Add parallel Print Page Options

Hindi Pinayagang Mag-asawa si Jeremias

16 Sinabi pa sa akin ng Panginoon, “Huwag kang mag-aasawa o magkakaanak man sa lupaing ito. Sasabihin ko sa iyo kung bakit, at kung ano ang mangyayari sa mga batang ipapanganak sa lugar na ito at sa mga magulang nila. Mamamatay sila dahil sa malubhang karamdaman. Walang magluluksa sa kanila o maglilibing ng mga bangkay nila. Kakalat ang mga bangkay nila sa lupain na parang mga dumi. May mga mamamatay sa digmaan at taggutom, at ang mga bangkay nilaʼy kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Huwag kang papasok sa mga bahay na may mga patay. Huwag kang makikidalamhati sa kanila o magpapakita ng pagkahabag sa kaninuman. Sapagkat inalis ko na ang pag-ibig at pagkahabag ko sa mga taong ito. Mamamatay sila sa lupaing ito, mayaman man o dukha, at walang maglilibing sa kanila. Walang taong susugat sa sarili nila o magpapakalbo para ipahayag ang pagluluksa nila sa mga namatay. Walang magbibigay ng pagkain o inumin para aliwin ang mga nagdadalamhati, kahit na ama o ina ang namatay. Huwag ka ring papasok sa mga tahanang may mga handaan para kumain at uminom doon. Sapagkat ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Makikita mo sa kapanahunan mo na patitigilin ko ang kasiyahan at kagalakan sa lugar na ito, pati ang kaligayahan ng mga bagong kasal.’

10 “Kapag sinabi mo sa mga tao ang mga bagay na ito at magtanong sila, ‘Ano ang nagawa naming kasalanan sa Panginoon naming Dios? Bakit kami binigyan ng babala ng Panginoon na darating sa amin ang ganoong kapahamakan?’ 11 Sabihin mo sa kanilang ito ang sagot ko: ‘Ginawa ko ito dahil itinakwil ako ng mga ninuno nila. Naglingkod at sumamba sila sa mga dios-diosan. Itinakwil nila ako at hindi nila sinunod ang kautusan ko. 12 At mas higit pa kayong masama kaysa sa mga ninuno ninyo. Ang kasamaan at katigasan ng mga puso nʼyo ang sinunod ninyo, sa halip na ako ang sundin ninyo. 13 Kaya palalayasin ko kayo sa lupaing ito patungo sa lupaing hindi nʼyo alam, ni ng mga ninuno ninyo. At doon, magpapakasawa kayo sa paglilingkod sa ibang dios araw at gabi, at hindi ko na kayo kahahabagan.’

14 “Darating ang araw na hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa Egipto!’ 15 Sa halip, sasabihin nila, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa bansang nasa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan niya sila pinangalat.’ Sapagkat ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila.

16 “Pero sa ngayon, padadalhan ko muna sila ng maraming kaaway na parang mga mangingisdang huhuli sa kanila. At magsusugo rin ako ng mga mangangaso na maghahanap sa kanila sa mga bundok, burol at mga kweba. 17 Nakita ko ang lahat ng pag-uugali nila. Wala kahit anuman na naitatago sa akin. Nakita ko rin ang mga kasalanan nila. 18 Kaya pagbabayarin ko sila nang doble sa kasamaan at kasalanan nila dahil dinungisan nila ang lupain ko sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam at patay nilang mga dios-diosan.”

19 Sinabi ko, “O Panginoon, kayo po ang kalakasan at tagapagkalinga ko sa panahon ng pagdadalamhati. Lalapit po sa inyo ang mga bansa mula sa buong mundo[a] at sasabihin nila, ‘Walang kwenta ang mga dios-diosan ng aming mga ninuno. Wala silang nagawa na anumang kabutihan. 20 Ang tao baʼy makakagawa ng kanyang dios? Kung makakagawa siya, hindi iyon totoong Dios!’ ”

21 Sinabi ng Panginoon, “Kaya ngayon, ipapakita ko sa kanila ang kapangyarihan at kakayahan ko para malaman nila na ako nga ang Panginoon.”

Footnotes

  1. 16:19 buong mundo: sa literal, sa dulo ng mundo.