Mangangaral 9
Magandang Balita Biblia
9 Ang lahat ng ito'y pinag-aralan kong mabuti at nalaman kong lahat ng kilos ng matuwid at ng matalino ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, maging pag-ibig o pagkapoot. Walang makakatiyak kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas. 2 Iisa ang kasasapitan ng lahat: ang nangyayari sa matuwid ay nangyayari rin sa di-matuwid, ganoon din sa mabuti at sa masama, sa malinis at sa marumi ayon sa Kautusan, sa naghahandog at sa hindi naghahandog. Ang nangyayari nga sa mabuti ay siya ring nangyayari sa masama. Walang pagkakaiba ang nangyayari sa marunong tumupad sa pangako at sa sumisira sa pangako. 3 Ito nga ang isang masamang bagay na nangyayari sa buong mundo: iisa ang kinasasapitan ng lahat. Habang ang tao'y nabubuhay, panay kasamaan ang kanyang iniisip, at ang hantungan ay kamatayan. 4 Ngunit habang nabubuhay ang tao ay di siya dapat mawalan ng pag-asa. Ang asong buháy ay mas mainam kaysa patay na leon. 5 Alam ng buháy na siya'y mamamatay ngunit ang patay ay walang anumang nalalaman. Wala na silang pag-asa, at nakakalimutan nang lubusan. 6 Nawawala pati kanilang pag-ibig, pagkapoot, at pagkainggit; anupa't wala silang namamalayan sa anumang nangyayari sa mundo.
7 Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom sapagkat iyon ay itinakda ng Diyos para sa iyo. 8 Nawa'y lumigaya ka sa bawat oras.
9 Magpakaligaya ka sa piling ng babaing iyong minamahal habang ikaw ay nabubuhay sa mundong ito sapagkat iyon ang iyong bahagi at bunga ng iyong pinagpaguran sa maikling buhay na ito. 10 Anuman ang ginagawa mo'y pagbuhusan mo ng iyong buong makakaya sapagkat sa daigdig ng mga patay na kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan man, ni pagbubuhusan ng kaalaman o karunungan.
11 Ito pa ang isang bagay na napansin ko sa mundong ito: ang mabilis ay di siyang laging nananalo sa takbuhan ni ang malakas ay laging nagwawagi sa digmaan. Ang matatalino'y di laging nakakasumpong ng kanyang mga kailangan at di lahat ng marunong ay yumayaman. Napapansin ko rin na di lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay; lahat ay dinaratnan ng malas. 12 Hindi alam ng tao kung kailan ang kanyang takdang oras. Siya'y tulad ng isdang nasusukluban ng lambat, at ibong nahuhuli sa bitag. Ang tao'y parang nahuhulog sa patibong sa biglang pagdating ng masamang pagkakataon.
13 Narito pa ang isang halimbawa kung papaanong ang karunungan ay inuunawa sa mundong ito: 14 Mayroong isang maliit na bayan na kakaunti ang mamamayan. Kinubkob ito ng isang hari. Nagpahanda siya ng lahat ng kailangan sa pagsalakay. 15 Nagkataon na sa bayang yaon ay may isang mahirap ngunit matalinong tao na nakapag-isip ng paraan upang mailigtas ang nasabing bayan. Subalit pagkatapos, wala nang nakaalala sa kanya. 16 Ang sinasabi ko, makapangyarihan ang karunungan kaysa lakas. Ngunit ang karunungan ng taong mahirap ay hindi pinahahalagahan at ang mga salita nito ay hindi pinapansin.
17 Ang mahinang salita ng matalino ay mas may pakinabang kaysa sigaw ng hari sa gitna ng mga mangmang. 18 Ang karunungan ay makapangyarihan kaysa sandata ngunit ang isang pagkakamali ay nagbubunga ng malaking pinsala.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.