Add parallel Print Page Options

Nakilala ni Zaqueo si Jesus

19 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at siya'y mayaman. Sinikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil siya'y pandak. Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, “Zaqueo, bumabâ ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.”

Nagmamadaling bumabâ si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” sabi nila.

Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses.”

At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang(A) Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw.”

Ang Talinghaga ng Salaping Ginto(B)

11 Habang(C) ang mga tao ay nakikinig, nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita at isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na darating na agad ang kaharian ng Diyos. 12 Kaya't sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang siya'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. 13 Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi.[a] Sinabi niya sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.’ 14 Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.’ 15 Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari.

“Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, ‘Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.’ 17 ‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, ‘Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19 At sinabi niya sa alipin, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. 21 Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.’ 22 Sinagot siya ng hari, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lamang idineposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.’ 24 At sinabi niya sa mga naroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ 25 ‘Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,’ sabi nila. 26 ‘Sinasabi(D) ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!’”

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(E)

28 Pagkasabi(F) nito, nauna si Jesus papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo'y matatagpuan ninyo ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon.”

32 Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”

34 “Kailangan po ito ng Panginoon,” tugon nila.

35 Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila. 36 Habang siya'y nakasakay sa asno, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. 37 Nang siya'y malapit na sa lungsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. 38 Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!”

39 Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin ninyo ang inyong mga alagad.”

40 Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.”

Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem

41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”

Si Jesus sa Templo(G)

45 Pumasok si Jesus sa Templo at sinimulang ipagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi(H) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”

47 Araw-araw,(I) si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.

Footnotes

  1. Lucas 19:13 GINTONG SALAPI: Ang katumbas na halaga ng salaping ito ay humigit-kumulang sa tatlong buwang sahod ng isang karaniwang manggagawa.

Si Jesus at si Zaqueo

19 Pumasok at nagdaan si Jesus sa Jerico. May isang lalaki doon na ang pangalan ay Zaqueo. Siya ay pinuno ng mga maniningil ng buwis at mayaman. Sinisikap niyang makita kung sino si Jesus, subalit dahil sa dami ng tao ay hindi niya ito makita sapagkat siya ay pandak. Kaya't patakbo siyang nauna at umakyat sa puno ng sikomoro, sapagkat si Jesus ay malapit nang dumaan doon. Pagdating ni Jesus sa tapat niyon, tumingala siya at sinabi kay Zaqueo, “Zaqueo, dalian mo, bumaba ka sapagkat ngayo'y kailangan kong tumuloy sa iyong bahay.” Kaya't nagmamadaling bumaba si Zaqueo at tuwang-tuwang pinatuloy si Jesus sa kanyang bahay. Ang lahat ng nakakita nito ay nagsimulang magbulungan, “Pumasok siya upang maging panauhin sa bahay ng isang makasalanan.” Tumayo si Zaqueo at sinabi sa Panginoon, “Panginoon, masdan po ninyo, ibibigay ko sa mahihirap ang kalahati ng aking pag-aari. At kung mayroon man akong dinaya, ibabalik ko iyon nang apat na ulit.” At sinabi sa kanya ni Jesus, “Sa araw na ito, ang kaligtasan ay dumating sa bahay na ito, sapagkat ang taong ito ay anak din ni Abraham. 10 Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”

Ang Talinghaga ng Sampung Gintong Salapi(A)

