Add parallel Print Page Options

Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga

25 “Ang (A) kaharian ng langit ay maihahalintulad sa sampung dalaga na kumuha ng kani-kanilang ilawan at lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Lima sa kanila'y mga hangal at ang lima'y matatalino. Ang mga hangal ay kumuha ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagdala ng langis. Subalit ang matatalino ay nagbaon ng langis sa mga lalagyan, kasama ng kanilang mga ilawan. Habang natatagalan pa ang pagdating ng lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo at salubungin siya.’ Ang lahat ng mga dalagang iyon ay nagsibangon at inihanda ang kanilang mga ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Pahingi naman ng langis ninyo, namamatay na kasi ang aming mga ilawan.’ Ngunit ganito ang sagot ng mga matalinong babae, ‘Malamang na hindi maging sapat ito para sa amin at sa inyo. Pumunta na lang kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.’ 10 Habang sila'y pumupunta upang bumili, siya namang pagdating ng lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay kasama niyang pumasok sa pagdiriwang ng kasalan, at pagkatapos ay isinara ang pintuan. 11 Di nagtagal (B) ay dumating naman ang ibang mga dalaga. ‘Panginoon, panginoon! Pagbuksan mo po kami,’ pakiusap nila. 12 Ngunit ito ang tugon niya: ‘Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo kilala.’ 13 Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras man.

Ang Talinghaga tungkol sa mga Talento(C)

14 “Sapagkat (D) maihahalintulad dito ang kaharian ng Diyos: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin, at pinagbilinan sila tungkol sa kanyang mga ari-arian. 15 Ang isa ay binigyan niya ng limang talento,[a] ang isa ay dalawa, at ang isa naman ay isa. Binigyan ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan. Pagkatapos ay sumulong na siya. 16 Ang tumanggap ng limang talento ay umalis kaagad at ginamit ang mga iyon sa kalakal. At kumita siya ng lima pang talento. 17 Sa gayunding paraan, ang tumanggap ng dalawang talento ay kumita pa ng dalawa. 18 Ngunit ang tumanggap ng isa ay umalis. Naghukay siya sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon. 19 Pagkaraan ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon, at kanyang inalam kung ano na ang nangyari sa kanyang salapi. 20 Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagsulit ng lima pang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, pinagkatiwalaan mo ako ng limang talento. Narito po, kumita ako ng lima pang talento.’ 21 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Maganda ang ginawa mo! Mahusay at maaasahang alipin. Napagkatiwalaan ka sa kaunting bagay, kaya't pamamahalain kita sa maraming bagay. Makigalak ka sa iyong panginoon.’ 22 Lumapit din ang tumanggap ng dalawang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, pinagkatiwalaan mo ako ng dalawang talento. Narito po, kumita ako ng dalawa pang talento.’ 23 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Maganda ang ginawa mo! Mahusay at maaasahang alipin! Napagkatiwalaan ka sa kaunting bagay, kaya't pamamahalain kita sa maraming bagay. Makigalak ka sa iyong panginoon.’ 24 Lumapit din ang tumanggap ng isang talento. Sabi niya, ‘Panginoon, alam ko pong kayo ay taong malupit. Gumagapas kayo sa hindi naman ninyo hinasikan, at umaani kayo sa hindi naman ninyo pinunlaan. 25 Kaya natakot ako at umalis. Ibinaon ko sa lupa ang inyong talento. Narito na po ang salapi ninyo.’ 26 Ngunit sumagot ang kanyang panginoon at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mo, tamad na alipin! Alam mo palang ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at umaani sa hindi ko pinunlaan. 27 Kung gayo'y bakit hindi mo inilagak ang aking salapi sa bangko, at nang sa aking pagbabalik ay matanggap ko sana kung ano ang akin kasama na ang tubo nito. 28 Kunin ninyo sa kanya ang talento, at ibigay ninyo sa may sampung talento! 29 Sapagkat (E) ang sinumang mayroon ay bibigyan pa at siya'y mananagana, subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin pa. 30 At (F) ang walang silbing alipin na ito ay itapon ninyo sa labas, doon sa kadiliman. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’

Ang Paghuhukom sa mga Bansa

31 “Pagdating (G) ng Anak ng Tao taglay ang kanyang kaluwalhatian, kasama ang lahat ng kanyang mga anghel, siya'y luluklok sa kanyang maluwalhating trono. 32 Sa kanyang harapan ay titipunin ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, ngunit ang mga kambing naman ay sa kaliwa. 34 Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, ‘Halikayo! mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang itatag ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y nagutom at ako'y inyong pinakain. Ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom. Ako'y naging isang dayuhan, at ako'y inyong pinatuloy. 36 Ako'y naging hubad at ako'y inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.’ 37 Pagkatapos ay itatanong sa kanya ng mga matuwid, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at ika'y pinakain, o kaya'y uhaw, at aming pinainom? 38 Kailan ka namin nakitang isang dayuhan at pinatuloy ka, o kaya'y hubad, at dinamitan ka? 39 At kailan ka namin nakitang maysakit, o nakabilanggo at dinalaw ka namin?’ 40 At sasagot sa kanila ang Hari ng ganito: ‘Tinitiyak ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’ 41 Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, ‘Magsilayas kayo, mga sinumpa! Doon kayo sa walang hanggang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga anghel. 42 Sapagkat ako'y nagutom, at ako'y hindi ninyo pinakain. Ako'y nauhaw, at ako'y hindi ninyo pinainom. 43 Ako'y naging dayuhan, at ako'y hindi ninyo pinatuloy. Hubad, ngunit ako'y hindi ninyo dinamitan; maysakit at nakabilanggo, ngunit hindi ninyo dinalaw.’ 44 Pagkatapos ay magtatanong din sila, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang dayuhan, hubad, maysakit, o nasa bilangguan, at hindi kami naglingkod sa iyo?’ 45 At siya'y sasagot sa kanila ng ganito, ‘Tinitiyak ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakahamak na ito, ay hindi nga ninyo ito ginawa sa akin.’ 46 At (H) ang mga ito'y magsisialis patungo sa parusang walang hanggan, subalit ang mga matutuwid ay patungo sa buhay na walang hanggan.”

Footnotes

  1. Mateo 25:15 Ang isang talento ay katumbas ng higit sa labinlimang taong sahod ng manggagawa.