Mangangaral 4
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
4 Nakita ko ulit ang mga pang-aapi rito sa mundo. Umiiyak ang mga inaapi, pero walang tumutulong sa kanila dahil makapangyarihan ang mga umaapi sa kanila. 2 Kaya nasabi kong mas mabuti pa ang mga patay kaysa sa mga buhay. 3 Pero higit na mabuti ang mga hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakakita ng kasamaan dito sa mundo.
4 Nakita ko rin na nagsusumikap ang mga tao at ginagawa ang lahat ng makakaya dahil naiinggit sila sa kanilang kapwa. Wala itong kabuluhan; para silang humahabol sa hangin.
5 Hangal ang taong tamad, kaya halos mamatay sa gutom. 6 Mas mabuti pang magkaroon ng isang dakot na pagkain pero may kapayapaan, kaysa sa maraming pagkain pero hirap na hirap naman sa pagtatrabaho at nauuwi lang sa wala ang lahat. Para ka lang humahabol sa hangin.
7 May nakita pa ako sa mundong ito na walang kabuluhan. 8 May isang taong nag-iisa sa buhay. Wala siyang anak at wala ring kapatid. Pero wala siyang tigil sa pagtatrabaho at hindi nakokontento sa kanyang kayamanan. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi na ako nakakapagsaya dahil sa sobrang pagtatrabaho. Pero wala naman akong mapag-iiwanan ng aking mga pinaghirapan.” Wala itong kabuluhan! At napakalungkot ng ganitong klase ng buhay.
9 Mas mabuti ang may kasama kaysa mag-isa; mas marami silang magagawa. 10 Kapag nadapa ang isa sa kanila maitatayo siya ng kanyang kasama. Kaya nakakaawa ang taong nag-iisa at nadapa, dahil walang tutulong sa kanya. 11 Kapag malamig, pwede kayong matulog nang magkatabi at pareho kayong maiinitan. Pero kung nag-iisa ka, papaano ka maiinitan? 12 Madali kang matalo kung nag-iisa ka, pero kung may kasama ka, mahirap kayong talunin. Tulad din ng lubid na may tatlong pilipit na hibla, mahirap itong malagot.
13 Mas mabuti pa ang isang batang mahirap pero marunong, kaysa sa isang matandang hari pero hangal at ayaw tumanggap ng payo. 14 At maaaring maging hari ang batang iyon kahit siya ay nakulong at ang matandang hari namang iyon ay maaaring maghirap kahit na ipinanganak pa siyang dugong bughaw. 15 Pero naisip ko na kahit maraming tao dito sa mundo ang susunod sa batang iyon na pumalit sa hari, 16 at hindi mabilang ang mga taong paghaharian niya, maaaring hindi rin masisiyahan sa kanya ang susunod na henerasyon. Ito man ay wala ring kabuluhan. Para kang humahabol sa hangin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®