Levitico 10
Magandang Balita Biblia
Ang Kasalanan nina Nadab at Abihu
10 Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kumuha ng sunugan ng insenso, nilagyan nila ito ng apoy at nagsunog ng insenso at humarap kay Yahweh. Ngunit gumamit sila ng apoy na hindi nararapat, sapagkat hindi ito iyong iniutos sa kanila ni Yahweh. 2 Kaya't mula kay Yahweh ay lumabas ang apoy at tinupok sila. 3 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang kahulugan ng sinabi ni Yahweh: ‘Dapat akong kilalaning banal ng sinumang lumalapit sa akin at dapat akong parangalan sa harapan ng mga tao.’” Hindi nakaimik si Aaron.
4 Kaya't ipinatawag ni Moises sina Misael at Elzafan, mga anak ni Uziel na tiyo ni Aaron at sinabi sa kanila, “Alisin ninyo sa harap ng santuwaryo ang bangkay ng inyong mga pinsan at ilabas ninyo sa kampo.” 5 Lumapit ang dalawa at inilabas nga nila ang mga bangkay na suot pa rin ang kanilang mahabang panloob na kasuotan.
6 Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak nitong sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guluhin ang inyong buhok ni punitin man ang inyong damit bilang pagluluksa dahil sa nangyari kung ayaw ninyong mamatay at magalit ang Diyos sa mga tao. Ngunit sila'y maaaring ipagluksa ng bayan dahil sa kanilang sinapit. 7 Huwag kayong lalayo sa pintuan ng Toldang Tipanan sapagkat kayo ay itinalaga na ng langis ni Yahweh. Baka kayo ay mamatay kapag di kayo sumunod.” At sinunod naman nila ang iniutos ni Moises.
Mga Tuntunin tungkol sa Pagkain ng mga Pari
8 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, 9 “Kung ikaw at ang iyong mga anak ay pupunta sa Toldang Tipanan, huwag kayong iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Mamamatay kayo kapag ginawa ninyo iyon. Ito ay tuntunin na dapat tuparin ng lahat ng inyong salinlahi. 10 Dapat ninyong malaman kung alin ang sagrado o hindi at kung alin ang malinis o marumi. 11 Ang lahat ng iniuutos ko kay Moises ay dapat ninyong ituro sa sambayanang Israel.”
12 Sinabi(A) ni Moises kay Aaron at sa dalawa pang anak niyang natitira, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natira sa handog na pagkaing butil kay Yahweh at gawing tinapay na walang pampaalsa. Kakainin ninyo ito sa tabi ng altar sapagkat ito'y ganap na sagrado. 13 Kakainin ninyo ito sa isang banal na lugar sapagkat ito ang bahaging para sa inyo at sa inyong mga anak na lalaki mula sa pagkaing inihandog kay Yahweh. Ito ang iniutos niya sa akin. 14 Ngunit(B) ang dibdib at hita ng handog na susunugin ay para sa iyo at sa iyong mga anak na lalaki at babae. Kakainin ninyo iyon sa isang sagradong lugar ayon sa tuntunin sapagkat iyo'y kaloob sa inyo bilang bahagi mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita. 15 Ang dibdib at ang hitang binanggit ay dadalhin nila sa altar kasama ng mga tabang susunugin at iaalay bilang natatanging handog kay Yahweh. Pagkatapos, ito'y ibibigay sa inyo. Ang tuntunin na ito ay panghabang panahon, ayon sa utos ni Yahweh.”
16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan, natuklasan niyang iyo'y nasunog na. Nagalit siya kina Eleazar at Itamar at ang sabi, 17 “Bakit(C) hindi ninyo kinain sa banal na lugar ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan? Hindi ba ninyo alam na ganap na sagrado iyon at ibinigay sa inyo para kumatawan kayo sa buong bayan ng Israel sa harapan ni Yahweh upang sila'y patawarin niya sa kanilang kasalanan? 18 Sapagkat ang dugo niyon ay hindi dinala sa loob ng santuwaryo, dapat sana'y kinain ninyo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, gaya ng ipinag-utos ko.”
19 Ngunit sumagot si Aaron, “Sa araw na ito'y naghain sila ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin, ngunit ito pa ang aking sinapit. Kung ako ba'y kumain ngayon ng handog para sa kasalanan, ako ba'y magiging karapat-dapat sa paningin ni Yahweh?” 20 Sumang-ayon si Moises sa mga sinabing ito ni Aaron.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.