Job 22
Magandang Balita Biblia
Ang Ikatlong Sagutan(A)
22 Ang sagot ni Elifaz na taga-Teman:
2 “Ang(B) tao ba'y may maitutulong sa Diyos na Manlilikha,
kahit na siya'y marunong o kaya ay dakila?
3 May pakinabang ba ang Makapangyarihang Diyos kung ikaw ay matuwid,
may mapapala ba siya kung ikaw man ay malinis?
4 Dahil ba sa takot mo sa kanya, kaya ka niya sinasaway,
pinagsasabihan at dinadala sa hukuman?
5 Hindi! Ito'y dahil sa napakalaki ng iyong kasalanan,
at sa mga ginagawa mong mga kasamaan.
6 Mga kapatid mo'y iyong pinaghuhubad,
upang sa utang nila sa iyo sila'y makabayad.
7 Ang mga nauuhaw ay hindi mo pinainom;
hindi mo pinakain ang mga nagugutom.
8 Lakas mo ang ginagamit kaya lupa'y nakakamkam,
at ibinibigay ito sa iyong kinalulugdan.
9 Hindi mo na nga tinulungan ang mga biyuda,
inaapi mo pa ang mga ulila.
10 Kaya napapaligiran ka ngayon ng mga bitag,
at bigla kang binalot ng mga sindak.
11 Paligid mo'y nagdidilim kaya di ka makakita,
maging tubig nitong baha ay natatabunan ka.
12 “Di ba't ang Diyos ay nasa mataas na kalangitan,
at ang mga bituin sa itaas ay kanyang tinutunghayan?
13 Ngunit ang sabi mo, ‘Ang Diyos ay walang nalalaman,
at hindi tayo mahahatulan, pagkat sa ulap siya'y natatakpan.’
14 Akala mo'y dahil sa ulap ay di na siya makakakita,
at sa ibabaw ng himpapawid, ay palakad-lakad lang siya.
15 “Talaga bang nais mong lakaran ang dating daan,
landas na tinahak ng mga nasanay sa kasamaan?
16 Kahit wala pa sa panahon sila'y tinatangay na ng baha,
sapagkat ang kanilang pundasyon ay lubos na nagiba.
17 Sinabi nila sa Diyos na sila'y kanyang layuan,
at wala naman daw magagawa sa kanila ang Diyos na Makapangyarihan.
18 Sa kabila nito, sila pa rin ay pinagpala;
di ko talaga maunawaan ang pag-iisip ng masama.
19 Natutuwa ang matuwid, ang mabuti'y nagagalak
kapag nakita nilang ang masama'y napapahamak.
20 Sabi nila, ‘Ang mga kaaway nati'y nalugmok,
at ang mga ari-arian nila ay natupok.’
21 “Sumang-ayon ka sa Diyos, makipagkasundo ka sa kanya,
ang buhay mo'y gaganda at magiging maginhawa.
22 Makinig ka sa kanyang itinuturo,
mga sinasabi niya'y itanim mo sa iyong puso.
23 Manumbalik ka sa Makapangyarihan, ikaw ay magpakumbaba,
at alisin mo sa iyong tahanan lahat ng gawaing masama.
24 Ang lahat mong kayamanan ay itapon mo sa alabok,
at ang mamahaling ginto ay ihagis mo na sa ilog.
25 Ang Diyos na Makapangyarihan ang ituring mong yaman,
na siyang ginto't pilak na iyong papahalagahan.
26 Sa Makapangyarihang Diyos ka palaging magtiwala,
at ang Maykapal ang pagkukunan mo ng tuwa.
27 Papakinggan niya ang iyong panalangin,
kaya't ang mga panata mo ay iyong tuparin.
28 Lagi kang magtatagumpay sa iyong mga balak,
at ang landas mo ay magliliwanag.
29 Ang mga palalo'y ibinabagsak nga ng Diyos,
ngunit inililigtas ang mapagpakumbabang-loob.
30 Ililigtas ka niya kung wala kang kasalanan,
at kung ang ginagawa mo ay nasa katuwiran.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.