Levitico 25
Magandang Balita Biblia
Ang Taon ng Pamamahinga(A)
25 Sinabi(B) pa ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa Bundok ng Sinai, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na pagpasok nila sa lupaing ibinigay ko sa inyo, pati ang lupain ay pagpapahingahin tuwing ikapitong taon upang parangalan si Yahweh. 3 Anim na taon ninyong tatamnan ang inyong bukirin at aalagaan ang mga ubasan. 4 Ang ikapitong taon ay taon ng lubos na pamamahinga ng lupain, isang taóng nakatalaga para kay Yahweh. Huwag ninyong tatamnan sa taóng iyon ang inyong bukirin 5 at huwag pipitasan ang mga punong ubas na hindi naalagaan. 6 Ang lahat ng maaani roon ay para sa lahat: sa inyo, sa inyong mga alipin, sa mga bayarang manggagawa, sa mga dayuhan, 7 sa inyong mga kawan at iba pang mga hayop.
Ang Taon ng Paglaya
8 “Bibilang kayo ng pitong tigpipitong taon, bale apatnapu't siyam na taon. 9 Pagkalipas nito, sa ikasampung araw ng ikapitong buwan na siyang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan, hihipan nang malakas ang trumpeta sa buong lupain. 10 Sa ganitong paraan, itatangi ninyo ang ikalimampung taon; ipahahayag ninyong malaya ang lahat sa buong lupain. Ito ay inyong Taon ng Paglaya; ang alipin ay babalik sa kanyang sariling tahanan at ang lupaing naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 11 Sa buong taóng iyon, huwag kayong magtatanim sa inyong bukirin. Huwag din ninyong aanihin ang bunga ng mga punong ubas na hindi naalagaan. 12 Sapagkat ito'y taon ng pagdiriwang at ito ay sagrado para sa inyo. Ang inyong kakainin ay ang mga halaman na kusang tumubo sa bukid.
13 “Sa taóng iyon, ang lahat ng ari-ariang naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 14 Kaya't kung magbebenta kayo o bibili sa inyong kapwa, huwag kayong mandaraya. 15 Magbabayad kayo ayon sa dami ng taon mula sa huling taon ng paglaya, at magbebenta naman ayon sa dami ng taon ng pamumunga bago dumating ang kasunod na Taon ng Paglaya. 16 Kung matagal pa, mataas ang halaga; kung iilang taon na lamang, mas mababa ang halaga sapagkat ang batayan ay ang dami ng maaani sa lupa. 17 Huwag kayong magdadayaan; sa halip ay matakot kayo sa akin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
18 “Kaya iingatan ninyo ang mga tuntunin at inyong tutuparin ang aking mga utos, upang kayo'y manatiling matatag sa lupaing pupuntahan ninyo. 19 Sa gayon, mag-aani kayo nang sagana; hindi kayo magugutom at magiging tiwasay ang pamumuhay ninyo sa lupaing iyon. 20 Huwag kayong mag-alala sa kakainin ninyo sa ikapitong taon kung hindi kayo magtatanim. 21 Pasasaganain ko ang inyong ani tuwing ikaanim na taon, at magiging sapat iyon para sa tatlong taon. 22 Kayo'y magtatanim na sa ikawalong taon ngunit ang dati pa rin ninyong inani ang kakainin ninyo hanggang sa anihan ng ikasiyam na taon.
Paglaya ng Ari-arian
23 “Hindi ninyo maipagbibili nang lubusan ang lupain sapagkat iyon ay akin; pinatitirhan ko lamang sa inyo iyon. 24 Kaya, maipagbili man ang alinmang bahagi ng inyong lupain, iyon ay maaaring tubusin ng dating may-ari.
25 “Kung sa inyo'y may maghirap at mapilitang magbenta ng kanyang ari-arian, iyon ay dapat tubusin agad ng pinakamalapit niyang kamag-anak. 26 Kung wala siyang kamag-anak na makakatubos niyon, siya na rin ang tutubos kapag umunlad uli ang kanyang kabuhayan. 27 Ibabalik niya sa bumili ang katumbas na halaga ng nalalabing taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa gayon, maibabalik sa kanya ang kanyang ari-arian. 28 Ngunit kung wala pa siyang sapat na pantubos, mananatili iyon sa bumili hanggang sa Taon ng Paglaya, at sa taóng iyon, ang ari-arian niya'y ibabalik sa kanya nang walang bayad.
