Job 26
Magandang Balita Biblia
Inihayag ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos
26 Tumugon naman si Job,
2 “Malaking tulong ka sa akin na isang mahina!
Sa palagay mo'y sumasaklolo ka sa akin na taong kawawa?
3 Ang walang nalalaman ay iyo bang tinuruan,
at ang tao bang hangal ay binigyan ng karunungan?
4 Sino kayang makikinig sa sinasabi mo?
At sino bang espiritu ang nag-udyok na sabihin ito?”
5 Ang sagot ni Bildad,
“Sa takot ay nanginginig maging ang kalaliman,
ganoon din itong dagat at ang doo'y naninirahan.
6 Ang daigdig ng mga patay, lantad sa mata ng Diyos.
Sa paningin niya'y walang maikukubling lubos.
7 Ang kalawakan sa hilaga ay kanyang inilagay,
ibinitin niya ang daigdig sa gitna ng kawalan.
8 Ang tubig ay iniipon sa balumbon ng mga ulap,
at pinipigil niya ito kahit na anong bigat.
9 Ang buwang kabilugan, sa ulap ay kanyang tinatakpan.
10 Pinaghiwalay niya ang liwanag sa kadiliman,
ng bilog na guhit sa ibabaw ng karagatan.
11 Mga haligi nitong langit ay nanginginig sa takot,
nauuga, nayayanig kapag sinaway ng Diyos.
12 Sa kanyang kapangyarihan, pinatahimik niya ang dagat;
sa kanyang karunungan, pinuksa niya ang dambuhalang si Rahab.
13 Sa pamamagitan ng hininga niya, ang langit ay umaaliwalas,
pinuksa ng kamay niya ang dambuhalang tumatakas.
14 Maliit na bahagi lang ito ng kanyang kapangyarihan,
na hindi pa rin natin lubos na maunawaan.
Sino kaya ang tatarok sa tunay niyang kadakilaan?”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.