Job 12
Magandang Balita Biblia
Inilahad ni Job ang Kapangyarihan at ang Kaalaman ng Diyos
12 Ang sagot ni Job:
2 “Walang duda na ikaw ang tinig ng bayan;
kapag ika'y namatay, karunungan ay kasama mong papanaw.
3 Kung may pang-unawa ka, ako'y mayroon din,
di mo masasabing higit ka kaysa akin,
lahat ng sinabi mo'y nalalaman ko rin.
4 Pinagtatawanan ako ngayon ng aking mga kaibigan,
kahit ako ay matuwid at walang kasalanan,
minsan din nama'y sinagot ng Diyos ang aking kahilingan.
5 Maginhawa ka ngayon, ngunit ako'y iyong kinukutya,
hinahampas mo ang isang taong babagsak na sa hina.
6 Ang mga tulisan at masasamang tao'y panatag ang buhay,
kahit ang dinidiyos nila ay ang lakas nilang taglay.
7 “Sa mga hayop at mga ibon ika'y may matututunan, magtanong ka sa kanila, at ikaw ay tuturuan.
8 Kausapin mo ang lupa at ikaw ay tuturuan, magpapahayag sa iyo ang mga isda sa karagatan.
9 Silang lahat ay nakakaalam na ang Diyos ang sa kanila'y lumalang.
10 Ang Diyos ang nagpapagalaw sa lahat ng bagay,
ang buhay ng bawat isa ay nasa kanyang mga kamay.
11 Nalalasahan ng dila ang mga pagkain,
naririnig ng tainga ang salitang dumarating.
12 “Ang matatanda ay may taglay na karunungan,
pinalawak ang unawa sa haba ng karanasan.
13 Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan,
taglay niya'y karunungan at katalinuhan.
14 Walang makakapagtayo muli ng kanyang giniba,
sinumang ikulong niya'y walang makakapagpalaya.
15 Nagkakaroon ng tagtuyot kapag pinigilan niya ang ulan,
dumarating ang baha kapag tubig ay kanyang pinakawalan.
16 “Makapangyarihan siya at laging nagtatagumpay,
ang mandaraya at dinadaya ay nasa kanyang mga kamay.
17 Inaalis niya sa mga pinuno ang taglay nilang dunong,
ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Inaalis niya sa mga hari ang pamamahala, at sila'y ginagapos niya ng mga tanikala.
19 Maging mga pari'y kanyang hinihiya, mga nasa kapangyarihan kanyang ibinababâ.
20 Mga pinagkakatiwalaang tao'y kanyang pinatatahimik,
talino ng matatanda'y kanya ring inaalis.
21 Mga pinuno'y inilalagay niya sa kahihiyan,
mga namamahala'y inaalisan niya ng kalakasan.
22 Pinakamalalim na hiwaga'y kanyang inihahayag,
maitim na kadilima'y pinapalitan niya ng liwanag.
23 Mga bansa'y pinapalakas niya't pinapalawak,
ngunit kanya ring ginagapi at tuloy winawasak.
24 Karunungan ng mga hari'y ginagawang kahangalan,
sa pagpapasya'y nalilito, di alam ang pupuntahan.
25 Sa dilim sila'y nangangapa, sa paglakad ay naliligaw, animo'y mga lasing, sa daan ay sumusuray.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.