Add parallel Print Page Options

Nagsuot ng Pamatok si Jeremias

27 Nang(A) pasimula ng paghahari sa Juda ni Zedekias[a] na anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Gumawa ka ng pamatok at lubid at ilagay mo sa iyong batok. Pagkatapos, magpadala ka ng mensahe sa mga hari ng Edom, Moab, Ammon, Tiro at Sidon, sa pamamagitan ng kanilang mga sugo na ngayon ay nasa Jerusalem upang makipag-usap kay Haring Zedekias. Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa kanilang mga hari: ‘Ako ang lumikha sa lupa, sa mga tao, at sa mga hayop na naroon, sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ibinibigay ko ito sa sinumang aking kinalulugdan. Ang(B) lahat ng lupaing ito'y ipinasiya kong ibigay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na aking lingkod. Ibinigay ko rin ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya. Lahat ng bansa'y maglilingkod sa kanya, sa kanyang mga anak at mga apo, hanggang sa bumagsak ang kanyang kaharian. Pagdating ng panahong iyon, ang kaharian naman niya ang aalipinin ng mga hari at bansang makapangyarihan.

“‘Ngunit ang alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at hindi papailalim sa kanyang pamamahala ay paparusahan ko sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at salot, hanggang sa ganap silang mapailalim sa kanyang kapangyarihan. Kaya nga, huwag ninyong papakinggan ang inyong mga propeta, mga manghuhula, mga tumatawag sa espiritu ng mga patay, mga nagpapaliwanag ng mga panaginip, at mga manggagaway kapag pinipigil nila kayo na maglingkod sa hari ng Babilonia. 10 Kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo at ito ang magiging dahilan upang mapatapon kayo sa malayong lupain. Kayo'y itataboy ko, at mapapahamak kayong lahat. 11 Subalit kung ang alinmang bansa'y pasakop sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, pananatilihin ko sila sa kanilang bayan; bubungkalin nila ang sariling lupa at doon maninirahan.’”

12 Ganito rin ang sinabi ko kay Haring Zedekias ng Juda: “Pasakop kayo sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, at paglingkuran ninyo siya at ang kanyang bayan upang kayo'y mabuhay. 13 Kung hindi, mamamatay kayo sa digmaan at salot; ito ang parusang inilaan ni Yahweh sa alinmang bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia. 14 Huwag kayong maniwala sa mga propetang pumipigil sa inyo na maglingkod sa hari ng Babilonia; kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo. 15 Hindi ko sila sinugo; ginagamit lamang nila ang aking pangalan. Kaya, palalayasin ko kayo sa lupaing ito at kayo'y malilipol, pati ang mga propetang nandaya sa inyo.”

16 Sinabi ko naman sa mga pari at sa buong bayan ang ipinapasabi ni Yahweh: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagsasabi sa inyo na ang mga kagamitan sa bahay ni Yahweh ay ibabalik mula sa Babilonia sa madaling panahon. Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. 17 Huwag ninyo silang papakinggan; pasakop kayo sa hari ng Babilonia upang kayo'y mabuhay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito? 18 Kung sila'y talagang mga propeta, at kung salita nga ni Yahweh ang dala nila, ipakiusap nila kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na ang mga kayamanang natitira pa sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa Jerusalem, ay huwag madala sa Babilonia. 19 Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga haligi sa Templo, sa lalagyan ng tubig na yari sa tanso at mga patungan nito, at sa iba pang kagamitang natira sa lunsod. 20 Ang mga ito'y hindi kinuha ni Haring Nebucadnezar nang dalhin niyang bihag sa Babilonia si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim ng Juda, pati ang kanyang mga pinunong nasa Juda at Jerusalem. 21 Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel tungkol sa mga kagamitang naiwan sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa lunsod ng Jerusalem: 22 Ang mga ito'y dadalhin sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa araw na itinakda ko. Pagkatapos ay muli ko itong ibabalik sa kanya-kanyang lugar.”

Footnotes

  1. Jeremias 27:1 Zedekias: Sa ibang manuskrito'y Jehoiakim .