Add parallel Print Page Options

22 At sumagot si Jesus at muling pinagsalitaan (A)sila sa mga talinghaga, na sinasabi,

Tulad ang kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng (B)piging ng kasalan ng kaniyang anak na lalake,

At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan: at sila'y ayaw magsidalo.

Muling nagsugo siya sa ibang mga alipin, na sinasabi, Sabihin ninyo sa mga inanyayahan, Narito, inihanda ko na ang aking piging; pinatay ko ang aking mga baka at mga hayop na matataba, at ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na: magsiparito kayo sa piging ng kasalan.

Datapuwa't hindi nila pinansin, at sila'y nagsiyaon sa kanilang lakad, ang isa'y sa kaniyang sariling bukid, ang isa'y sa kaniyang mga kalakal;

At hinawakan ng mga iba ang kaniyang mga alipin, at sila'y dinuwahagi, at pinagpapatay.

Datapuwa't ang hari ay nagalit; at sinugo ang kaniyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamataytaong yaon, at sinunog ang kanilang bayan.

Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alipin, Nahahanda ang kasalan, nguni't hindi (C)karapatdapat ang mga inanyayahan.

Magsiparoon nga kayo sa mga likuang lansangan, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang lahat ninyong mangasumpungan.

10 At nagsilabas ang mga aliping yaon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat nilang nangasumpungan, (D)masasama at mabubuti: at napuno ng mga panauhin ang kasalan.

11 Datapuwa't pagpasok ng hari upang tingnan ang mga panauhin, ay doo'y nakita niya ang isang tao na (E)hindi nararamtan ng damit-kasalan:

12 At sinabi niya sa kaniya, Kaibigan, ano't pumasok ka rito na walang damit-kasalan? At siya'y naumid.

13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; (F)diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

14 Sapagka't (G)marami ang mga tinawag, datapuwa't kakaunti ang mga nahirang.

15 Nang magkagayo'y nagsialis ang mga Fariseo, (H)at nangagsanggunian sila kung paano kayang mahuhuli nila siya sa kaniyang pananalita.

16 At sinugo nila sa kaniya ang kanilang mga alagad, na kasama ng mga (I)Herodiano, na nagsisipagsabi, Guro, nalalaman naming ikaw ay totoo, at itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Dios, at hindi ka nangingimi kanino man: sapagka't hindi ka nagtatangi ng tao.

17 Sabihin mo nga sa amin, Ano sa akala mo? Matuwid bagang bumuwis (J)kay Cesar, o hindi?

18 Datapuwa't napagkikilala ni Jesus ang kanilang kasamaan, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ako tinutukso, kayong mga mapagpaimbabaw?

19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pangbuwis. At dinala nila sa kaniya ang isang denario.

20 At sinabi niya sa kanila, Kanino ang larawang ito at ang nasusulat?

21 Sinabi nila sa kaniya, Kay Cesar. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Kaya't (K)ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar; at sa Dios ang sa Dios.

22 At pagkarinig nila nito ay nagsipanggilalas sila, at siya'y iniwan, at nagsiyaon.

23 Nang araw na yaon ay nagsilapit sa kaniya ang mga (L)Saduceo, na nangagsasabing walang pagkabuhay na maguli: at siya'y kanilang tinanong,

24 Na sinasabi, Guro, sinabi ni Moises, (M)Kung mamatay na walang mga anak ang isang lalake, ay magasawa ang kaniyang kapatid na lalake sa asawa niya, at magkakaanak sa kaniyang kapatid na lalake.

25 Nagkaroon nga sa amin ng pitong magkakapatid na lalake: at nagasawa ang panganay at namatay, at sapagka't hindi siya nagkaanak ay iniwan niya ang kaniyang asawa sa kaniyang kapatid na lalake;

26 Gayon din naman ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo, hanggang sa ikapito.

27 At sa kahulihulihan nilang lahat, ay namatay ang babae.

28 Sa pagkabuhay ngang maguli sino kaya doon sa pito ang magiging asawa? sapagka't siya'y naging asawa nilang lahat.

29 Nguni't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Nangagkakamali kayo, (N)sa hindi pagkaalam ng mga kasulatan, ni ng kapangyarihan man ng Dios.

30 Sapagka't sa pagkabuhay na maguli ay hindi na mangagaasawa, ni mga papagaasawahin pa, kundi (O)gaya ng mga anghel sa langit.

31 Datapuwa't tungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga patay, hindi baga ninyo nabasa ang sinalita sa inyo ng Dios, na nagsasabi,

32 Ako ang Dios ni Abraham, (P)at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob? Ang Dios ay hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay.

33 At nang marinig ito ng karamihan ay (Q)nangagtaka sa kaniyang aral.

34 Datapuwa't nang marinig ng mga Fariseo na kaniyang napatahimik ang mga Saduceo, ay nangagkatipon sila.

35 At isa sa kanila, na (R)tagapagtanggol ng kautusan, ay tinanong siya ng isang tanong, upang siya'y tuksuhin:

36 Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?

37 At sinabi sa kaniya, (S)Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

38 Ito ang dakila at pangunang utos.

39 At ang pangalawang katulad ay ito, (T)Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

40 Sa dalawang utos na ito'y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.

41 Habang nangagkakatipon nga ang mga Fariseo, ay tinanong sila ni (U)Jesus ng isang tanong,

42 Na sinasabi, Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo? kanino bagang anak siya? Sinabi nila sa kaniya, (V)kay David.

