Add parallel Print Page Options

Magsisi Upang Hindi Mapahamak

13 Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.”

Ang Talinghaga ng Puno ng Igos

Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito. “May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.’”

Pinagaling ni Jesus ang Babaing Kuba

10 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga. 11 May isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya'y nakukuba at hindi na makaunat. 12 Nang siya'y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Malaya ka na sa iyong karamdaman.” 13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y nakatayo siya nang tuwid at nagpuri sa Diyos.

14 Ngunit(A) nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't sinabi ng tagapamahala sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang kayo'y magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang pagalingin at huwag sa Araw ng Pamamahinga.”

15 Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit sa Araw ng Pamamahinga? 16 Ang anak na ito ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Hindi ba dapat siyang kalagan kahit na sa Araw ng Pamamahinga?” 17 Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Jesus dahil sa isinagot niya. Natuwa naman ang mga tao dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.

Ang Talinghaga ng Buto ng Mustasa(B)

18 Sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? 19 Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpugad sa mga sanga nito.”

Ang Talinghaga ng Pampaalsa(C)

20 Sinabi pa ni Jesus, “Saan ko ihahambing ang kaharian ng Diyos? 21 Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina,[a] kaya't umalsa ang buong masa.”

Ang Makipot na Pintuan(D)

22 Habang nagpapatuloy si Jesus papuntang Jerusalem, siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan. 23 Minsan may nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?”

Sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag tumayo na ang pinuno ng sambahayan at isinara na ang pinto, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Ngunit sasabihin niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26 Sasabihin naman ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Sasagot(E) naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Iiyak(F)(G) kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! 29 Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Tunay(H) ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”

Ang Pagmamahal ni Jesus para sa Jerusalem(I)

31 Dumating noon ang ilang Pariseo at sinabi nila kay Jesus, “Umalis na kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.”

32 Subalit sumagot siya, “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon na nagpapalayas pa ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga maysakit. Gayundin ang gagawin ko bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. 33 Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta.

34 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinusugo sa iyo!

Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. 35 Kaya't(J) pababayaan nang lubusan ang iyong Templo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”

Footnotes

  1. Lucas 13:21 TATLONG TAKAL NA HARINA: Ang katumbas na timbang ng tatlong takal na harinang ito ay halos apatnapung litro.