Mateo 19
Ang Salita ng Diyos
Ang Pagpapalayas ng Lalaki sa Asawang Babae
19 Nangyari, na nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, nilisan niya ang Galilea at pumaroon siya sa mga hangganan ng Judea sa kabilang ibayo ng Jordan.
2 Sinundan siya ng napakaraming tao at pinagaling niya sila roon.
3 Nilapitan din siya ng mga Fariseo upang subukin siya.Sinabi nila sa kaniya: Naaayon ba sa kautusan na palayasin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa anumang dahilan?
4 Sumagot siya sa kanila: Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila sa pasimula pa ay nilalang sila na lalaki at babae? 5 Sinabi pa niya: Dahil dito, iiwanan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikisama sa kaniyang asawa. Silang dalawa ay magiging isang laman. 6 Kung gayon, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.
7 Sinabi nila sa kaniya: Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises na magbigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago palayasin ang babae?
8 Sinabi niya sa kanila: Dahil sa katigasan ng inyong mga puso kaya ipinahintulot ni Moises na palayasin ninyo ang inyong mga asawa. Ngunit hindi gayon sa pasimula. 9 Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang magpalayas sa kaniyang asawang babae maliban sa pakikiapid nito at mag-aasawa ng iba ay magkakasala ng pangangalunya. Ang sinumang magpakasal sa babaeng pinalayas ng kaniyang asawa ay nagkakasala ng kasalanang sekswal.
10 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Kung ganyan ang kalalagayan ng lalaki at ng kaniyang asawa, makakabuti pang huwag nang mag-asawa.
11 Ngunit sinabi niya sa kanila: Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito kundi doon lamang sa pinagkalooban. 12 Ito ay sapagkat may mga ipinanganak na bating. Sila ay gayon na mula pa sa sinapupunan ng kanilang ina. May mga bating naman na ginagawang bating ng mga tao. May mga bating din na sinadya nilang maging mga bating alang-alang sa paghahari ng langit. Ang makakatanggap nito ay hayaang tumanggap nito.
Si Jesus at ang Maliliit na Bata
13 Pagkatapos, may dinala sa kaniya na maliliit na mga bata upang ipatong niya ang kaniyang kamay sa kanila at sila ay ipanalangin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad.
14 Ngunit sinabi ni Jesus: Pahintulutan ninyo ang maliliit na bata na lumapit sa akin at huwag ninyo silang hadlangan sapagkat sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng langit. 15 Ipinatong niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at siya ay umalis doon.
Ang Mayamang Pinuno
16 Narito, may isang lalaking lumapit sa kaniya at sinabi: Mabuting guro, anong mabuting bagay na dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?
17 Sinabi niya sa kaniya: Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi isa lamang at iyon ay ang Diyos. Ngunit yamang ibig mong pumasok sa buhay, sundin mo ang mga utos.
18 Sinabi niya sa kaniya: Alin sa mga kautusan?
Sinabi ni Jesus: Huwag kang papatay. Huwag kang mangalunya. Huwag kang magnakaw at huwag kang sasaksi sa hindi totoo.
19 Igalang mo ang iyong ama at ina. Ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili.
20 Sinabi ng binata sa kaniya: Ang lahat ng mga bagay na ito ay nasunod ko na simula pa sa aking pagkabata. Ano pa ang kulang sa akin?
21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong tinatangkilik, at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, halika at sumunod sa akin.
22 Ngunit nang marinig ng binata ang pananalitang ito, namimighati siyang umalis sapagkat napakarami ng kaniyang ari-arian.
23 Kaya sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Napakahirap sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng langit. 24 Muli kong sinasabi sa inyo: Madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng Diyos.
25 Nang marinig ito ng kaniyang mga alagad, lubha silang nanggilalas na sinabi: Kung gayon, sino ang maliligtas?
26 Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila: Para sa mga tao, hindi ito maaring mangyayari, ngunit sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.
27 Kaya sumagot sa kaniya si Pedro: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano nga ang aming makakamtan?
28 Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa pagbabago ng lahat ng mga bagay kapag umupo na ang Anak ng Tao sa trono ng kaniyang kaluwalhatian, kayong sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono. Uupo kayo upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. 29 Iyan ang mangyayari sa bawat isang nag-iwan ng bahay, o ng mga kapatid na lalaki, o ng mga kapatid na babae, o ng ama, o ng ina, o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan. Siya ay tatanggap ng isangdaang ulit. Magmamana rin siya ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit maraming nauuna na mahuhuli at nahuhuli na mauuna.
Copyright © 1998 by Bibles International