Mateo 16
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Humingi ng Himala ang mga Pariseo at Saduceo(A)
16 May mga Pariseo at Saduceo na lumapit kay Jesus para subukin siya. Hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[a] bilang patunay na sugo siya ng Dios. 2 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag palubog na ang araw at mapula ang langit, sinasabi ninyo, ‘Magiging maayos ang panahon bukas.’ 3 At kapag umaga at makulimlim ang langit, sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon.’ Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon? 4 Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Jonas.” Pagkatapos, umalis si Jesus.
Ang Babala ni Jesus tungkol sa Turo ng mga Pariseo at mga Saduceo(B)
5 Tumawid ng lawa si Jesus at ang mga tagasunod niya, pero nakalimutan ng mga tagasunod na magbaon ng pagkain. 6 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[b] ng mga Pariseo at mga Saduceo.” 7 Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. 8 Pero alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo pinag-uusapan ang hindi ninyo pagdadala ng tinapay? Kay liit ng pananampalataya ninyo! 9 Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Nakalimutan na ba ninyo ang ginawa ko sa limang tinapay para mapakain ang 5,000 tao? Hindi ba ninyo naalala kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 10 Nakalimutan na rin ba ninyo ang ginawa ko sa pitong tinapay para mapakain ang 4,000 tao, at kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 11 Hindi ba ninyo naiintindihan na hindi tinapay ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at Saduceo?’ ” 12 At saka lang nila naintindihan na hindi pala sila pinag-iingat sa pampaalsa kundi sa mga aral ng mga Pariseo at Saduceo.
Ang Pahayag ni Pedro Tungkol kay Jesus(C)
13 Nang makarating si Jesus sa lupain ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga tagasunod, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin na Anak ng Tao?” 14 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing kayo si Jeremias o isa sa mga propeta.” 15 Tinanong sila ni Jesus, “Pero sa inyo, sino ako?” 16 Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.” 17 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagpala ka ng Dios, Simon na anak ni Jonas. Sapagkat hindi tao ang nagpahayag sa iyo ng bagay na ito kundi ang aking Amang nasa langit. 18 At ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw si Pedro,[c] at sa batong ito, itatayo ko ang aking iglesya,[d] at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan.[e] 19 Ibibigay ko sa iyo ang kapangyarihan[f] sa kaharian ng Dios.[g] Anuman ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot mo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.” 20 Pagkatapos nito, sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.
Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)
21 Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga tagasunod niya na dapat siyang pumunta sa Jerusalem at dumanas ng maraming paghihirap sa kamay ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. At siyaʼy ipapapatay nila, pero sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay. 22 Nang marinig ito ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan, “Panginoon, huwag po sanang ipahintulot ng Dios. Hindi ito dapat mangyari sa inyo.” 23 Hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Pinipigilan mo akong gawin ang kalooban ng Dios, dahil hindi ayon sa kalooban ng Dios ang iniisip mo kundi ayon sa kalooban ng tao!”
24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat handa siyang humarap kahit sa kamatayan[h] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 25 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ano ba ang mapapala ng tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kanyang buhay? May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 27 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay darating kasama ang mga anghel, at taglay ang kapangyarihan ng Ama. Sa araw na iyon, gagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. 28 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari.”
Footnotes
- 16:1 mula sa Dios: sa literal, mula sa langit.
- 16:6 pampaalsa: sa Ingles, “yeast.”
- 16:18 Pedro: Ang ibig sabihin, bato.
- 16:18 iglesya: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 16:18 kapangyarihan ng kamatayan: sa literal, pintuan ng Hades.
- 16:19 kapangyarihan: sa literal, mga susi.
- 16:19 Dios: sa literal, langit.
- 16:24 dapat handa siyang humarap kahit sa kamatayan: sa literal, dapat pasanin niya ang kanyang krus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®