Jeremias 8
Magandang Balita Biblia
8 “Pagdating ng panahong iyon,” sabi pa ni Yahweh, “ang kalansay ng mga hari at mga pinuno sa Juda, mga pari, mga propeta, at iba pang naninirahan sa Jerusalem, ay aalisin sa kanilang libingan. 2 Ibibilad ang mga ito sa liwanag ng araw, buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinangguni, at sinamba. Sa halip na tipunin at ibaon, ang mga kalansay ay parang duming ikakalat sa lupa. 3 Para sa mga nabubuhay pa sa makasalanang lahing ito na nagkalat sa mga lupaing pinagtapunan ko sa kanila, nanaisin pa nila ang mamatay kaysa patuloy na mabuhay. Akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagsasabi nito.”
Ang Kasalanan at ang Kaparusahan
4 “Jeremias, akong si Yahweh ang nagsasalita sa aking bayan. Kapag nabuwal ang isang tao, hindi ba muli siyang bumabangon? Kapag naligaw siya ng daan, hindi ba muli siyang magbabalik? 5 Bayan kong hinirang, bakit kayo lumalayo sa akin ngunit hindi naman nagbabalik? Bakit hindi ninyo maiwan ang inyong mga diyus-diyosan, at ayaw ninyong magbalik sa akin? 6 Naghintay ako at nakinig ngunit walang nagsalita ng katotohanan. Ni walang nagsisi sa kanyang kasalanan. Wala man lamang nagtanong, ‘Anong kasalanan ang nagawa ko?’ Bawat isa ay ginawa ang sariling maibigan, gaya ng kabayong patungo sa digmaan. 7 Nalalaman ng ibong palipat-lipat ng tirahan, ng batu-bato, ng langay-langayan at ng tagak, kung kailan sila dapat lumipat at kung kailan dapat magbalik. Ngunit kayo, na aking bayan, hindi ninyo nalalaman ang aking kautusan na dapat ninyong sundin. 8 Paano ninyo nasabing, ‘Kami'y matatalino; nasa amin ang kautusan ni Yahweh’? Ang kautusan ay binago ng mga mandarayang eskriba. 9 Mapapahiya ang kanilang mga matatalino; sila'y malilito at mabibigo. Sapagkat tinanggihan nila ang salita ni Yahweh, anong karunungan ang taglay nila ngayon? 10 Kaya(A) ibibigay ko sa iba ang kanilang mga asawa; ang kanilang bukid ay tatamnan ng ibang tao. Ang lahat, dakila man o abâ, ay gumagamit ng pandaraya upang yumaman. Pati mga propeta at mga pari ay nandaraya. 11 Hindi(B) nila pansin ang kahirapan ng aking bayan. Ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan. 12 Ikinahiya ba nila ang kanilang masasamang gawa? Hindi! Hindi na sila marunong mahiya! Makapal na ang kanilang mukha. Kaya nga, babagsak sila tulad ng iba. Ito na ang kanilang magiging wakas kapag sila'y aking pinarusahan. Ito ang sabi ni Yahweh.
13 “Lilipulin ko na ang aking bayan sapagkat ang katulad nila'y punong ubas na walang bunga, o puno ng igos na walang pakinabang; nalanta na pati mga dahon. Kaya't tatanggapin nila ang bunga ng kanilang ginawa.”
14 “Bakit tayo nakaupo at walang ginagawa?” tanong nila. “Halina kayo, tayo'y magtago sa mga lunsod na matibay, at doon na tayo mamatay. Hinatulan na tayo ni Yahweh na ating Diyos upang mamatay. Binigyan niya tayo ng tubig na may lason upang inumin sapagkat nagkasala tayo sa kanya. 15 Naghintay tayo ng kapayapaan ngunit walang nangyari; umasa ng kaligtasan ngunit kakila-kilabot na hirap ang dumating sa atin. 16 Naririnig hanggang sa lunsod ng Dan ang ingay ng mga kabayo ng kaaway. Nanginginig na sa takot ang buong bansa sa yabag pa lamang ng mga kabayong pandigma. Dumating na ang wawasak sa ating lupain at sa lahat ng naroon; sa ating lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.”
17 “Humanda kayo!” sabi ni Yahweh. “Magpapadala ako ng mga ahas na makamandag, mga ulupong na hindi mapaaamo, upang kayo'y tuklawin.”
Ang Kalungkutan ni Jeremias Dahil sa Kanyang Bayan
18 Hindi mapapawi ang nadarama kong kalungkutan;
nagdurugo ang aking puso.
19 Pakinggan ninyo! Naririnig ko
ang iyakan ng buong bayan,
“Wala na ba sa Zion si Yahweh?
Wala na ba roon ang hari ng Zion?”
At sumagot si Yahweh,
“Bakit ninyo ako ginagalit? Bakit kayo sumasamba sa mga diyus-diyosan na hindi ninyo kilala at wala namang kabuluhan?”
20 At sumigaw ang bayan:
“Dumaan na ang tag-araw, tapos na rin ang anihan,
ngunit hindi pa kami naliligtas!”
21 Para akong sinuntok sa dibdib
dahil sa hirap na sinapit ng aking bayan;
ako'y nanangis; lubos akong nalilito.
22 Wala na bang panlunas sa Gilead?
Wala na bang manggagamot diyan?
Bakit hindi gumagaling ang aking bayan?
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.