Jeremias 20
Magandang Balita Biblia
Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pashur
20 Si Pashur na anak ni Imer ay isang pari at siyang pinakapuno ng mga naglilingkod sa templo. Narinig niya ang pahayag ni Jeremias. 2 Kaya ipinabugbog niya ito, ikinadena ang mga paa't kamay, at ipinabilanggo sa itaas ng Pintuan ni Benjamin, na nasa hilagang bakuran ng templo. 3 Kinaumagahan, nang siya'y pakalagan na ni Pashur, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi na Pashur ang tawag sa iyo ni Yahweh kundi Takot sa Lahat ng Dako. 4 Sapagkat ang sabi ni Yahweh: ‘Gagawin kitang katatakutan ng iyong sarili at ng mga kaibigan mo. Makikita mo ang pagkamatay nilang lahat sa tabak ng kaaway. Ipapailalim ko ang lahat ng taga-Juda sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia; ang iba'y dadalhin niyang bihag sa Babilonia at ipapapatay naman ang iba. 5 Pababayaan ko ring makuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan sa lunsod na ito, at kamkamin ang lahat ninyong ari-arian, pati ang mga kayamanan ng mga hari ng Juda. Dadalhin nila sa Babilonia ang lahat ng maaaring pakinabangan. 6 Ikaw naman, Pashur, at ang iyong buong sambahayan ay mabibihag at dadalhin sa Babilonia. Doon na kayo mamamatay at malilibing, kasama ng inyong mga kaibigan na pinagsabihan mo ng mga kasinungalingan.’”
Si Jeremias ay Dumaing kay Yahweh
7 Yahweh, ako'y iyong hinikayat,
at naniwala naman ako.
Higit kang malakas kaysa akin
kaya ikaw ay nagwagi.
Pinagkatuwaan ako ng lahat;
at maghapon nila akong pinagtatawanan.
8 Tuwing ako'y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkawasak!”
Pinagtatawanan nila ako't hinahamak,
sapagkat ipinapahayag ko ang iyong salita.
9 Ngunit kung sabihin kong, “Kalilimutan ko na si Yahweh
at hindi na ako magsasalita para sa kanyang pangalan,”
para namang apoy na naglalagablab sa aking kalooban ang iyong mga salita,
apoy na nakakulong sa aking mga buto.
Sinikap kong tiisin ito,
ngunit hindi ko na kayang pigilin pa.
10 Naririnig kong maraming nagbubulungan.
Tinagurian nila akong “Takot sa Lahat ng Dako.”
Sinasabi nila, “Isumbong natin! Isumbong natin sa may kapangyarihan!”
Pati matatalik kong kaibiga'y naghahangad ng aking kapahamakan.
Sabi pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
pagkatapos, hulihin natin at paghigantihan.”
11 Subalit ikaw, Yahweh, ay nasa panig ko,
tulad sa malakas at makapangyarihang mandirigma;
mabibigo ang lahat ng umuusig sa akin,
mapapahiya sila at hindi magtatagumpay kailanman.
Hindi na makakalimutan ang kanilang kahihiyan habang panahon.
12 Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat,
alam mo ang laman ng kanilang mga puso't isip.
Kaya ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko,
ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
13 Awitan ninyo si Yahweh,
siya'y inyong papurihan,
sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.
14 Sumpain(A) nawa ang araw nang ako'y isilang!
Huwag ninyong ituring na araw na pinagpala ang araw nang ako'y ipanganak!
15 Sumpain nawa ang taong nagbalita sa aking ama,
“Lalaki ang anak ninyo!”
na nagdulot sa kanya ng malaking kagalakan.
16 Matulad nawa ang taong iyon
sa mga lunsod na winasak ni Yahweh nang walang awa.
Makarinig nawa siya ng iyakan sa umaga,
at hiyawan naman sa tanghali;
17 sapagkat hindi niya ako pinatay bago ako isinilang.
Sa gayon, naging libingan ko sana ang tiyan ng aking ina.
18 Bakit pa ako isinilang kung ang mararanasan ko lamang ay hirap,
kalungkutan at kahihiyan habang ako'y nabubuhay?
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.