Add parallel Print Page Options

17 At pagkaraan ng anim na araw, ay isinama ni Jesus si Pedro, at si Santiago, at si Juan na kapatid niya, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok:

At nagbagong-anyo siya sa harap nila; at nagliwanag ang kaniyang mukha na katulad ng araw, at pumuting tulad sa ilaw ang kaniyang mga damit.

At narito, napakita sa kanila si Moises at si Elias na nakikipagusap sa kaniya.

At sumagot si Pedro, at sinabi kay Jesus, Panginoon, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tabernakulo; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias.

Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan.

At nang marinig ito ng mga alagad, ay nangasubasub sila, at lubhang nangatakot.

At lumapit si Jesus at sila'y tinapik, at sinabi, Mangagbangon kayo, at huwag kayong mangatakot.

At sa paglingap ng kanilang mga mata, ay wala silang nakitang sinoman, kundi si Jesus lamang.

At habang sila'y nagsisibaba mula sa bundok, ay iniutos sa kanila ni Jesus, na nagsasabi, Huwag ninyong sabihin kanino mang tao ang pangitain, hanggang sa ang Anak ng tao ay ibangon sa mga patay.

10 At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Bakit nga sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias?

11 At sumagot siya, at sinabi, Katotohanang si Elias ay paririto, at isasauli ang lahat ng mga bagay:

12 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na naparito na si Elias, at hindi nila siya nakilala, kundi ginawa nila sa kaniya ang anomang kanilang inibig. Gayon din naman ang Anak ng tao ay magbabata sa kanila.

13 Nang magkagayo'y napagunawa ng mga alagad na si Juan Bautista ang sa kanila'y sinasabi niya.

14 At pagdating nila sa karamihan, ay lumapit sa kaniya ang isang lalake, na sa kaniya'y lumuhod, at nagsasabi,

15 Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalake: sapagka't siya'y himatayin, at lubhang naghihirap; sapagka't madalas na siya'y nagsusugba sa apoy, at madalas sa tubig.

16 At siya'y dinala ko sa iyong mga alagad, at hindi nila siya mapagaling.

17 At sumagot si Jesus at sinabi, Oh lahing walang pananampalataya at taksil, hanggang kailan titiisin ko kayo? dalhin ninyo siya rito sa akin.

18 At pinagwikaan siya ni Jesus; at ang demonio ay lumabas sa kaniya: at ang bata'y gumaling mula nang oras ding yaon.

19 Nang magkagayo'y nagsilapit na bukod ang mga alagad kay Jesus, at nangagsabi, Bakit baga hindi namin napalabas yaon?

20 At sinabi niya sa kanila, Dahil sa kakauntian ng inyong pananampalataya: sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito'y lilipat; at sa inyo'y hindi may pangyayari.

21 Datapuwa't ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.

22 At samantalang sila'y nangakahimpil sa Galilea, ay sinabi sa kanila ni Jesus, Ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao;

23 At siya'y papatayin nila, at sa ikatlong araw ay siya'y muling ibabangon. At sila'y lubhang nangamanglaw,

24 At pagdating nila sa Capernaum, ay nangagsilapit kay Pedro ang mga maniningil ng kalahating siklo, at nangagsabi, Hindi baga pinagbabayaran ng inyong guro ang kalahating siklo?

25 Sinabi niya, Oo. At nang pumasok siya sa bahay, ay pinangunahan siya ni Jesus, na nagsasabi, Anong akala mo, Simon? ang mga hari sa lupa, kanino baga sila nanganiningil ng kabayaran ng buwis? sa kanilang mga anak baga o sa nangaiiba?

26 At nang sabihin niya, Sa nangaiiba, ay sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung gayo'y hindi nangagbabayad ang mga anak.

27 Datapuwa't, baka katisuran tayo nila, ay pumaroon ka sa dagat, at ihulog mo ang kawil, at kunin mo ang unang isdang lumitaw; at pagka naibuka mo na ang kaniyang bibig, ay masusumpungan mo ang isang siklo: kunin mo, at ibigay mo sa kanila sa ganang akin at sa iyo.

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)

17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at ang kapatid nitong si Juan, at sila'y kanyang dinala na walang kasamang iba sa isang mataas na bundok. At nagbagong-anyo siya sa harapan nila, nagliwanag ng tulad sa araw ang kanyang mukha, at naging parang ilaw sa kaputian ang kanyang mga damit. At doon ay nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti at naririto tayo. Kung nais mo po, gagawa ako ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” Nagsasalita (B) (C) pa siya noon nang napailalim sila sa isang maningning na ulap, at isang tinig mula roon ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nasisiyahan. Siya ang inyong pakinggan.” Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at labis na natakot. Subalit lumapit si Jesus at sila'y hinawakan. Sinabi niya, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.” Pagtingin nila ay wala silang nakitang sinuman, kundi si Jesus lamang. At nang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang tungkol sa pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.” 10 Tinanong (D) siya ng kanyang mga alagad, “Kung gayon, bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan munang dumating si Elias?” 11 Sumagot siya, “Talagang darating si Elias at panunumbalikin ang lahat ng mga bagay. 12 Subalit (E) sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, ngunit siya'y hindi nila kinilala, sa halip ay kanilang ginawa sa kanya ang anumang kanilang maibigan. Gayundin naman, ang Anak ng Tao ay malapit nang dumanas ng pagdurusa sa kanilang mga kamay.” 13 At naunawaan ng mga alagad na tungkol kay Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo(F)

14 At pagdating nila sa maraming tao, may isang lalaking lumapit sa kanya at lumuhod sa harapan niya. 15 Sinabi niya, “Panginoon, maawa ka po sa aking anak na lalaki. Siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; madalas siyang bumabagsak sa apoy at pati sa tubig. 16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila kayang pagalingin.” 17 Sumagot si Jesus, “Kayong walang pananampalataya at napakasamang lahi, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal pa akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito.” 18 Pinalayas ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Ang bata ay gumaling nang oras ding iyon. 19 Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at nagtanong sila, “Bakit po hindi namin nakayang palayasin iyon?” 20 Sinabi (G) niya sa kanila, “Maliit kasi ang inyong pananampalataya. Sapagkat tinitiyak ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinlaki ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito'y lilipat. Walang anuman na hindi ninyo kayang gawin. 21 Ngunit hindi lumalabas ang ganitong uri ng demonyo maliban sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.”[a]

Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(H)

22 Nang sila'y nagkatipon[b] sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ipagkakanulo na ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. 23 Siya'y kanilang papatayin subalit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga alagad.

Pagbabayad ng Buwis para sa Templo

24 Pagdating (I) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis[c] para sa templo at nagtanong sila, “Nagbabayad ba ng buwis sa templo ang inyong guro?” 25 Siya'y sumagot, “Opo, nagbabayad siya.” At pagdating niya sa bahay, naunang nagsalita si Jesus at nagtanong, “Ano sa palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?” 26 At nang sabihin niya, “Sa ibang tao,” ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Samakatuwid, hindi na pinagbabayad ang mga anak. 27 Ngunit upang hindi sila magkasala dahil sa atin, pumunta ka sa lawa at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang lilitaw, at pagkabuka mo sa bibig niyon ay makakakita ka roon ng salaping pilak. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, pambuwis nating dalawa.”

Footnotes

  1. Mateo 17:21 Sa ibang manuskrito wala ang talatang ito.
  2. Mateo 17:22 Sa ibang mga manuskrito nakatira.
  3. Mateo 17:24 Sa Griyego, dalawang drachma.