Job 42
Magandang Balita Biblia
Kinilala ni Job ang Kanyang Pagkakamali
42 Ito naman ang sagot ni Job kay Yahweh:
2 “Alam kong ang lahat ng bagay ay kaya ninyong gawin,
at walang makakapigil sa lahat ng inyong balakin.
3 Itinatanong(A) ninyo,
‘Sino akong nangahas na kayo'y pag-alinlanganan
gayong ako nama'y walang nalalaman?’
Nagsalita ako ng mga bagay na di ko nauunawaan,
ng mga hiwagang di abot ng aking isipan.
4 Sinabi(B) ninyong papakinggan ko ang iyong sasabihin,
at ang iyong mga tanong ay aking sasagutin.
5 Noo'y nakilala ko kayo dahil sa sinabi ng iba,
subalit ngayo'y nakita ko kayo ng sarili kong mga mata.
6 Kaya ako ngayon ay nagsisisi,
ikinahihiya lahat ng sinabi, sa alabok at abo, ako ay nakaupo.”
7 Pagkasabi nito kay Job, si Elifaz na Temaneo naman ang hinarap ni Yahweh. Sinabi niya, “Matindi ang galit ko sa iyo at sa dalawa mong kaibigan sapagkat hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin tulad nang ginawa ni Job. 8 Kaya ngayon, kumuha kayo ng pitong toro at pitong tupa. Dalhin ninyo ito kay Job at sunugin bilang handog. Ipapanalangin kayo ni Job. Siya lamang ang papakinggan ko para hindi na kayo pagbayarin sa inyong kahangalan, dahil sa hindi ninyo paglalahad ng buong katotohanan tulad nang ginagawa niya.”
9 Ganoon nga ang ginawa nina Elifaz na Temaneo, Bildad na Suhita, at Zofar na Naamita. At ang panalangin ni Job ay dininig ni Yahweh.
Ibinalik ang Dating Kabuhayan ni Job
10 Ang(C) kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati, nang ipanalangin nito ang tatlong kaibigan. At dinoble pa ni Yahweh ang kayamanan ni Job. 11 Lahat ng kapatid nito, mga kamag-anak at kakilala ay dumalaw sa kanya at nagsalu-salo sila. Bawat isa'y nakiramay sa nangyari sa kanya at nagbigay ng salapi at singsing na ginto.
12 Ang mga huling araw ni Job ay higit na pinagpala ni Yahweh. Binigyan niya ito ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, dalawang libong baka at sanlibong inahing asno. 13 Nagkaroon pa si Job ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 14 Ang pangalan ng mga babae ay Jemima, Kezia at Keren-hapuc. 15 Ang mga anak na babae ni Job ang pinakamaganda sa buong lupain. Pinamanahan din niya ang mga ito, tulad ng mga anak na lalaki. 16 Si Job ay nabuhay pa nang sandaan at apatnapung taon. Inabutan pa siya ng kanyang mga apo sa ikaapat na salinlahi. 17 Matandang-matanda na siya nang mamatay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.