11 Habang pinakikinggan nila ang mga ito, isinalaysay pa ni Jesus ang isang talinghaga, sapagkat malapit na siya sa Jerusalem at inaakala nilang ang paghahari ng Diyos ay kaagad mahahayag. 12 Kaya sinabi niya, “Isang maharlikang tao ang pumunta sa malayong lugar upang maging hari, at pagkatapos ay bumalik. 13 Bago umalis, tinawag niya ang sampu niyang alipin, binigyan ang mga ito ng gintong salapi[a] at sinabi sa kanila, ‘Gamitin ninyo ito sa negosyo hanggang sa aking pagbabalik.’ 14 Ngunit kinapootan naman siya ng mga mamamayan at nagsugo ang mga ito ng kinatawan na nagsabing, ‘Ayaw naming maging hari ang taong ito.’ 15 At nang sumapit ang kanyang pagbabalik pagkatapos niyang maging hari, pinatawag niya ang kanyang mga aliping binigyan niya ng salapi upang alamin kung ano ang tinubo nila sa pangangalakal. 16 At lumapit ang una na nagsabi, ‘Panginoon, ang inyong gintong salapi ay tumubo ng sampu.’ 17 Kaya sinabi niya sa kanya, ‘Magaling, mabuting alipin! Sapagkat naging tapat ka sa kaunti, mamahala ka sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Panginoon, tumubo ng lima ang inyong gintong salapi.’ 19 At sinabi rin niya rito, ‘Ikaw naman, mamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi na aking ibinalot sa panyo. 21 Sapagkat natakot po ako sa inyo dahil kayo ay isang taong mahigpit. Kinukuha ninyo ang hindi ninyo itinabi, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’ 22 Sumagot ang hari, ‘Masamang alipin! Sa iyong bibig na rin nanggaling ang aking hatol sa iyo. Alam mo na palang ako ay mahigpit, na kinukuha ko ang hindi ko itinabi at inaani ko ang hindi ko itinanim, 23 bakit hindi mo man lang inilagay sa bangko ang salapi? Nang sa gayon, sa aking pagbabalik ay kumita man lang ako sa tubo nito.’ 24 At sinabi niya sa mga nakatayo roon, ‘Kunin ninyo sa taong ito ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ 25 Sinabi nila sa kanya, ‘Panginoon, mayroon na po siyang sampu.’ 26 ‘Sinasabi ko sa inyo, bibigyan pa ang sinumang mayroon na, ngunit ang wala, kahit ang nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa aking mga kaaway na ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sila sa aking harapan.’ ”

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(B)

28 Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus sa pag-akyat sa Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Betfage at Betania, sa lugar na tinatawag na Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa sa mga alagad. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok ninyo roo'y makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali na hindi pa nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 31 Kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo kinakalagan iyan?’ ganito ang sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon.’ ” 32 Sumunod ang mga inutusan, at natagpuan nga nila ang asno ayon sa sinabi sa kanila. 33 Habang kinakalagan nila ang batang asno ay tinanong sila ng may-ari nito, “Bakit ninyo kinakalagan ang batang asno?” 34 Kaya't sinabi nila, “Kailangan ito ng Panginoon.” 35 Dinala nila ang batang asno kay Jesus at matapos ilagay sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya ay pinasakay nila dito. 36 Samantalang siya'y nakasakay sa batang asno, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang damit sa daan. 37 Nang malapit na siya sa daan pababa sa Bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming mga alagad ay nagsimulang magsaya at magpuri sa Diyos nang pasigaw tungkol sa nasaksihan nilang mga kababalaghan. 38 Sinabi nila,

“Pinagpala ang Haring dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Kapayapaan sa langit at luwalhati sa kataas-taasan.”

39 Ilan sa mga Fariseo na nasa karamihan ay nagsabi sa kanya, “Guro! Sawayin mo ang iyong mga alagad.” 40 Ngunit sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo, kung tatahimik ang mga ito, magsisigawan ang mga bato.” 41 Nang papalapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung alam mo lang sana sa araw na ito kung ano ang magdudulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ngayon, itinago ang mga ito sa iyong mga mata. 43 Sapagkat darating sa iyo ang mga araw na magtatayo ng moog ang iyong mga kaaway at palilibutan ka nila at lulusubin ka nila sa bawat panig. 44 Ibabagsak ka nila sa lupa, ikaw at ang iyong mga anak na nasa iyo. Wala silang ititirang bato na nasa ibabaw ng ibang bato; sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo ng Diyos.”

Nilinis ni Jesus ang Templo(C)

45 Pumasok si Jesus sa templo, at sinimulan niyang itaboy ang mga nagtitinda roon. 46 Sinasabi niya sa kanila, “Nasusulat,

‘Ang tahanan ko ay magiging bahay-dalanginan;’
    ngunit ginawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”

47 Araw-araw siyang nangangaral sa templo. Sinikap siyang patayin ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan, 48 ngunit wala silang matagpuang paraan upang maisagawa ito sapagkat ang mga tao ay nakatuon sa pakikinig sa kanya.

Footnotes

  1. Lucas 19:13 Sa Griyego, mina, ang katumbas ay humigit-kumulang sa tatlong buwang sahod ng isang karaniwang manggagawa.