Add parallel Print Page Options

Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)

27 May ilang Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) 28 Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.[a] 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. 30-31 Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat na walang anak sa babae. 32 At kinalaunan, namatay din ang babae. 33 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?” 34 Sumagot si Jesus, “Ang mga tao sa panahong ito ay nag-aasawa. 35 Ngunit ang mga taong mamarapatin ng Dios na mabuhay muli sa panahong darating ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay dahil matutulad na sila sa mga anghel. Silaʼy mga anak ng Dios dahil muli silang binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling bubuhayin ang mga patay. Sapagkat nang naroon siya sa nagliliyab na mababang punongkahoy, tinawag niya ang Panginoon na ‘Dios nina Abraham, Isaac at Jacob.’[b] 38 Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay, para sa kanya ang lahat ay buhay.” 39 Sinabi ng ilang tagapagturo ng Kautusan, “Guro, mahusay ang sagot ninyo.” 40 At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.

Ang Tanong tungkol sa Cristo(B)

41 Ngayon, si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Bakit sinasabi ng mga tao na ang Cristo raw ay lahi lang ni David? 42 Samantalang si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Salmo,

    ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    Maupo ka sa aking kanan
43 hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’[c]

44 Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano masasabing lahi lang siya ni David?”

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(C)

45 Habang nakikinig kay Jesus ang mga tao, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang lumibot na nakasuot ng espesyal na damit.[d] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa matataong lugar. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 47 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 20:28 Deu. 25:5.
  2. 20:37 Exo. 3:6.
  3. 20:43 Salmo 110:1.
  4. 20:46 espesyal na damit: sa literal, mahabang damit.