43 Sinabi niya sa kanila, Kung gayo'y bakit tinatawag siya ni David na Panginoon, sa espiritu, na nagsasabi,

44 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
(W)Maupo ka sa aking kanan,
Hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa?

45 Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y kaniyang anak?

46 At wala sinomang nakasagot sa kaniya ng isang salita, (X)ni wala sinomang nangahas buhat sa araw na yaon na tumanong pa sa kaniya ng anomang mga tanong.

Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)

22 At muling nagsalita si Jesus sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay maihahalintulad dito: May isang haring naghanda ng isang malaking salu-salo para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Nagsugo siya ng kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa pagdiriwang ng kasalan; subalit ayaw dumalo ng mga inanyayahan. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin. Ibinilin sa kanila, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking piging. Ang aking mga baka at matatabang guya ay kinatay na at nakahanda na ang lahat. Halina kayo sa pagdiriwang para sa kasal.’ Ngunit hindi nila ito pinansin, sa halip ay umalis, ang isa'y pumunta sa kanyang bukirin, at ang isa nama'y sa kanyang pangangalakal. Bigla namang hinawakan ng iba ang mga alipin ng hari, ipinahiya ang mga ito at pinagpapatay. Ikinagalit ito ng hari, kaya't sinugo niya ang kanyang mga kawal, nilipol ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lungsod. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang piging ng kasal, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya pumunta kayo sa mga panulukan ng mga lansangan at kahit sinong makita ninyo ay anyayahan ninyo sa pagdiriwang ng kasal.’ 10 Lumabas nga ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat ng natagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang pinagdarausan ng kasalan.

11 “Subalit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, napansin niya roon ang isang taong hindi nakasuot ng damit pangkasalan. 12 At sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang taong iyon. 13 Kaya't (B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang kanyang mga paa't mga kamay, at ihagis ninyo siya sa labas, doon sa kadiliman. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’ 14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”

Ang Pagbabayad ng Buwis(C)

15 Pagkatapos nito'y umalis ang mga Fariseo at nagbalak kung paanong mabibitag si Jesus sa kanyang salita. 16 Sinugo nila sa kanya ang kanilang mga alagad, kasama ng mga kakampi ni Herodes. Kanilang sinabi, “Guro, alam naming ikaw ay totoo, at nagtuturo ka ng daan ng Diyos batay sa katotohanan at wala kang kinikilingang sinuman, sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17 Sabihin mo sa amin, ano sa palagay mo, sang-ayon ba sa batas na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” 18 Subalit alam ni Jesus ang kanilang masamang balak, kaya't sinabi niya, “Bakit inilalagay ninyo ako sa pagsubok? Kayong mga mapagkunwari! 19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.” At iniabot sa kanya ang isang denaryo. 20 Sila'y tinanong niya, “Kaninong larawan at pangalan ang nakasulat dito?” 21 Sinabi nila sa kanya, “Sa Emperador.” Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” 22 Nang marinig nila ito ay napahanga sila. Siya'y kanilang iniwan at sila'y umalis.

Katanungan tungkol sa Muling Pagkabuhay(D)

23 Nang (E) araw ding iyon ay lumapit kay Jesus (F) ang mga Saduceo. Sa paniniwala nilang walang muling pagkabuhay, 24 sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang lalaking walang anak, dapat pakasalan ng kanyang kapatid na lalaki ang kanyang asawa, at magkaroon ng mga anak para sa kanyang kapatid na lalaki.’ 25 ‘Mayroon sa aming pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at siya'y namatay. At dahil hindi siya nagkaroon ng anak ay naiwan niya ang kanyang asawa sa kanyang kapatid na lalaki. 26 Ganoon din ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito. 27 At pagkamatay nilang lahat, namatay ang babae. 28 Sa muling pagkabuhay, sino kaya sa pito ang magiging asawa ng babae, gayong siya'y naging asawa nilang lahat?” 29 Sumagot si Jesus sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Sapagkat sa muling pagkabuhay, ang mga tao ay hindi na mag-aasawa o pag-aasawahin pa kundi sila'y magiging katulad ng mga anghel sa langit. 31 At tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi pa ba ninyo nababasa ang sinabi sa inyo ng Diyos? Sabi niya, 32 ‘Ako (G) ang Diyos ni Abraham, at ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.’ Siya ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.” 33 Nang marinig ito ng maraming tao, sila'y namangha sa kanyang itinuturo.

Ang Dakilang Utos(H)

34 Subalit nang mabalitaan ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo, sila'y nagpulong. 35 At isa sa kanila, na isang dalubhasa sa Kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin. 36 “Guro, alin po ba ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” 37 At (I) sinabi niya sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. 38 Ito ang dakila at pangunahing utos. 39 At katulad nito (J) ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ 40 Nakabatay sa (K) dalawang utos na ito ang buong Kautusan at ang mga propeta.”

Nagtanong si Jesus tungkol sa Anak ni David(L)

41 Habang nagkakatipon ang ilang mga Fariseo ay nagtanong sa kanila si Jesus. 42 Sabi niya, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kanino ba siyang anak?” Sumagot sila, “Kay David.” 43 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit noong si David ay nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,

44 ‘Sinabi (M) ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang sa mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway” ’?

45 Kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siya magiging anak nito?” 46 Walang nakasagot sa kanya ni isa mang salita, at mula nang araw na iyon ay wala na ring nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman.