Add parallel Print Page Options

Ang Pagkamatay ni Lazarus

11 1-2 May isang lalaki na ang pangalan ay Lazarus. Siya at ang mga kapatid niyang sina Maria at Marta ay nakatira sa Betania. Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan niya ng kanyang buhok. Nagkasakit si Lazarus, kaya nagpasabi ang magkapatid na babae kay Jesus na may sakit ang minamahal niyang kaibigan. Nang mabalitaan ito ni Jesus, sinabi niya, “Ang sakit na itoʼy hindi tungo sa kamatayan. Nagkasakit siya upang maparangalan ang Dios, at sa pamamagitan nitoʼy maparangalan din ang Anak ng Dios.”

Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazarus. Pero nang mabalitaan niyang may sakit si Lazarus, nanatili pa siya ng dalawang araw sa kinaroroonan niya. Pagkalipas ng dalawang araw, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Bumalik na tayo sa Judea.” Sumagot sila, “Guro, kamakailan lang ay tinangka kayong batuhin ng mga Judio. Bakit pa kayo babalik doon?” Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt may 12 oras sa maghapon? Kaya ang naglalakad sa araw ay hindi natitisod, dahil maliwanag pa. 10 Ngunit ang naglalakad sa gabi ay natitisod, dahil wala na sa kanya ang liwanag.” 11 Pagkatapos, sinabi pa ni Jesus, “Ang kaibigan nating si Lazarus ay natutulog. Pupunta ako roon upang gisingin siya.” 12 Sinabi ng mga tagasunod niya, “Panginoon, kung natutulog siya, gagaling pa siya.” 13 Ang akala nilaʼy natutulog lang si Lazarus, pero ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na ito. 14 Kaya tinapat sila ni Jesus, “Patay na si Lazarus. 15 Ngunit nagpapasalamat ako na wala ako roon, dahil ang gagawin kong himala sa kanya ay para sa kabutihan ninyo, upang lalo pa kayong sumampalataya sa akin.[a] Tayo na, puntahan natin siya.” 16 Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi sa mga kapwa niya tagasunod, “Sumama tayo sa kanya, kahit mamatay tayong kasama niya.”

Binuhay ni Jesus ang Patay

17 Nang dumating si Jesus sa Betania, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazarus. 18 May tatlong kilometro lang ang layo ng Betania sa Jerusalem, 19 kaya maraming Judio galing sa Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang marinig ni Marta na dumarating na si Jesus, sinalubong niya ito; pero si Maria ay naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung nandito kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Ngunit kahit ngayon, alam kong ibibigay sa inyo ng Dios ang anumang hilingin nʼyo sa kanya.” 23 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Muling mabubuhay ang kapatid mo.” 24 Sumagot si Marta, “Alam ko pong mabubuhay siyang muli sa huling araw, kapag bubuhayin na ang mga namatay.” 25 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako ang bumubuhay sa mga namatay, at ako rin ang nagbibigay ng buhay. Ang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay. 26 Ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?” 27 Sumagot si Marta, “Opo, Panginoon, sumasampalataya ako na kayo ang Cristo, ang Anak ng Dios, na hinihintay naming darating dito sa mundo.”

Umiyak si Jesus

28 Pagkasabi niya nito, bumalik si Marta sa bahay nila. Tinawag niya ang kapatid niyang si Maria at binulungan, “Narito na ang Guro, at ipinatatawag ka niya.” 29 Nang marinig ito ni Maria, dali-dali siyang tumayo at pinuntahan si Jesus. 30 (Hindi pa nakakarating si Jesus sa Betania. Naroon pa lang siya sa lugar kung saan sinalubong siya ni Marta.) 31 Nang makita ng mga nakikiramay na Judio na tumayo si Maria at dali-daling lumabas, sinundan nila siya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doon manangis.

