Job 21
Magandang Balita Biblia
Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama
21 Ang sagot ni Job,
2 “Pakinggan ninyong mabuti itong aking sasabihin;
ituturing ko nang ito'y pag-aliw sa akin.
3 Ako muna'y inyong pagsalitain,
at pagkatapos nito, saka na ninyo laitin.
4 “Di laban sa tao itong aking hinanakit,
may sapat akong dahilan, kung bakit hindi makatiis.
5 Tingnan ninyo ang hitsura ko, hindi pa ba ito sapat
upang tumahimik na kayo at walang salitang mabigkas?
6 Tuwing iisipin ko itong sinapit ko,
ako'y nanginginig at nanlulumo.
7 Bakit kaya ang masama'y hinahayaan pang mabuhay,
tumatanda pa at nagtatagumpay?
8 Mayroon silang mga anak at mga apo,
naabutan pa nila ang paglaki ng mga ito.
9 Hindi pinipinsala ang kanilang mga tahanan;
parusa ng Diyos ay di nila nararanasan.
10 Ang pagdami ng kanilang mga hayop ay mabilis,
ang inahin nilang baka'y nasa ayos kung magbuntis.
11 Ang kanilang mga anak ay naghahabulan, parang tupang naglalaro at mayroon pang sayawan.
12 Umaawit sa saliw ng tamburin at lira, umiindak, nagsasayaw sa tunog ng mga plauta.
13 Ang buong buhay nila'y puspos ng kasaganaan;
at mapayapa ang kanilang pagharap sa kamatayan.
14 “Sinasabi nila sa Diyos, ‘Huwag mo kaming pakialaman.
Ayaw naming alamin ang iyong kalooban!
15 Sino ba ang Makapangyarihang Diyos upang sambahin namin?
At ano bang mapapala kung sa kanya'y mananalangin?’
16 Ang akala nila, sa sariling lakas galing ang tagumpay,
ngunit di ako sang-ayon sa kanilang palagay.
17 “Ilawan ba ng masama'y pinatay nang minsan?
Sila ba ay dumanas ng matinding kahirapan,
at ang parusa ng Diyos, sa kanila ba'y ipinataw?
18 Itinulad ba sa dayaming nililipad nitong hangin
o ipang walang laman, tinatangay sa papawirin?
19 “Sinasabi ninyong ang anak ay pinaparusahan dahil sa sala ng kanyang magulang.
Parusahan sana ng Diyos ang mismong may kasalanan!
20 Sa gayo'y mararanasan nila ang kahirapang sasapitin;
sa parusa ng Makapangyarihang Diyos, sila ang pagdanasin.
21 Kapag ang isang tao'y binawian ng buhay,
ano pang pakialam niya sa pamilyang naiwan?
22 Sinong makakapagturo ng dapat gawin ng Diyos,
na siyang humahatol sa buong sansinukob?
23 “May taong namamatay sa gitna ng kasaganaan,
panatag ang katayuan, maginhawa ang kabuhayan.
24 Katawan niya ay malusog,
at malalakas ang tuhod.
25 Mayroon namang namamatay sa kahirapan,
ni hindi nakalasap kahit kaunting kaligayahan.
26 Ngunit pareho silang sa alabok nahihimlay,
at kapwa inuuod ang kanilang katawan.
27 “Alam ko kung ano ang binabalak ninyong gawin
at ang masamang iniisip ninyo laban sa akin.
28 Tiyak na itatanong ninyo kung nasaan ang tahanan
ng taong namuhay sa kasamaan.
29 “Hindi ba ninyo naitatanong sa mga manlalakbay,
mga ulat nila'y hindi ba ninyo pinaniniwalaan?
30 Sa panahon ng kahirapan at kasawiang-palad,
di ba't ang masama ay laging naliligtas?
31 Sa kanyang kasamaa'y walang nagpapamukha,
walang naniningil sa masama niyang gawa.
32 Kapag siya ay namatay at inihatid na sa hukay,
maraming nagbabantay sa kanyang libingan.
33 Napakaraming sa kanya'y maghahatid sa libing,
pati lupang hihigan niya, sa kanya ay malambing.
34 Ngunit pang-aaliw ninyo'y walang kabuluhan,
pagkat lahat ng sagot ninyo'y pawang kasinungalingan!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.