Add parallel Print Page Options

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa tono ng “Isang Tahimik na Kalapati sa Malayong Lugar”. Isang Miktam,[a] nang siya'y dakpin ng mga Filisteo sa Gat.

56 Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,
    lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw,
    O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;
    sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos,
    tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,
    ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,
    naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,
    sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay!

Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,
    pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo,
    tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko;
pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
10     May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,
    pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;
    sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.

12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos,
    ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,
    iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan.
Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos,
    sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot!

Footnotes

  1. Mga Awit 56:1 MIKTAM: Tingnan ang Awit 16.