Jeremias 5
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Kasalanan ng Jerusalem
5 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Jerusalem, pumunta kayo sa mga lansangan nʼyo! Tingnan nʼyo ang mga plasa ninyo! Kung may makikita kayong matuwid at tapat, patatawarin ko ang lungsod ninyo. 2 Kahit ginagamit nʼyo ang pangalan ko sa pagsumpa nʼyo, nagsisinungaling pa rin kayo.”
3 Pagkatapos, sinabi ko, “Panginoon, naghahanap po kayo ng taong tapat. Sinaktan nʼyo po ang inyong mga mamamayan pero balewala ito sa kanila. Pinarusahan nʼyo sila pero ayaw nilang magpaturo. Pinatigas nila ang kanilang mga puso at ayaw nilang magsisi.
4 “Akala ko po, mga dukha sila at mga walang pinag-aralan, pero mga hangal pala sila. Sapagkat hindi nila alam ang pamamaraan na ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Dios. 5 Kaya pupuntahan ko po ang mga pinuno nila at kakausapin ko sila. Tiyak na mauunawaan nila ang pamamaraan na ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Dios.” Pero tumanggi rin po silang sumunod sa mga ipinapagawa ng Dios. 6 Kaya sasalakayin sila ng mga kaaway nila na parang leon na nanggaling sa kagubatan, o katulad ng isang asong lobo na galing sa ilang, o parang leopardong nagbabantay malapit sa bayan para silain ang sinumang lumabas. Mangyayari ito sa kanila dahil naghihimagsik sila sa Dios at maraming beses nang tumalikod sa kanya.
7 Sinabi sa kanila ng Panginoon, “Bakit ko kayo patatawarin? Pati ang mga anak ninyo ay itinakwil ako at sumumpa sa pangalan ng hindi tunay na dios. Ibinigay ko ang mga pangangailangan nila, pero nagawa pa rin nila akong pagtaksilan at nagsisiksikan pa sila sa bahay ng mga babaeng bayaran. 8 Para silang mga lalaking kabayo na alagang-alaga. Ang bawat isa sa kanila ay may matinding pagnanasa sa asawa ng iba. 9 Hindi ba nararapat lang na parusahan ko sila dahil dito? Hindi ba nararapat lang na paghigantihan ko ang mga bansang ganito? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
10 “Kayong mga kaaway ng mga taga-Israel, sirain nʼyo ang mga ubasan nila, pero huwag ninyong sirain nang lubusan. Tabasin nʼyo ang mga sanga, dahil ang mga taong ito ay hindi na sa Panginoon. 11 Ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay hindi na tapat sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 12 Hindi sila nagsasalita ng totoo tungkol sa akin. Sinabi nila, ‘Hindi tayo sasaktan ng Panginoon! Walang panganib na darating sa atin. Walang digmaan o gutom man na darating.’ 13 Walang kabuluhan ang mga propeta at hindi galing sa akin ang mga ipinapahayag nila. Mangyari nawa sa kanila ang kapahamakan na kanilang inihula.”
14 Kaya ito ang sinabi sa akin ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Dahil ganyan ang sinabi ng mga taong iyon, bibigyan kita ng mensahe na katulad ng apoy na susunog sa kanila at magiging parang kahoy sila na masusunog.”
15 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan ng Israel, magpapadala ako ng mga tao mula sa malayong bansa para salakayin kayo. Itoʼy isang sinaunang bansa na ang wika ay hindi ninyo nauunawaan. 16 Matatapang ang sundalo nila at nakakamatay ang mga gamit nilang pandigma. 17 Uubusin nila ang inyong mga ani, pagkain, hayop, ubas, at mga igos ninyo. Papatayin nila ang mga hayop at anak ninyo. Wawasakin nila ang mga napapaderang lungsod nʼyo, na siyang inaasahan ninyo. 18 Pero sa mga araw na iyon, hindi ko kayo lubusang lilipulin. 19 At kung may magtatanong, ‘Bakit ginawa ng Panginoon na ating Dios ang lahat ng ito sa atin?’ Sabihin mo sa kanila, ‘Dahil itinakwil ninyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang mga dios sa sarili ninyong lupain. Kaya ngayon, maglilingkod kayo sa mga dayuhan sa lupaing hindi inyo.’
20 “Sabihin nʼyo ito sa mga mamamayan ng Israel[a] at Juda. 21 Pakinggan nʼyo ito, kayong mga hangal at matitigas ang ulo. May mga mata kayo, pero hindi makakita, may mga tainga pero hindi makarinig. 22 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Wala ba kayong takot sa akin? Bakit hindi kayo nanginginig sa harapan ko? Ako ang gumawa ng buhangin sa tabing-dagat para maging hangganan ng dagat. Itoʼy hangganan na hindi maaapawan. Hahampasin ito ng mga alon pero hindi nila maaapawan. 23 Pero matitigas ang ulo at rebelde ang mga taong ito. Kinalimutan at nilayuan nila ako. 24 Hindi sila nagsasalita ng mula sa puso na, ‘Parangalan natin ang Panginoon na ating Dios na nagbibigay ng ulan sa tamang panahon at nagbibigay sa atin ng ani sa panahon ng anihan.’ 25 Ang kasamaan nʼyo ang naglayo ng mga bagay na iyon sa inyo. Ang mga kasalanan nʼyo ang naging hadlang sa pagtanggap nʼyo ng mga pagpapalang ito.
26 “May masasamang tao na kabilang sa mga mamamayan ko at nag-aabang ng mabibiktima. Para silang mga taong bumibitag ng mga ibon. Naglalagay sila ng mga bitag para sa ibang mga tao. 27 Katulad ng hawlang puno ng mga ibon, ang bahay ng masasamang taong ito ay puno ng mga kayamanang nanggaling sa pandaraya. Kaya yumaman sila at naging makapangyarihan. 28 Tumaba sila at lumakas ang mga katawan nila. Lubusan ang paggawa nila ng kasamaan. Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ulila at hindi nila ipinaglalaban ang karapatan ng mga dukha. 29 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan dahil dito? Hindi baʼt nararapat kong paghigantihan ang mga bansang katulad nito? 30 Nakakatakot at nakakapangilabot ang mga bagay na nangyayari sa lupaing ito. 31 Ang mga propeta ay nagpapahayag ng kasinungalingan. Ang mga pari ay namamahala ayon sa sarili nilang kapangyarihan. At ito ang gusto ng mga mamamayan ko. Pero ano ang gagawin nila kapag dumating na ang katapusan?”
Footnotes
- 5:20 mamamayan ng Israel: sa literal, lahi ni Jacob.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®