Job 14
Magandang Balita Biblia
Maikli ang Buhay ng Tao
14 “Ang(A) buhay ng tao'y maikli lamang,
subalit punung-puno ng kahirapan.
2 Tulad ng bulaklak na namumukadkad, nalalanta at nalalagas,
parang aninong nagdaraan, naglalaho at napaparam.
3 Titingnan mo pa ba ang ganitong nilalang?
Dadalhin mo pa ba siya sa hukuman?
4 Mayroon bang malinis na magmumula,
sa taong marumi at masama?
5 Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw,
at bilang na rin ang kanyang mga buwan,
nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan.
6 Lubayan mo na siya at pabayaan,
nang makatikim naman kahit kaunting kaginhawahan.
7 “Kahoy na pinutol ay may pag-asa,
muli itong tutubo at magsasanga.
8 Kahit pa ang ugat nito ay matanda na,
at mamatay ang puno sa kinatatamnan niya,
9 ngunit ito'y nag-uusbong kapag diniligan, ito'y magsasanga tulad ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao kapag namatay, iyon na ang kanyang katapusan,
pagkalagot ng kanyang hininga, saan naman kaya siya pupunta?
11 “Tulad ng ilog na tumigil sa pag-agos,
at gaya ng lawa na ang tubig ay naubos.
12 Ngunit ang tao kapag namatay hindi na babangon
hanggang ang langit ay maparam.
13 Itago mo na sana ako sa daigdig ng mga patay,
hanggang sa ang poot mo'y mapawi nang lubusan,
at muli mong maalala ang aking kalagayan.
14 Kung ang tao ay mamatay, siya kaya'y muling mabubuhay?
Ngunit para sa akin, paglaya ko sa hirap ay aking hihintayin.
15 Ikaw ay tatawag at ako'y sasagot,
sa iyong nilikha, ikaw ay malulugod.
16 Kung magkagayon, bawat hakbang ko'y iyong babantayan,
di mo na tatandaan ang aking mga kasalanan.
17 Ang mga kasalanan ko'y iyong patatawarin,
lahat ng kasamaan ko'y iyong papawiin.
18 “Darating ang araw na guguho ang kabundukan,
malilipat ng lugar mga batong naglalakihan.
19 Sa buhos ng tubig, ang bato ay naaagnas,
ang lupang matigas sa baha ay natitibag,
gayon ang pag-asa ng tao, kapag iyong winasak.
20 Nilulupig mo ang tao at tuluyang naglalaho,
sa sandali ng kamatayan nagbabago ang kanyang anyo.
21 Anak man niya'y parangalan, hindi na niya malalaman,
hindi na rin mababatid kung bigyan silang kahihiyan.
22 Ang kanya lamang nadarama ay sakit ng sariling katawan,
ang tanging iniisip ay ang sariling kalungkutan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.