Jeremias 29
Magandang Balita Biblia
Ang Sulat ni Jeremias para sa mga Dinalang-bihag
29 Nagpadala(A) ng sulat si Propeta Jeremias mula sa Jerusalem para sa nalalabing matatandang bihag, mga pari at mga propeta, at lahat ng taong dinalang-bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia. 2 Ito'y ginawa niya matapos lisanin ni Haring Jeconias ang Jerusalem, kasama ang kanyang inang reyna, mga eunuko, mga pinuno at mga panday ng palasyo. 3 Ang sulat ay ipinadala ng propeta kina Elasa, anak ni Safan, at Gemarias, anak ni Hilkias, na sinugo ni Haring Zedekias kay Haring Nebucadnezar sa Babilonia. Ganito ang sinasabi sa sulat:
4 “Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia: 5 Magtayo kayo ng mga bahay at diyan na kayo tumira; magtanim kayo at inyong kanin ang bunga niyon. 6 Mag-asawa kayo upang magkaanak; bayaan ninyong mag-asawa ang inyong mga anak, nang sila'y magkaanak din. Magpakarami kayo, at huwag ninyong hayaang kayo'y umunti. 7 Ngunit pagyamanin ninyo ang lunsod na pinagdalhan ko sa inyo. Idalangin ninyo sila kay Yahweh sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila'y umunlad. 8 Huwag kayong magpapalinlang sa inyong mga propeta at mga manghuhula. Huwag kayong basta-bastang maniniwala sa kanilang mga panaginip. 9 Tandaan ninyo: Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo; sila'y hindi ko sinugo, ang sabi ni Yahweh.
10 “Subalit(B) ito ang aking sinabi: Pagkatapos lamang ng pitumpung taon ng pagkabihag sa Babilonia, muli kong ipadarama ang pag-ibig ko sa inyo. Tutuparin ko ang aking pangakong ibabalik kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo. 11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa. 12 Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. 13 Kapag(C) hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin. 14 Oo, ako'y matatagpuan ninyo, sabi ni Yahweh, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan. Titipunin ko kayo mula sa lahat ng bansa at pook na pinagdalhan ko sa inyo, at ibabalik sa dakong pinagmulan ninyo bago kayo nabihag.
15 “Sinasabi ninyong si Yahweh ay humirang ng mga propeta para sa inyo diyan sa Babilonia. 16 Ganito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa haring nakaupo sa trono ni David at sa lahat ng inyong kababayang nakatira sa lunsod na ito at sa hindi nabihag na mga kasama ninyo: 17 Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom, at salot, at matutulad sila sa mga igos na bulok kaya't hindi na makakain. 18 Sila'y mamamatay sa labanan, sa gutom at salot. Masisindak ang lahat ng bansa sa kanilang sasapitin. Sila'y hahamakin at susumpain ng lahat ng bansang pinagtapunan ko sa kanila. 19 Kung paanong hindi nila pinakinggan ang mga propetang sinugo ko sa kanila, gayon din kayo. 20 Ngunit kayong mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia, makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: 21 Paparusahan ni Yahweh si Ahab na anak ni Kolaias, at si Zedekias, na anak naman ni Maasias, sapagkat ginamit nila sa kasinungalingan ang aking pangalan. Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at papatayin sa inyong harapan. 22 Ang kanilang pangala'y babanggitin ng lahat ng taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia, kapag sinusumpa nila ang kanilang kapwa; sasabihin nila, ‘Gawin sana sa inyo ni Yahweh ang ginawa kina Zedekias at Ahab, na sinunog nang buháy ng hari ng Babilonia!’ 23 Ganito ang mangyayari sa kanila sapagkat kasuklam-suklam ang kanilang ginawa sa Israel. Sila'y nangalunya at ginamit pa ang aking pangalan sa kasinungalingan. Nalalaman ko ito at nasaksihan.”
Ang Sulat ni Semaias
24 Sabihin mo kay Semaias na taga-Nehelam, 25 ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sinulatan mo ang mga taga-Jerusalem, ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, at ang lahat ng mga pari. Sinabi mong 26 si Zefanias ang hinirang ni Yahweh bilang kapalit ng paring si Joiada. At bilang namamahala sa Templo, tungkulin niyang lagyan ng posas at tanikala sa leeg ang bawat nababaliw na lalaking nagpapahayag sa mga tao bilang propeta. 27 Bakit hindi mo pinigil si Jeremias ng Anatot na nagpapahayag sa inyo bilang propeta? 28 Sa mga bihag sa Babilonia'y sinabi niya: ‘Magtatagal kayo rito kaya magtayo kayo ng mga bahay na matitirhan at magtanim kayo para may makain.’”
29 Binasa ng paring si Zefanias ang sulat na ito nang naririnig ni Propeta Jeremias. 30 At tinanggap ni Jeremias ang salita ni Yahweh: 31 “Sabihin mo sa lahat ng mga dinalang-bihag sa Babilonia na ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Semaias na taga-Nehelam: Nagpahayag si Semaias gayong hindi ko naman siya sinugo, at pinapaniwala kayo sa isang kasinungalingan. 32 Dahil dito, siya'y paparusahan ko at ang kanyang mga salinlahi. Hindi na niya masasaksihan ang kasaganaang ipagkakaloob ko sa aking bayan, sapagkat nagpapahayag siya ng paghihimagsik laban sa akin.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.