Levitico 21
Magandang Balita Biblia
Pag-iingat sa Kabanalan ng Pari
21 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga pari, sa mga anak ni Aaron, na ang sinuman sa kanila'y huwag lalapit sa patay, 2 liban na lang kung ang patay ay kanyang ama, ina, anak, kapatid na lalaki 3 o kapatid na dalaga na kasama niya sa bahay. 4 Dapat niyang pag-ingatan na siya'y huwag marumihan sa pamamagitan ng bangkay ng kanyang mga kamag-anak sa asawa upang hindi malapastangan ang kanyang pagiging pari.
5 “Huwag(A) silang magpapakalbo, magpuputol ng balbas, o maghihiwa sa sarili upang ipakita lamang na sila'y nagluluksa. 6 Ingatan nilang malinis ang kanilang sarili sa harapan ng Diyos at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng Diyos. Sila ang naghahain ng handog sa akin, kaya dapat silang maging banal. 7 Huwag silang mag-aasawa ng babaing nagbebenta ng aliw sa mga sagradong lugar, o kaya'y babaing hiniwalayan at pinalayas ng kanilang asawa, sapagkat nakalaan sa Diyos ang mga pari. 8 Ituring ninyong banal ang pari sapagkat siya ang naghahandog ng pagkain sa akin; dapat siyang maging banal sapagkat akong si Yahweh ay banal kaya't ginawa ko kayong banal. 9 Kung ang babaing anak ng pari ay mamuhay nang may kahalayan, nilapastangan niya ang kanyang ama, kaya dapat siyang sunugin.
10 “Kung ang nahirang na pinakapunong pari, na binuhusan ng langis sa ulo at itinalagang magsuot ng sagradong kasuotan, ay mamatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. 11 Hindi siya maaaring lumapit sa patay kahit ito'y kanyang ama o ina. 12 Dapat siyang manatili sa santuwaryo ng kanyang Diyos. Kapag umalis siya roon upang tingnan ang bangkay, nilapastangan na niya ang santuwaryo ng Diyos dahil nakalaan na siya sa Diyos. Ako si Yahweh. 13 Isang birhen ang dapat mapangasawa ng pinakapunong pari. 14 Hindi siya dapat mag-aasawa ng balo, hiwalay sa asawa, dalagang nadungisan na ang puri o babaing nagbebenta ng aliw. Ang dapat niyang mapangasawa'y isang kalahi at wala pang nakakasiping, 15 upang huwag magkaroon ng kapintasan sa harapan ng bayan ang magiging mga anak niya. Ako si Yahweh; inilaan ko siya para sa akin.”
16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 17 “Sabihin mo rin kay Aaron na ang sinuman sa lahi niya na may kapintasan o kapansanan ay hindi kailanman nararapat mag-alay ng handog sa akin. 18 Hindi maaaring lumapit sa altar ang sinumang bulag, pilay, may sira ang mukha, at may kapansanan sa katawan, 19 may bali sa paa o kamay, 20 may depekto sa mata, may sakit sa balat, kuba, unano, o isang kapon. 21 Sinumang may kapintasan sa lahi ni Aaron ay hindi maaaring maghandog kay Yahweh. Hindi nga siya maaaring maghain ng pagkaing handog dahil sa kanyang kapintasan. 22 Maaari siyang kumain ng anumang handog sa Diyos, maging ito'y ganap na sagradong handog o sagradong handog, 23 ngunit hindi siya maaaring lumapit sa altar dahil sa kanyang kapintasan. Kapag lumapit siya sa altar, iyon ay paglapastangan sa aking santuwaryo. Ako si Yahweh, ginawa kong banal ang mga iyon.”
24 Gayon nga ang sinabi ni Moises kay Aaron, sa mga anak nito at sa buong Israel.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.