Mangangaral 7
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Paalala sa Buhay
7 Ang malinis na pangalan ay mas mabuti kaysa sa mamahaling pabango; at ang araw ng kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan. 2 Mas mabuting pumunta sa namatayan kaysa sa isang handaan, dahil ang lahat ay mamamatay. Dapat ay lagi itong isipin ng mga buhay pa. 3 Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa sa kaligayahan dahil ang kalungkutan ay nakakatuwid ng buhay ng tao. 4 Laging iniisip ng marunong ang kamatayan; pero ang hangal, ang laging iniisip ay kasiyahan. 5 Mas mabuting makinig sa pagsaway ng marunong kaysa makinig sa papuri ng hangal. 6 Ang tawa ng hangal ay parang tinik na pag-iginatong ay nagsasaltikan ang apoy. Ito ay walang kabuluhan. 7 Ang marunong kapag nandaya ay para na ring hangal. Kung tumatanggap ka ng suhol, sinisira mo ang sarili mong dangal. 8 Mas mabuti ang pagtatapos kaysa sa pagsisimula. Ang pagiging matiisin ay mas mabuti kaysa sa pagiging mapagmataas. 9 Huwag maging magagalitin dahil ang pagiging magagalitin ay ugali ng mga hangal. 10 Huwag mong sabihin, “Bakit mas mabuti pa noon kaysa ngayon?” Dahil ang tanong na iyan ay walang katuturan. 11-12 Ang karunungan ay mabuti gaya ng isang pamana, pareho itong nakakatulong sa mga namumuhay dito sa mundo. Nagbibigay din ito ng proteksyon gaya ng pera. Pero higit pa roon, iniingatan nito ang buhay ng nagtataglay nito. 13 Pag-isipan mo ang ginawa ng Dios. Sino ang makapagtutuwid ng kanyang binaluktot? 14 Magalak ka kung mabuti ang kalagayan mo. Pero kung naghihirap ka, isipin mong ang Dios ang gumawa sa dalawang bagay na ito. Para hindi natin malaman kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas. 15 Sa buhay kong walang saysay, nakita ko ang lahat ng bagay. Ang matuwid ay maagang namamatay sa kabila ng kanilang matuwid na pamumuhay, at ang mga masasama sa kabila ng kanilang kasamaan ay nabubuhay nang matagal. 16 Huwag mong ituring ang iyong sarili na sobrang matuwid at marunong, dahil kung gagawin mo iyon, sinisira mo lang ang iyong sarili. 17 At huwag ka rin namang magpakasama o magpakamangmang, dahil baka mamatay ka naman nang wala sa oras. 18 Huwag kang pasobra sa mga bagay na iyon; dapat balanse lang, dahil ang taong may takot sa Dios ay hindi nagpapasobra sa anumang bagay. 19 Higit na malaki ang magagawa ng karunungan sa isang tao, kaysa sa sampung pinuno ng isang bayan. 20 Wala ni isang tao rito sa mundo ang laging gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala. 21 Huwag mong pakikinggan ang lahat ng sinasabi ng tao at baka mismong alipin mo ang marinig mong nagsasalita laban sa iyo. 22 Dahil alam mo sa sarili mo na marami ka ring pinagsalitaan ng masama.
23 Sinubukan kong intindihin ang lahat ng nangyayari rito sa mundo sa pamamagitan ng aking karunungan. Akala koʼy maiintindihan ko pero hindi pala. 24 Hindi ko kayang intindihin ang mga nangyayari dahil mahirap talagang maintindihan. At walang sinuman ang makakaintindi nito. 25 Pero patuloy akong nag-aral at nag-usisa, para makamit ko ang karunungan at masagot ang aking mga katanungan, at para malaman ko kung gaano kahangal ang taong gumagawa ng masama at kung gaano kasama ang isipan ng taong gumagawa ng kahangalan.
26 Napag-alaman kong ang babaeng nanunukso ay mas mapait kaysa sa kamatayan. Ang pag-ibig niyaʼy parang bitag, at ang mga kamay niya na yumayakap sa iyo ay parang kadena. Ang taong nakalulugod sa Dios ay makakatakas sa kanya, pero ang taong masama ay mabibitag niya. 27-28 Sinasabi ko bilang isang mangangaral, “Iniisip kong mabuti ang bawat bagay sa paghahanap ko ng kasagutan sa aking mga katanungan. Pero hindi ko pa rin natagpuan ang mga kasagutan. Ngunit ito ang aking natuklasan, sa 1,000 lalaki isa lang ang matuwid,[a] pero sa 1,000 babae wala ni isang matuwid. 29 Higit sa lahat, ito ang nalaman ko: Ginawa ng Dios ang tao na matuwid, pero nag-iisip ang tao ng maraming paraan para maging masama.”
Footnotes
- 7:27-28 matuwid: o, marunong.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®