Jeremias 18
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
18 Sinabi pa sa akin ng Panginoon, 2 “Pumunta ka sa bahay ng magpapalayok at doon ko sasabihin sa iyo ang nais kong sabihin.” 3 Kaya pumunta ako sa bahay ng magpapalayok at nakita ko na gumagawa siya ng palayok. 4 Kapag hindi maganda ang hugis ng palayok na ginagawa niya, inuulit niya ito hanggang sa magustuhan niya ang hugis.
5 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, 6 “O mga mamamayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang ginawa ng magpapalayok sa luwad na ito? Kung papaanong ang luwad ay nasa kamay ng magpapalayok, kayo rin ay nasa mga kamay ko. 7 Kapag sinabi ko na ang isang bansa o kaharian ay babagsak at mawawasak, 8 at ang bansa o kahariang iyon ay tumigil sa paggawa ng masama, hindi ko na itutuloy ang balak kong pagwasak sa kanila. 9 At kapag sinabi ko naman na muling babangon at itatayo ang isang bansa o kaharian, 10 at ang bansa o kahariang iyon ay gumawa ng masama at hindi sumunod sa akin, hindi ko na itutuloy ang balak kong paggawa ng mabuti sa kanila.
11 “Kaya sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem na ito ang sinasabi ko, ‘Makinig kayo! May binabalak akong kaparusahan para sa inyo. Kaya tumigil na kayo sa masasama ninyong pag-uugali. Ang bawat isa sa inyo ay magbago na ng ginagawa at pag-uugali.’ 12 Pero sasagot[a] ang mga tao, ‘Hindi maaari! Ipagpapatuloy pa rin namin ang aming gusto; susundin namin ang nais ng matitigas at masasama naming puso.’ ”
13 Kaya ito ang sinabi ng Panginoon, “Tanungin ninyo sa ibang mga bansa kung may narinig na silang ganitong pangyayari? Ang mga mamamayan ng Israel ay nanatili sanang isang birhen, pero kasuklam-suklam ang mga bagay na ginawa nila! 14 Natutunaw ba ang yelo sa mababatong bundok ng Lebanon? Natutuyo ba ang malalamig na batis doon? Hindi! 15 Pero ang aking mga mamamayan ay nakalimot na sa akin. Nagsusunog sila ng insenso sa walang kwentang mga dios-diosan. Iniwan nila ang tama at dating daan, at doon sila dumaan sa daang hindi mabuti kung saan silaʼy nadapa. 16 Kaya magiging malungkot ang lupain nila at hahamakin magpakailanman. Ang lahat ng dumadaan ay mapapailing at mangingilabot. 17 Pangangalatin ko sila sa harap ng mga kaaway nila na parang alikabok na tinatangay ng hangin mula sa silangan. Tatalikuran ko sila at hindi ko sila tutulungan sa araw na lilipulin na sila.”
18 Pagkatapos, sinabi ng mga tao, “Halikayo, gumawa tayo ng paraan para mapatigil natin si Jeremias! May mga pari rin tayong magtuturo sa atin ng kautusan, at may mga pantas din tayong magpapayo sa atin, at mga propetang magpapahayag sa atin ng mensahe ng Dios. Kaya gumawa tayo ng mga kwento laban sa kanya at huwag na nating pakinggan ang mga sinasabi niya.”
19 Kaya nanalangin ako, “O Panginoon, tulungan nʼyo po ako! Pakinggan nʼyo po ang balak ng mga kaaway ko sa akin. 20 Mabuti po ang ginagawa ko sa kanila pero masama ang iginaganti nila sa akin. Humukay po sila para mahulog ako sa hukay na iyon, kahit na dumulog ako sa inyo at nanalangin na huwag nʼyo silang parusahan dahil sa galit nʼyo sa kanila. 21 Pero ngayon, pabayaan po ninyong mamatay ang mga anak nila sa gutom at digmaan. Pabayaan nʼyong mabiyuda ang mga babae at mawala ang mga anak nila. Pabayaan nʼyo pong mamatay ang kanilang mga lalaki sa sakit at ang mga kabataang lalaki sa digmaan. 22 Hayaan nʼyo silang mapasigaw sa takot kapag ipinasalakay nʼyo sa mga kaaway ang mga bahay nila. Sapagkat naghanda po sila ng hukay para mahulog ako roon, at naglagay sila ng bitag para mahuli ako. 23 Pero alam nʼyo po Panginoon ang lahat ng plano nilang pagpatay sa akin. Kaya huwag nʼyo silang patawarin sa mga kasalanan at kasamaan nila. Hayaan nʼyo silang matalo ng kanilang mga kaaway habang nakatingin kayo. Iparanas nʼyo sa kanila ang inyong galit.”
Footnotes
- 18:12 sasagot: o, sumagot.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®