Jonas 2
Magandang Balita Biblia
Ang Panalangin ni Jonas
2 Habang si Jonas ay nasa tiyan ng isda, nanalangin siya ng ganito:
2 “Yahweh, nang ako'y nasa kagipitan, nanalangin ako sa inyo,
at sinagot ninyo ako.
Mula sa daigdig ng mga patay
ako'y tumawag sa inyo, at dininig ninyo ako.
3 Itinapon ninyo ako sa kalaliman;
sa pusod ng karagatan.
Nabalot ako ng malakas na agos ng tubig,
at malalaking alon ang sa akin ay tumabon.
4 Akala ko'y malayo na ako sa inyo,
at hindi ko na kailanman makikitang muli ang banal mong Templo.
5 Hinigop ako ng kalaliman,
hanggang sa tuluyang lumubog;
napuluputan ang aking ulo ng mga halamang dagat.
6 Ako'y bumabâ sa paanan ng mga bundok,
sa libingan ng mga patay.
Ngunit mula roo'y buháy akong iniahon, O Yahweh.
7 Nang maramdaman kong malalagot na ang aking hininga,
naalala ko kayo, Yahweh. Ako'y nanalangin,
at mula sa banal ninyong Templo, ako'y inyong narinig.
8 Ang mga sumasamba sa mga diyus-diyosan
ay hindi naging tapat sa inyo.
9 Ngunit aawit ako ng pasasalamat
at sa inyo'y maghahandog;
tutuparin ko ang aking mga pangako,
O Yahweh na aking Tagapagligtas!”
10 Pagkatapos, inutusan ni Yahweh ang isda na iluwa si Jonas sa dalampasigan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.