Add parallel Print Page Options

Mga Minanang Kaugalian(A)

15 Pagkatapos, dumating kay Jesus ang mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, “Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang kaugalian ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago kumain.” Sumagot siya sa kanila, “At bakit nilalabag naman ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian? Sapagkat (B) iniutos ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina;’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay.’ Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang mapapakinabangan mo mula sa akin ay ibinigay ko na sa Diyos, at ang nagsabi niyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.’ Kaya't masunod lamang ang inyong kaugalian ay binabale-wala na ninyo ang salita[a] ng Diyos. Kayong mapagkunwari! Angkop na angkop sa inyo ang ipinahayag ni Isaias nang sabihin niya,

‘Iginagalang (C) ako ng mga taong ito sa kanilang mga labi,
    subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
    pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’ ”

Ang Nagpaparumi sa Tao(D)

10 Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ninyo ito: 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang sanhi ng kanyang pagiging marumi.” 12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam ba ninyong nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang sinabi ninyong ito?” 13 Ngunit sumagot siya, “Bubunutin ang lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit. 14 Hayaan (E) ninyo sila. Sila'y mga bulag na tagaakay.[b] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.” 15 Sumagot naman si Pedro, “Ipaliwanag mo po sa amin ang talinghaga.” 16 At sinabi niya, “Hanggang ngayon ba'y hindi pa rin kayo marunong umunawa? 17 Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at idinudumi? 18 Ngunit (F) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at iyon ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nagmumula ang masasamang pag-iisip, pagpaslang, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsisinungaling, at panlalait. 20 Ang mga ito ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, subalit ang kumain nang hindi nahugasan ang mga kamay nang ayon sa minanang turo ay hindi nakapagpaparumi sa sinuman.”

Ang Pananampalataya ng Babaing Taga-Canaan(G)

21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa karatig-pook ng Tiro at Sidon. 22 Naroon ang isang babaing taga-Canaan na mula sa lupaing iyon. Siya'y nagsisisigaw, “Maawa ka po sa akin, Panginoon, Anak ni David! Ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.” 23 Ngunit hindi man lamang siya sumagot sa babae. Lumapit ang mga alagad niya at nakiusap sa kanya, “Paalisin mo po siya, sapagkat nagsisisigaw siya sa hulihan natin.” 24 At sumagot siya, “Ako'y sinugo para lamang sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.” 25 Ngunit lumapit ang babae, lumuhod sa harapan niya at sinabi, “Panginoon, tulungan mo po ako.” 26 Sumagot si Jesus, “Hindi tamang kunin ang kinakain ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.” 27 Ngunit sagot ng babae, “Opo, Panginoon. Ngunit ang mga aso man ay kumakain ng mga mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang mga amo.” 28 Kaya't sumagot si Jesus sa kanya, “Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari para sa iyo ang hinihiling mo.” At gumaling ang kanyang anak na babae sa oras ding iyon.

Maraming Pinagaling si Jesus

29 Umalis doon si Jesus at bumagtas sa tabi ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Dumagsa sa kanya ang napakaraming tao na may dalang mga pilay, mga paralitiko, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y kanyang pinagaling. 31 Namangha ang maraming tao nang makita nilang nakapagsasalita ang mga pipi, lumalakas ang mga paralitiko, nakalalakad ang mga piláy, at nakakikita ang mga bulag. At pinuri nila ang Diyos ng Israel.

Pinakain ang Apat na Libo(H)

32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Naaawa ako sa maraming taong ito, sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at ngayon ay wala silang pagkain. Ayaw ko naman silang paalising gutóm, at baka himatayin sila sa daan.” 33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na tinapay sa liblib na pook na ito upang ipakain sa ganito karaming tao?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilan ba ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo niya sa lupa ang mga tao, 36 kinuha ang pitong tinapay at ang mga isda at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao. 37 Silang lahat ay kumain at nabusog. At nakapagtipon sila ng pitong kaing na punô ng mga labis na pinagputul-putol na pagkain. 38 May apat na libong lalaki ang kumain bukod pa sa mga babae at sa mga bata. 39 Pagkatapos pauwiin ang maraming tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa nasasakupan ng Magadan.

Footnotes

  1. Mateo 15:6 Sa ibang matatandang manuskrito ay kautusan.
  2. Mateo 15:14 Sa ibang mga manuskrito may dagdag na ng bulag.