kanan ng Diyos. 13 Ngayo'y naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. 14 Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga nililinis
ng Diyos.
15 Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Sinabi niya,
16 “Ganito(D) ang gagawin kong tipan sa kanila
pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang puso ang aking mga utos,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip.”
17 Pagkatapos(E) ay sinabi pa niya, “Kalilimutan ko na ang kanilang mga kasalanan at kasamaan.” 18 Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.
Lumapit Tayo sa Diyos
19 Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. 21 Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. 22 Kaya't(F) lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. 23 Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin. 24 Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon. 26 Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at sadyain pa rin nating magkasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. 27 Ang(G) naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! 28 Ang(H) mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. 29 Gaano(I) kabigat, sa akala ninyo, ang parusang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, lumapastangan sa dugong nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, at lumait sa mapagpalang Espiritu? 30 Sapagkat(J) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti; ako ang magpaparusa.” At siya rin ang nagsabi, “Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan.” 31 Kakila-kilabot ang mahulog sa kamay ng Diyos na buháy!
32 Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagtiis ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nagpadaig. 33 Kung minsan, kayo ang iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla; kung minsan nama'y kayo ang umaalalay sa mga kasamahan ninyo na pinapahirapan nang gayon. 34 Dinamayan ninyo ang mga nakabilanggo at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng ari-arian, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. 35 Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. 36 Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako. 37 Sapagkat,(K)
“Kaunting panahon na lamang,
hindi na magtatagal, at ang darating ay darating na.
38 Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya,[a]
ngunit kung siya'y tatalikod,
hindi ko siya kalulugdan.”
39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; kundi sa mga may pananampalataya at naliligtas.
Footnotes
- Mga Hebreo 10:38 Ang matuwid…pananampalataya: o kaya'y Ang taong tinatanggap ng Diyos dahil sa pananampalataya ay mabubuhay .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.