Add parallel Print Page Options

Ang Turo Tungkol sa Panalangin(A)

11 Minsan ay nananalangin si Jesus sa isang lugar. Pagkatapos niyang manalangin, sinabi sa kanya ng isa sa mga tagasunod niya, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa mga tagasunod niya.”

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag nananalangin kayo, ganito ang sabihin ninyo:

    ‘Ama, sambahin nawa kayo ng mga tao.[a]
    Nawaʼy magsimula na ang inyong paghahari.
Bigyan nʼyo po kami ng makakain sa araw-araw.
At patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan,
    dahil pinapatawad din namin ang mga nagkakasala sa amin.
    At huwag nʼyo kaming hayaang matukso.’ ”

Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Halimbawa, pumunta kayo sa kaibigan ninyo isang hatinggabi at sinabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiram naman diyan ng tatlong tinapay, dahil dumating ang isang kaibigan ko na galing sa paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’ Sasagot ang kaibigan mo mula sa loob ng bahay, ‘Huwag mo na akong istorbohin. Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng mga anak ko. Hindi na ako makakabangon pa para bigyan ka ng kailangan mo.’ Ang totoo, kahit ayaw niyang bumangon at magbigay sa inyo sa kabila ng inyong pagkakaibigan, babangon din siya at magbibigay ng kailangan ninyo dahil sa inyong pagpupumilit. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo sa Dios, at bibigyan niya kayo. Hanapin ninyo sa kanya ang inyong hinahanap, at makikita ninyo. Kumatok kayo sa kanya, at pagbubuksan kayo. 10 Sapagkat ang lahat ng humihingi ay nakakatanggap; ang naghahanap ay nakakakita; at ang kumakatok ay pinagbubuksan. 11 Kayong mga magulang,[b] kung ang anak nʼyo ay humihingi ng isda, ahas ba ang ibibigay ninyo? 12 At kung humihingi siya ng itlog, alakdan ba ang ibibigay ninyo? 13 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kanya.”

Si Jesus at si Satanas(B)

14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang masamang espiritu na sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki. Nang lumabas na ang masamang espiritu, nakapagsalita ang lalaki. Namangha ang mga tao. 15 Pero may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Satanas[c] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 16 Ang iba naman ay gustong subukin si Jesus, kaya hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[d] bilang patunay na sugo siya ng Dios. 17 Pero alam niya ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakawatak-watak at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away. 18 Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, paano mananatili ang kaharian niya? Tinatanong ko ito sa inyo dahil sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas.[e] 19 Kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay sa mga tagasunod ninyo ng kapangyarihang makapagpalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang makakapagpatunay na mali kayo. 20 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.

21 “Kung ang isang taong malakas at armado ang nagbabantay sa kanyang bahay, ligtas ang mga ari-arian niya. 22 Pero kapag sinalakay siya ng isang taong mas malakas kaysa sa kanya, matatalo siya, at kukunin nito ang mga armas na inaasahan niya at ipapamahagi ang mga ari-arian niya.

23 “Ang hindi kumakampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa pagtitipon ko ay nagkakalat.”

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(C)

24 “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar para maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan ay iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. 25 Kung sa pagbabalik niya ay makita niyang malinis at maayos ang lahat, 26 aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati.”

Ang Tunay na Mapalad

27 Nagsasalita pa si Jesus nang biglang sumigaw ang isang babae sa gitna ng karamihan, “Mapalad ang babaeng nagsilang at nagpasuso sa inyo!” 28 Pero sumagot si Jesus, “Higit na mapalad ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios.”

Humingi ng Himala ang mga Tao(D)

29 Nang lalo pang dumarami ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng henerasyong ito. Humihingi sila ng himala, pero walang ipapakita sa kanila maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Jonas. 30 Kung paanong naging palatandaan si Jonas sa mga taga-Nineve, ganoon din ako na Anak ng Tao sa henerasyong ito. 31 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[f] ang Reyna ng Timog[g] at ipapamukha sa henerasyong ito ang kanilang kasalanan. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar upang makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang isang nakahihigit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya. 32 Maging ang mga taga-Nineve ay tatayo rin at hahatulan ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang isang nakahihigit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw ninyong magsisi.”

