Add parallel Print Page Options

Ipinaliwanag ni Job ang Bahagi ng Masama

27 Muling tumugon si Job,
“Isinusumpa ko sa Diyos na sa aki'y nagkait ng katarungan,
    sa Makapangyarihang Diyos na nagdulot sa akin ng kapaitan.
3-4 Habang mayroon akong hininga na Diyos ang nagbibigay,
    ang labi ko'y walang bibigkasing kasinungalingan,
    ang aking sasabihin ay pawang katotohanan.
Hindi ko matatanggap na kayo ang may katuwiran,
    igigiit hanggang kamatayan na ako'y walang kasalanan.
Hindi ko isusuko ang aking katuwiran,
    budhi ko'y malinis, di ako sinusumbatan.

“Parusahan nawa ang lahat ng sa aki'y lumalapastangan;
    ituring nawa silang lahat na makasalanan.
Ang makasalana'y mayroon pa bang pag-asa,
    kapag binawi na ng Diyos ang buhay na taglay niya?
Pagsapit ng kaguluhan, papakinggan kaya ng Diyos ang kanyang panawagan?
10 Ito kaya ay mananalig sa Makapangyarihan
    at sa lahat ng araw, Diyos ay tatawagan.

11 “Ang kalooban ng Diyos, sa inyo'y sasabihin
    at aking ihahayag ang nais niyang gawin.
12 Ang lahat ng ito'y inyo namang nalalaman,
    subalit ang salita ninyo'y pawang walang kabuluhan.”

13 Ang sagot ni Zofar:
“Sa masama ay ganito ang inihanda ng Diyos,
    sa mararahas ay ito ang parusang ibubuhos:
14 Magkakaanak sila ng marami
    ngunit mamamatay sa digmaan,
    ang kanilang mga anak, gutom ang mararanasan.
15 Ang matitirang buháy, sa salot mamamatay,
    ngunit kanilang mga biyuda, hindi sila tatangisan.
16 Kahit siya'y makaipon ng malaking kayamanan
    o kaya'y magkaroon ng maraming kasuotan,
17 isa man sa mga iyon ay di niya papakinabangan,
    mapupunta sa matuwid ang lahat niyang kayamanan.
18 Sapot lamang ng gagamba[a] ang katulad ng kanyang bahay,
    parang kubo lamang ng mga aliping bantay.
19 Matutulog ang mayaman ngunit hanggang doon na lang;
    pagmulat ng kanyang mata, ari-arian niya ay wala na.
20 Mga kasawian ay parang bahang darating,
    tatangayin ng ipu-ipo pagsapit ng dilim.
21     Matinding hanging silangan, sa kanya ay tatangay, tuluyan siyang mawawala at di na makikita.
22     Patuloy siyang babayuhin nang walang pakundangan,
    ang kapangyarihan nito'y sisikapin niyang matakasan.
23 Sa bandang huli, hangin ay magagalak
    pagkat itong masama, tuluyan ng bumagsak.

Footnotes

  1. Job 27:18 Sapot lamang ng gagamba: Sa ibang manuskrito'y Kaya'y pugad ng ibon .