32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa harap nito at sinabi, “Panginoon, kung narito lang kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko.” 33 Nabagbag ang puso ni Jesus[b] at naawa siya nang makita niyang umiiyak si Maria, pati na ang mga kasama nitong mga Judio. 34 Tinanong niya sila, “Saan ninyo siya inilibing?” Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” 35 Umiyak si Jesus. 36 Kaya sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazarus.” 37 Pero sinabi naman ng iba, “Hindi baʼt pinagaling niya ang lalaking bulag? Bakit hindi niya nailigtas sa kamatayan si Lazarus?”

Muling Binuhay si Lazarus

38 Muling nabagbag ang puso ni Jesus. Kaya pumunta siya sa pinaglibingan kay Lazarus. Isa itong kweba na tinakpan ng isang malaking bato. 39 Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Sumagot si Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, tiyak na nangangamoy na ngayon ang bangkay. Apat na araw na siyang nakalibing.” 40 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hindi baʼt sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kapangyarihan[c] ng Dios?” 41 Kaya inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, dahil dininig mo ako. 42 Alam kong lagi mo akong dinidinig, at sinasabi ko ito para sa kapakanan ng mga nasa paligid ko upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya, “Lazarus, lumabas ka!” 44 At lumabas nga ang namatay na si Lazarus na nababalot pa ng tela ang mga kamay at paa, at may takip na tela ang mukha. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kalagan nʼyo siya at palakarin.”

Ang Plano ng mga Pinuno Laban kay Jesus(A)

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang sumampalataya nang makita nila ang ginawa ni Jesus. 46 Pero ang iba sa kanila ay pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya ipinatawag ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. At nang nagkatipon na sila, sinabi nila, “Ano ang gagawin natin? Maraming himala ang ginagawa ng taong ito. 48 Kapag pinabayaan natin siya, maniniwala ang lahat ng tao sa kanya na siya ang hari ng Israel. Kapag nangyari iyan, lulusubin tayo ng mga hukbong Romano at wawasakin nila ang templo at ang ating bansa.”[d] 49 Pero isa sa kanila, si Caifas na punong pari nang taon na iyon, ang nagsabi, “Talagang wala kayong alam. 50 Hindi nʼyo ba naisip na mas mabuting mamatay ang isang tao para sa sambayanan kaysa sa mapahamak ang buong bansa?” 51 Ang sinabing ito ni Caifas ay hindi nanggaling sa sarili lang niya. Bilang punong pari ng taon na iyon, nagpahayag ang Dios sa pamamagitan niya na mamamatay si Jesus para sa buong bansa. 52 At hindi lang para sa bansa nila, kundi para sa lahat ng mga anak ng Dios na nagsipangalat sa buong mundo, upang tipunin sila at pag-isahin. 53 Mula noon, binalak na nilang ipapatay si Jesus. 54 Kaya hindi na lantarang nagpakita si Jesus sa mga Judio. Sa halip ay pumunta siya sa lugar na malapit sa ilang, sa isang bayan na kung tawagin ay Efraim. At nanatili siya roon kasama ang mga tagasunod niya.

55 Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel, maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan ng Israel ang pumunta sa Jerusalem upang isagawa ang ritwal na paglilinis bago magpista. 56 Hinanap nila nang hinanap si Jesus, at nagtatanungan sila roon sa templo, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” 57 Nang mga panahong iyon, ipinag-utos ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam ng sinumang nakakaalam kung nasaan si Jesus upang madakip nila.

Footnotes

  1. 11:15 upang lalo pa kayong sumampalataya sa akin: o, upang lalo pang lumakas ang pananampalataya ninyo sa akin.
  2. 11:33 Nabagbag ang puso ni Jesus: o, Nagalit si Jesus.
  3. 11:40 kapangyarihan: o, kadakilaan.
  4. 11:48 wawasakin nila ang templo at ang ating bansa: o, kukunin nila sa atin ang karapatang mamuno sa templo at sa ating bansa.