Josue 13
Magandang Balita Biblia
Ang mga Lupaing Hindi pa Nasasakop
13 Matandang-matanda na noon si Josue. Sinabi sa kanya ni Yahweh: “Matandang-matanda ka na ngunit malaki pang bahagi ng lupaing ito ang kailangan pang sakupin. 2 Ito ang mga hindi pa ninyo nasasakop: ang lupain ng mga Filisteo at ang lupain ng mga Gesureo; 3 buhat sa batis ng Sihor sa tabing silangan ng Egipto hanggang sa Ekron ay itinuturing na lupain din ng mga Cananeo kahit ito'y sakop ng mga haring Filisteo na nakatira sa Gaza, sa Asdod, sa Ashkelon, sa Gat, at sa Ekron; ang lupain ng mga Aveo 4 sa dakong timog, at ang lupain ng mga Cananeo, buhat sa Mehara na tinitirhan ng mga taga-Sidon hanggang sa Afec, sa may hangganan ng mga Amoreo; 5 ang lupain ng mga Gebalita at ang buong silangan ng Lebanon, buhat sa Baal-gad sa paanan ng Bundok ng Hermon hanggang sa pagpasok ng Hamat. 6 Kasama(A) rin dito ang lupain ng mga taga-Sidon na naninirahan sa kaburulan ng Lebanon hanggang sa Misrefot-mayim. Pagdating ninyo roon, palalayasin kong lahat ang mga naninirahan doon. Hatiin mo sa mga Israelita ang mga lupaing ito, ayon sa sinabi ko sa iyo. 7 Ipamahagi mo ngayon ang lupaing ito sa siyam na lipi at sa kalahati ng lipi ni Manases.”
Mga Lupaing Ibinigay sa mga Lipi nina Ruben, Gad at Manases
8 Ang(B) mga lipi nina Ruben, Gad at ang kalahati ng lipi ni Manases ay binigyan na ni Moises ng kanilang lupain sa gawing silangan ng Jordan. 9 Ang saklaw nila'y mula sa Aroer, na nasa tabi ng Kapatagan ng Arnon, at mula sa bayang nasa gitna ng libis patungo sa hilaga, kasama ang mga mataas na kapatagan ng Medeba hanggang sa Dibon. 10 Saklaw rin ang lahat ng lunsod na sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo, na nakatira sa Hesbon, tuloy sa hangganan ng Ammon. 11 Sakop pa rin ang Gilead, ang lupain ng mga Gesureo at mga Maacateo; ang kabundukan ng Hermon at ang buong Bashan hanggang Saleca. 12 Sakop din ang kaharian ni Og na hari ng Astarot at Edrei. (Ang haring ito ang kaisa-isang nalabi sa lahi ng mga higante na tinalo ni Moises at pinalayas sa lupaing iyon.) 13 Ngunit hindi pinaalis ng mga Israelita ang mga Gesureo at mga Maacateo. Naninirahan pa ang mga ito sa Israel hanggang ngayon.
14 Ang(C) lipi ni Levi ay hindi binigyan ni Moises ng bahagi sa lupain. Sa halip, ang tatanggapin nila'y ang bahaging kukunin sa mga handog ng sambayanan para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, ayon sa sinabi niya kay Moises.
15 Binigyan na ni Moises ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang lipi ni Ruben, ayon sa kani-kanilang angkan. 16 Sakop nila ang lunsod ng Aroer na nasa gilid ng Ilog Arnon, at ang bayang nasa gitna ng libis, at ang mataas na kapatagan sa palibot ng Medeba. 17 Sakop din nila ang Hesbon at ang lahat ng lunsod sa mataas na kapatagan: ang Dibon, Bamot-baal, Beth-baal-meon, 18 Jahaz, Kedemot, Mefaat, 19 Kiryataim, at Sibma. Kasama pa rin ang lunsod ng Zaret-sahar na nasa burol sa gitna ng libis, 20 ang lunsod ng Beth-peor, ang mga libis ng Pisgah, at ang Beth-jesimot; 21 ang lahat ng lunsod sa mataas na kapatagan at ang lahat ng bayang saklaw ni Haring Sihon na hari ng Hesbon. Tinalo siya ni Moises pati ang mga hari ng Midian na sina Evi, Requem, Zur, Hur at Reba. Ang mga haring ito ay sakop ni Haring Sihon at nanirahan sa lupaing iyon. 22 Kabilang din sa mga pinatay roon ng mga Israelita ang manghuhulang si Balaam na anak ni Beor. 23 Ang Ilog Jordan ang hangganan ng lupaing napunta sa lipi ni Ruben, ayon sa kani-kanilang angkan. Ito ang mga lunsod at mga bayang napunta sa kanilang mga angkan at sambahayan.
24 Binigyan na rin ni Moises ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang bawat angkan sa lipi ni Gad. 25 Napunta sa kanila ang Jazer, ang buong Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga Ammonita hanggang sa Aroer na katapat ng Rabba. 26 Sakop nila ang mga lupain buhat sa Hesbon hanggang Ramot-mizpa at Bethonim, at buhat sa Mahanaim hanggang sa mga nasasakupan ng Lo-debar. 27 Sa Kapatagan naman ng Jordan ang sakop nila'y ang mga lunsod ng Beth-haram, Beth-nimra, Sucot, Zafon at ang nalalabi sa kaharian ni Sihon na hari ng Hesbon. Saklaw nga nila ang buong lupain sa gawing silangan buhat sa Ilog Jordan, at tuloy sa Lawa ng Galilea sa gawing hilaga. 28 Ito ang mga lunsod at bayang ibinigay sa mga angkan ng lipi ni Gad.
29 Binigyan na rin ni Moises ng bahagi sa lupain ang mga angkan ng kalahati ng lipi ni Manases. 30 Sakop nila ang Mahanaim at ang buong teritoryo ni Haring Og sa lupain ng Bashan. Kasama rin ng lupain nila ang animnapung bayan ng Bashan na sakop ng Jair. 31 Sakop rin nila ang kalahati ng Gilead at ang mga lunsod ng Astarot at Edrei sa kaharian ni Og sa Bashan. Ito ang mga lupaing ibinigay sa mga angkang bumubuo ng kalahati ng angkan ni Maquir na anak ni Manases. 32 Ganito ipinamahagi ni Moises ang mga lupain sa silangan ng Jerico at ng Ilog Jordan noong sila'y nasa kapatagan ng Moab. 33 Ngunit(D) hindi niya binigyan ng lupa ang lipi ni Levi sapagkat ang bahagi nila ay si Yahweh, ang Diyos ng Israel.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.