Lucas 19
Magandang Balita Biblia
Nakilala ni Zaqueo si Jesus
19 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. 2 May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at siya'y mayaman. 3 Sinikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil siya'y pandak. 4 Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. 5 Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, “Zaqueo, bumabâ ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.”
6 Nagmamadaling bumabâ si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. 7 Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” sabi nila.
8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses.”
9 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang(A) Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw.”
Ang Talinghaga ng Salaping Ginto(B)
11 Habang(C) ang mga tao ay nakikinig, nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita at isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na darating na agad ang kaharian ng Diyos. 12 Kaya't sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang siya'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. 13 Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi.[a] Sinabi niya sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.’ 14 Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.’ 15 Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari.
“Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, ‘Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.’ 17 ‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, ‘Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19 At sinabi niya sa alipin, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. 21 Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.’ 22 Sinagot siya ng hari, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lamang idineposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.’ 24 At sinabi niya sa mga naroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ 25 ‘Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,’ sabi nila. 26 ‘Sinasabi(D) ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!’”
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(E)
28 Pagkasabi(F) nito, nauna si Jesus papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo'y matatagpuan ninyo ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon.”
32 Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”
34 “Kailangan po ito ng Panginoon,” tugon nila.
35 Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila. 36 Habang siya'y nakasakay sa asno, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. 37 Nang siya'y malapit na sa lungsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. 38 Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!”
39 Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin ninyo ang inyong mga alagad.”
40 Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.”
Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem
41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”
Si Jesus sa Templo(G)
45 Pumasok si Jesus sa Templo at sinimulang ipagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi(H) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”
47 Araw-araw,(I) si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Footnotes
- Lucas 19:13 GINTONG SALAPI: Ang katumbas na halaga ng salaping ito ay humigit-kumulang sa tatlong buwang sahod ng isang karaniwang manggagawa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.