29 “Kung may magbenta ng kanyang bahay na nasa loob ng lunsod na napapaderan, matutubos niya iyon sa loob ng isang taon. 30 Kung hindi niya matubos iyon sa loob ng isang taon, ang bahay ay magiging lubos nang pag-aari ng nakabili kahit sumapit pa ang Taon ng Paglaya. 31 Ang mga ipinagbiling bahay sa labas ng lunsod na napapaderan ay tulad ng lupang ipinagbili na maaaring matubos o kaya'y maisauli pagdating ng Taon ng Paglaya. 32 Ngunit ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita, na kanilang ipinagbili ay maaari nilang tubusin kahit kailan. 33 Kung ayaw gamitin ng isang Levita ang karapatang ito, maibabalik iyon sa kanya pagdating ng Taon ng Paglaya kung ito'y nasa kanyang lunsod. Sapagkat ang mga gusaling tulad nito, ay lubos na pag-aari ng mga Levita, bilang kanilang bahagi sa bansang Israel. 34 Ngunit ang mga pastulan sa palibot ng kanilang mga lunsod ay hindi maaaring ipagbili, sapagkat iyo'y pag-aari nila magpakailanman.
Pagpapautang sa Mahihirap
35 “Kung(C) ang isang kababayan ninyo ay naghirap at hindi na niya kayang buhayin ang sarili, kupkupin ninyo siya tulad ng isang dayuhang nakikipamayan sa inyo. 36 Huwag ninyo siyang patutubuan kung siya'y mangutang sa inyo. Matakot kayo sa Diyos, at hayaan ninyo itong mabuhay na kasama ninyo. 37 Huwag(D) ninyong patutubuan ang pera o pagkaing inutang niya sa inyo. 38 Ako si Yahweh, ang inyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa Egipto upang ibigay sa inyo ang Canaan at upang maging Diyos ninyo.
Paglaya ng mga Alipin
39 “Kung(E) dahil sa labis na kahirapan ay mapilitan ang isang Israelita na ipagbili sa inyo ang kanyang sarili, huwag ninyo siyang ituturing na alipin. 40 Ituring ninyo siyang katulong o dayuhang upahan, at maglilingkod siya sa inyo hanggang sumapit ang Taon ng Paglaya. 41 Pagdating ng panahong iyon, palalayain ninyo siya pati ang kanyang mga anak upang bumalik sa kanyang pamilya at ari-arian. 42 Akong si Yahweh ang naglabas sa kanila sa Egipto; hindi sila dapat ipagbili upang maging alipin. 43 Huwag ninyo silang pagmamalupitan; matakot kayo sa Diyos. 44 Kung kailangan ninyo ng aliping lalaki o babae, doon kayo bumili sa mga bansa sa inyong paligid. 45 Maaari ninyong bilhin bilang alipin ang mga anak ng mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 46 Maaari ninyo silang ipamigay sa inyong mga anak at maaari rin ninyo silang gawing alipin, ngunit huwag ninyong aalipinin o pagmamalupitan ang kapwa ninyo Israelita.
47 “Kung dahil sa labis na kahirapan at mapilitan ang isang Israelita na ipagbili ang kanyang sarili sa isang dayuhang mayaman, 48 siya ay may karapatang lumaya. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid, 49 amain, pinsan, kamag-anak o siya mismo kung kaya na niya. 50 Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay kukuwentahin mula nang bilhin siya hanggang sa Taon ng Paglaya, at ang itutubos sa kanya ay katumbas ng sweldo ng isang manggagawa. 51 Kung matagal pa ang Taon ng Paglaya, malaki ang pagbabayaran ng tutubos. 52 Ngunit maliit lamang kung malapit na ang panahong iyon, sapagkat ang itutubos sa kanya ay batay sa dami ng taon na dapat pa niyang ipaglingkod. 53 Ituturing siyang bayarang manggagawa sa panahon ng kanyang paglilingkod ngunit hindi siya maaaring pagmalupitan. 54 Kung hindi siya matubos sa mga paraang nabanggit, siya at ang mga anak niya ay palalayain pagsapit ng Taon ng Paglaya, 55 sapagkat alipin ko ang mga Israelita, at ako ang nagpalaya sa kanila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.