Add parallel Print Page Options

Ang Mensahe tungkol sa Filistia

47 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias tungkol sa Filistia noong hindi pa sinasalakay ng Faraon[a] ang Gaza:

“May bansang sasalakay mula sa hilaga na parang baha na aapaw sa buong lupain. Wawasakin ng bansang ito ang lahat ng lungsod pati ang mga mamamayan nito. Magsisigawan at mag-iiyakan nang malakas ang mga tao dahil sa takot. Maririnig nila ang ingay ng lagapak at mga yabag ng mga kabayo at mga karwahe. Hindi na lilingon ang mga ama para tulungan ang mga anak nila dahil sa takot. Sapagkat darating ang araw na wawasakin ang lahat ng Filisteo pati ang mga kakampi nila na tumutulong sa kanila mula sa Tyre at Sidon. Wawasakin ng Panginoon ang mga Filisteo. Ito ang mga taong mula sa Caftor.[b] Ang mga taga-Gaza ay magpapakalbo, tanda ng pagluluksa nila, at ang mga taga-Ashkelon ay tatahimik sa kalungkutan. Kayong mga mamamayan sa kapatagan, hanggang kailan ninyo susugatan ang inyong sarili upang ipakita ang inyong kalungkutan? Nagtatanong kayo kung kailan ko ititigil ang pagpaparusa sa inyo sa pamamagitan ng espada ko. Sinasabi ninyong ibalik ko na sa lalagyan ang espada ko at pabayaan na lang kayo. Pero paano ito mapipigil dahil inutusan ko na ito na salakayin ang Ashkelon at ang mga naninirahan sa baybayin ng dagat?”

Footnotes

  1. 47:1 Faraon: Ang ibig sabihin, hari ng Egipto.
  2. 47:4 Caftor: o, Crete.