Kawikaan 12
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
12 Ang taong tumatanggap ng pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay nagnanais ng karunungan, ngunit ang taong ayaw tumanggap ay hangal.
2 Ang mabuting tao ay kinalulugdan ng Panginoon, ngunit ang taong nagpaplano ng masama ay kanyang pinarurusahan.
3 Ang taong gumagawa ng masama ay walang katatagan, ngunit ang taong matuwid ay matatag tulad ng isang punongkahoy na malalim ang ugat.
4 Ang mabuting maybahay ay kasiyahan at karangalan ng kanyang asawa, ngunit parang kanser sa buto ang nakakahiyang asawa.
5 Ang iniisip ng taong matuwid ay tama, ngunit ang mga payo ng taong masama ay pandaraya.
6 Ang salita ng taong masama ay nakamamatay, ngunit ang salita ng taong matuwid ay nakapagliligtas.
7 Mapapahamak at maglalaho ang mga taong masama, ngunit mananatili ang lahi ng mga taong matuwid.
8 Pinararangalan ang taong may karunungan, ngunit hinahamak ang taong masama ang kaisipan.
9 Mas mabuti ang taong simple pero kayang magbayad ng katulong kaysa sa taong nagkukunwaring mayaman ngunit kahit makain ay wala naman.
10 Ang taong matuwid ay mabait sa kanyang mga alagang hayop, ngunit ang taong masama ay malupit at walang awa sa kanyang mga hayop.
11 Ang magsasakang masipag ay laging sagana sa pagkain, ngunit ang walang sapat na pang-unawa ay nagsasayang ng oras sa mga walang kabuluhang gawain.
12 Ang taong masama ay laging kasamaan ang ginagawa, kaya hindi matatag ang kanyang kalagayan; ngunit ang taong matuwid ay matatag gaya ng punongkahoy na malalim ang ugat.
13 Ang kasamaang sinasabi ng taong masama ay nagdudulot sa kanya ng gulo, ngunit ang taong matuwid ay umiiwas sa gulo.
14 Ang bawat isa ay tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang sinabi o ginawa.
15 Ang akala ng hangal ay palagi siyang tama, ngunit ang taong marunong ay nakikinig sa payo.
16 Ang hangal ay madaling magalit kapag iniinsulto, ngunit ang taong may karunungan ay hindi pinapansin ang pang-iinsulto sa kanya.
17 Ang tapat na saksi ay nagsasabi ng katotohanan, ngunit ang hindi tapat na saksi ay nagsasabi ng kasinungalingan.
18 Ang pabigla-biglang salita ay nakakasugat ng damdamin, ngunit ang magandang salita ay nagpapagaling.
19 Ang katotohanan ay mananatili kailanman, ngunit hindi magtatagal ang kasinungalingan.
20 Pandaraya ang nasa puso ng mga taong nagbabalak ng masama, ngunit kagalakan ang nasa puso ng mga taong nagbabalak ng mabuti.
21 Walang mangyayaring masama sa taong matuwid, ngunit sa masama, pawang kaguluhan ang mararanasan.
22 Nasusuklam ang Panginoon sa mga nagsasabi ng kasinungalingan, ngunit nalulugod siya sa nagsasabi ng katotohanan.
23 Hindi ipinagyayabang ng taong marunong ang kanyang nalalaman, ngunit ang hangal ay ibinibida ang kanyang kahangalan.
24 Ang taong masipag ay magiging pinuno, ngunit ang tamad ay magiging alipin.
25 Nakapagpapalungkot sa tao ang kabalisahan, ngunit ang magandang pananalita ay kaaliwan.
26 Ginagabayan ng taong matuwid ang kanyang kaibigan, ngunit ililigaw ka ng taong masama.
27 Hindi makakamit ng taong tamad ang kanyang hinahangad, ngunit ang taong masipag maganda ang hinaharap.
28 Ang matuwid na pamumuhay ay patungo sa buhay, at maililigtas ka nito sa kamatayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®