Ang Ilaw ng Katawan(E)

33 “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay itatago o tatakpan ng takalan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan upang magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 34 Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang mata mo, maliliwanagan ang buo mong katawan. Pero kung malabo ang mata mo, madidiliman ang buo mong katawan. 35 Kaya tiyakin mong naliwanagan ka, dahil baka ang liwanag na inaakala mong nasa sa iyo ay kadiliman pala. 36 Kung naliwanagan ang buo mong katawan, at walang bahaging nadiliman, magiging maliwanag ang lahat, na parang may ilaw na lumiliwanag sa iyo.”

Tinuligsa ni Jesus ang mga Pariseo at mga Tagapagturo ng Kautusan(F)

37 Pagkatapos magsalita ni Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa kanila. Kaya pumunta si Jesus at kumain. 38 Nagtaka ang Pariseo nang makita niyang hindi muna naghugas ng kamay si Jesus bago kumain ayon sa seremonya ng mga Judio. 39 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, pero ang loob ninyoʼy punong-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga mangmang! Hindi baʼt ang Dios na gumawa ng labas, ang siya ring gumawa ng loob? 41 Para maging malinis kayo, kaawaan ninyo ang mga mahihirap at tulungan nʼyo sila sa kanilang pangangailangan.

42 “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Ibinibigay nga ninyo ang ikapu[h] ng mga pampalasa[i] at mga gulay ninyo, pero kinakaligtaan naman ninyo ang makatarungan na pakikitungo sa kapwa at ang pag-ibig sa Dios. Magbigay kayo ng mga ikapu ninyo, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mas mahalagang bagay.

43 “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Mahilig kayong umupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan. At gustong-gusto ninyong batiin kayo at igalang sa matataong lugar. 44 Nakakaawa kayo! Sapagkat para kayong mga libingang walang palatandaan at nilalakaran lamang ng mga tao nang hindi nila nalalaman.”

45 Sinagot si Jesus ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, pati kami ay iniinsulto mo sa sinabi mong iyan.” 46 Sumagot si Jesus, “Nakakaawa rin kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Sapagkat pinapahirapan ninyo ang mga tao sa inyong mahihirap na kautusan, pero kayo mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. 47 Nakakaawa kayo! Pinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Kaya kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa nila. Sapagkat pinatay nila ang mga propeta, at kayo naman ang nagpapaayos ng mga libingan nila. 49 Kaya ito ang sinabi ng Dios ayon sa karunungan niya, ‘Magpapadala ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; papatayin nila ang ilan sa mga ito at uusigin ang iba.’ 50 Kaya mananagot ang henerasyong ito sa pagkamatay ng mga propeta ng Dios mula nang likhain ang mundo – 51 mula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng altar[j] at ng templo. Oo, tinitiyak ko sa inyo na parurusahan ang henerasyong ito dahil sa ginawa nila.

52 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Sapagkat kinuha nʼyo sa mga tao ang susi sa pag-unawa ng katotohanan. Ayaw na nga ninyong sumunod sa katotohanan, hinahadlangan pa ninyo ang mga gustong sumunod.”

53 Umalis si Jesus sa bahay na iyon. At mula noon, matindi na ang pambabatikos sa kanya ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan. Pinagtatanong siya tungkol sa maraming bagay, 54 upang siya ay mahuli nila sa kanyang pananalita.

Footnotes

  1. 11:2 sambahin … mga tao: sa literal, sambahin ang pangalan mo.
  2. 11:11 magulang: sa literal, ama.
  3. 11:15 Satanas: sa Griego, Beelzebul. Ganito rin sa talatang 18.
  4. 11:16 mula sa Dios: Sa literal, mula sa langit.
  5. 11:18 Tingnan ang “footnote” sa talatang 15.
  6. 11:31 tatayo: o, muling mabubuhay.
  7. 11:31 Reyna ng Timog Siya ang reyna ng Sheba ayon sa 1 Hari 10.
  8. 11:42 ikapu: sa Ingles, “tenth o tithe.”
  9. 11:42 pampalasa: Ang dalawang salitang ginamit sa Griego ay tumutukoy sa dalawang uri ng tanim na pampalasa sa pagkain.
  10. 11:51 altar: Ang pinagsusunugan ng mga handog sa Dios.