Jeremias 33
Magandang Balita Biblia
Nanumbalik sa Jerusalem ang Kasaganaan
33 Muling nagpahayag si Yahweh kay Jeremias samantalang ito'y nakabilanggo at mahigpit na binabantayan. 2 Ganito ang sabi sa kanya: “Ako ang lumikha, humugis at nag-ayos ng buong daigdig. Yahweh ang aking pangalan. 3 Kung mananalangin ka sa akin, tutugunin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga bagay na dakila at mahiwaga na hindi mo pa nalalaman. 4 Ako, si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito sa iyo. Gigibain ko ang mga bahay sa lunsod ng Jerusalem at ang palasyo ng hari sa Juda upang gamiting tanggulan laban sa sumasalakay na mga hukbo ng Babilonia. 5 Papasukin kayo ng mga kaaway, at marami ang mamamatay sa labanan sapagkat pupuksain ko sila sa tindi ng aking poot. Itinakwil ko ang lunsod na ito dahil sa kanilang kasamaan. 6 Ngunit pagagalingin ko silang muli. Hahanguin ko sa kahirapan ang Juda at Israel, at bibigyan sila ng kapayapaan at kasaganaan. 7 Ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan at muli silang itatatag. 8 Lilinisin ko sila sa lahat nilang kasalanan at patatawarin sa kanilang paghihimagsik laban sa akin. 9 At dahil sa lunsod na ito'y matatanyag ang aking pangalan, pupurihin at dadakilain ng lahat ng bansa, kapag nabalitaan nila ang lahat ng pagpapalang ipinagkaloob ko sa kanila. Maaantig sila at mapupuno ng paghanga dahil sa mga pagpapala't kapayapaang ibinigay ko sa aking bayan.”
10 Ito pa ang sabi ni Yahweh: “Sinasabi ninyo na ang lugar na ito'y parang disyerto; walang nakatirang tao o hayop. Wala ngang naninirahan sa mga lunsod ng Juda at walang tao sa mga lansangan ng Jerusalem. 11 Ngunit(A) darating ang panahon na muling maririnig sa lugar na ito ang katuwaan at kasayahan, ang tinig ng mga ikinakasal habang sila'y nasa bahay ni Yahweh upang maghandog ng pagpupuri at pasasalamat; maririnig ang sigawang,
‘Purihin si Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat,
dahil sa kanyang kabutihan,
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!’
At ibabalik ko ang kayamanan ng bayan. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.”
12 Ito ang sabi ni Yahweh: “Sa buong lupaing ito na walang pakinabang at walang nakatirang tao o hayop, muling magbabalik ang mga pastol at payapang magsisikain ang kanilang mga kawan. 13 Sa mga lunsod sa kaburulan, sa kapatagan, sa timog, sa lupain ng Benjamin, sa palibot ng Jerusalem at ng Juda, muling magkakaroon ng maraming kawan na inaalagaan ng kanilang mga pastol.”
14 Sinabi(B) ni Yahweh, “Tiyak na darating ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda. 15 At sa panahong iyon, pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katuwiran sa buong lupain. 16 Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila'y tatawagin sa pangalang ito: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’ 17 Si(C) David ay hindi mawawalan ng kahalili sa trono ng bayang Israel. 18 At(D) mula sa lahi ni Levi, hindi kukulangin ng pari na mag-aalay sa akin ng mga handog na susunugin, handog na pagkaing butil, at iba pang mga handog sa lahat ng panahon.”
19 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 20 “Kung paanong hindi mababago ang batas na itinakda ko para sa araw at sa gabi, 21 gayon din naman, hindi masisira ang aking pangako sa lingkod kong si David at sa mga Levita. Hindi mawawalan ng uupo sa trono mula sa kanyang lipi; hindi rin mauubos ang mga pari sa lahi ni Levi. 22 Gaya ng hindi mabilang na bituin sa kalangitan at buhangin sa dagat, gayon ko pararamihin ang mga inapo ng aking lingkod na si David at ng mga Levitang naglilingkod sa akin.”
23 Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias: 24 “Hindi mo ba napapansin na sinasabi ng mga tao, itinakwil ko raw ang dalawang angkang hinirang ko? Kaya hahamakin nila ang aking bayan at hindi na ituturing na isang bansa. 25 Ngunit sinasabi ko naman: Kung paanong itinakda ko ang araw at gabi at ang tiyak na kaayusan sa langit at sa lupa, 26 mananatili rin ang aking pangako sa lahi ni Jacob at sa lingkod kong si David. Magmumula sa angkan ni David ang hihirangin kong maghahari sa lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Ibabalik ko ang kanilang kayamanan at sila'y aking kahahabagan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.