Mangangaral 2
Magandang Balita Biblia
Kamangmangan ang Maging Makasarili
2 Sinabi ko sa aking sarili, “Halika, subukan mo kung ano ang kahulugan ng kaligayahan; magpakasaya ka!” Subalit ito man ay walang kabuluhan.[a] 2 Ang halakhak ay ipinalagay kong kahangalan at ang kaligayahan ay walang kabuluhan.[b] 3 Sa pagnanasa kong makamit ang karunungan, ipinasya kong magpakalasing sa alak. Sa loob-loob ko'y ito na ang pinakamainam na dapat gawin ng tao sa maikling panahong ilalagi niya sa mundong ito. 4 Nakagawa(A) ako ng mga dakilang bagay. Nakapagpatayo ako ng malalaking bahay at ginawa kong ubasan ang paligid nito. 5 Gumawa ako para sa aking sarili ng mga hardin at liwasan. Tinamnan ko ito ng lahat ng uri ng punongkahoy na mapapakinabangan ang bunga. 6 Humukay ako ng mga balon na pagkukunan ng pandilig sa mga pananim na ito. 7 Bumili(B) ako ng mga aliping babae at lalaki. Ang mga alipin ko'y nagkaanak na sa aking tahanan. Ang kawan ko'y ubod ng dami, walang kasindami kung ihahalintulad sa kawan ng mga haring nauna sa akin. 8 Nakaipon(C) ako ng napakaraming pilak at ginto mula sa mga lupaing nasasakupan ko. Marami akong mang-aawit na babae't lalaki. Marami akong asawa at pawang magaganda. Wala nang hahanapin pa ang isang lalaki, lalo na kung tungkol din lang sa babae.
9 Higit(D) akong dinakila kaysa sinumang haring nauna sa akin. Taglay ko pa rin ang aking karunungan. 10 Wala akong ginustong hindi ko nakuha. Ginagawa ko ang lahat ng aking magustuhan. Nalulugod ako sa aking mga ginagawa at iyon ang pinakagantimpala ng aking mga pinagpaguran. 11 Pagkatapos, inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang pagod na aking pinuhunan. Nakita kong ang lahat ay pawang walang kabuluhan;[c] tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.
12 Naisip kong ang wakas ng isang hari ay tulad lamang ng sa mga nauna sa kanya. Tinimbang kong mabuti ang karunungan, ang kabaliwan at kamangmangan. 13 Napatunayan kong mas mabuti ang karunungan kaysa kamangmangan, tulad ng kabutihan ng liwanag kaysa kadiliman. 14 Nalalaman ng marunong ang kanyang patutunguhan ngunit hindi alam ng mangmang ang kanyang hangganan. Ngunit nabatid ko ring iisa ang hantungan ng lahat. 15 Sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay siya mo ring sasapitin. Ano nga ba ang napala mo sa labis na pagpapakarunong?” At naisip kong ito man ay wala ring kabuluhan.[d] 16 Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat ay mamamatay, maging ang marunong man, o ang mangmang. 17 Kaya't kinamuhian ko ang buhay sapagkat pawang kahirapan lamang ang idinulot nito sa akin. Lahat nga ay walang kabuluhan,[e] at tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.
18 Wala na ring halaga sa akin ang lahat ng pinagpaguran ko sa mundong ito sapagkat ito'y maiiwan lamang sa susunod sa akin. 19 At sino ang nakakatiyak kung siya'y marunong o mangmang? Gayunman, siya pa rin ang magmamana sa lahat ng mga pinagpaguran ko at ginamitan ng karunungan sa mundong ito. Ito ma'y walang kabuluhan.[f] 20 Kaya nga, nanghihinayang ako pagkat ako ay nagpakapagod nang husto sa mundong ito. 21 Lahat ng pinagpaguran ng tao'y pinamuhunan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay iba ang magpapakasaya sa mga pinagpaguran niya. Ito ay walang kabuluhan,[g] at ito'y hindi tama. 22 Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito? 23 Anumang(E) gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.[h]
24 Ang(F) mabuti pa sa tao'y kumain at uminom, at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. Alam kong ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos. 25 Kung wala ang Diyos, sino pa ba ang makakakain o makakaranas ng kasiyahan? 26 Ang(G) karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya. Ang makasalana'y pinagtatrabaho niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang ito sa gusto niyang pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan,[i] tulad lang ng paghahabol sa hangin.
Footnotes
- Mangangaral 2:1 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:2 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:11 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:15 wala ring kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:17 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:19 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:21 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:23 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
- Mangangaral 2:26 walang kabuluhan: o kaya'y isang palaisipan .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.