Add parallel Print Page Options

13 Ang matalinong anak ay nakikinig sa pagtutuwid ng kanyang ama, ngunit ang nangungutyang anak ay hindi nakikinig kapag sinasaway siya.
Ang taong nagsasalita ng mabuti ay gagantihan ng mabuting bagay, ngunit ang salita ng taong hindi tapat ay gagantihan ng karahasan.
Ang taong maingat sa pagsasalita ay nag-iingat ng kanyang buhay. Ngunit ang taong madaldal, dulot sa sarili ay kapahamakan.
Ang taong tamad hindi makukuha ang hinahangad, ngunit ang taong masipag ay magkakaroon ng higit pa sa kanyang hinahangad.
Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan, ngunit ang taong masama ay gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya.
Ang taong walang kapintasan ay iingatan dahil sa kanyang matuwid na pamumuhay, ngunit ang makasalanan ay mapapahamak dahil sa kanyang kasamaan.
May mga taong nagkukunwaring mayaman ngunit mahirap naman, at may mga nagkukunwaring mahirap ngunit mayaman naman.
Ang taong mayaman kapag dinukot ay may pantubos sa kanyang buhay, ngunit ang taong mahirap ni hindi man lang pinagtatangkaan.
Ang buhay ng taong matuwid ay parang ilaw na maliwanag, ngunit ang buhay ng masama ay parang ilaw na namatay.
10 Ang kayabangan ay humahantong sa kaguluhan at pagtatalo, ngunit ang nakikinig sa payo ay nagpapahiwatig ng karunungan.
11 Ang kayamanang nakuha sa pandaraya ay madaling nawawala, ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala.
12 Ang hangarin na naantala ay nakapanghihina, ngunit ang hangarin na natupad ay nakapagpapalakas at nakapagpapasigla.[a]
13 Ang taong tumatanggi sa turo at utos sa kanya ay mapapahamak, ngunit ang sumusunod dito ay gagantimpalaan.
14 Ang mga turo ng taong may karunungan ay magpapabuti at magpapahaba ng iyong buhay at mailalayo ka sa kamatayan.
15 Ang taong may mabuting pang-unawa ay iginagalang, ngunit ang taong taksil ay kapahamakan ang kahahantungan.
16 Ang taong marunong umunawa kung ano ang tama at mali ay pinag-iisipan muna ang isang bagay bago niya gawin, ngunit ang taong hangal ay hindi nag-iisip, ipinakikita niya ang kanyang kahangalan.
17 Ang masamang sugo ay lumilikha ng kaguluhan, ngunit ang mapagkakatiwalaang sugo ay nagpapabuti ng ugnayan.
18 Ang taong ayaw tumanggap ng pangaral ay dadanas ng kahirapan at kahihiyan, ngunit ang tumatanggap nito ay pararangalan.
19 Ang pangarap na natupad ay nagdudulot ng ligaya; subalit ang taong hangal ay hindi tumitigil sa paggawa ng masama.
20 Kapag ang lagi mong kasama ay isang taong marunong, magiging marunong ka rin, ngunit kung hangal ang lagi mong kasama ay mapapahamak ka.
21 Ang kapahamakan ay darating sa mga makasalanan saanman sila magpunta, ngunit ang mga matuwid ay gagantimpalaan ng mabubuting bagay.
22 Ang kayamanan ng mabuting tao ay mamanahin ng kanyang mga apo, ngunit ang kayamanan ng makasalanan ay mapupunta sa mga matuwid.
23 Umani man ng sagana ang lupain ng mahihirap, hindi rin sila makikinabang dito dahil sa hindi makatuwirang patakaran ng iba.
24 Ang mapagmahal na magulang ay nagdidisiplina ng kanyang anak. Sapagkat kung mahal mo ang iyong anak itutuwid mo ang kanyang ugali.
25 Ang taong matuwid ay makakakain ng sapat, ngunit ang masasama ay magugutom.

Footnotes

  1. 13:12 nakapagpapalakas at nakapagpapasigla: sa literal punongkahoy na nagbibigay ng buhay.